Sa Leyte, Dalawang hiyas sa pagpaparami ng Kabaw

 

Pambihira. Ito ang sasaisip agad sa sinumang makakikita sa Rancho MR Larrazabal sa barangay Cabaon-an sa Ormoc City sa Leyte. Ito’y mayroong 1,000 iba’t ibang uri ng inaalagaang mga hayop – mga bakang Brahman at Helstein Sahiwal, karnero, kabayo, kambing at kalabaw.

Sa mga ito, pinakamarami ang kalabaw. Umaabot sa 460 na lahat.

“Mga mestizo (crossbred) ang mga ‘yan,” sabi ng may-aring si Melchor “Gaming” Larrazabal Jr. “Ang inahin ay 222, 174 ang dumalaga, 59 ang mga junior bulls at lima ang senior bulls,” dagdag niya.

Itinatag ng pamilya Larrazabal ang rancho bilang isang libangan lamang sa pasimula. Mga native na kalabaw ang kanilang inalagaan na dinagdagan nila ng dalawang bulugang American buffalo – sina “Richard” at “Eddie” na siyang nagpasimula ng pagsilang ng mga crossbred na kalabaw sa rancho.

Kung noo’y pawang nangakapawala lang sa rancho ang mga kalabaw, ang mga ito’y masistematiko na ngayong inaalagaan. Bunga ito ng pakikipagtulungan, simula noong 2005 ng PCC sa Visayas State University (PCC@VSU) na pinamumunuan ni Dr. Julius Abela bilang center chief.

Nitong ilang taon ang nakalipas, sa layuning makatulong sa pagpapalaganap ng mga crossbred na kalabaw, naitalaga ang rancho bilang isang “multiplier farm”. Ito ngayo’y tinatawag na MR Larrazabal Crossbred Carabou Multiplier Farm (MRLCCMF).

Ang MRLCCMF ay isa sa dalawang “multiplier farm” sa Leyte. Sa bayan ng Javier, sa barangay Poblacion, Zone II, nakatatag ang Javier Dairy Buffalo Multiplier Farm (JDBMF) na pag-aari niMichael “Dragon” Javier.

Kung ang “Larrazabal” ay crossbred na kalabaw ang pinararami, ang sa “Javier” nama’y mga purebred na gatasang kalabaw. Napahiraman si G. Javier ng 50 Italian Murrah buffaloes noong Oktubre 2014 at karagdagang 50 pa noong Enero ng sumunod na taon.

“Limang ektyarya ngayon ang ginagamit ng JDBMF sa pag-aalaga ng gatasang kalabaw,” ani Honielyn Argallon, farm manager ng JDBMF. “May plano kami na palawakin pa ito upang kayanin ang pag-aalaga ng hanggang 800 kalabaw. Kasama rin sa plano ang paglalagay ng pasilidad sa pagpoproseso ng aning gatas,” dagdag niya.

Mula sa dalawang “farms” na ito, ngayo’y napalalaganap at lubhang napasisigla sa Leyte at iba pang lugar ang “Carabao Development Program” (CDP).

Kung ano ang multiplier farm

Inilunsad ng PCC ang  konseptong “multiplier farm” upang lalo pang mapalaganap ang mga biyayang handog ng CDP. Sa pamamagitan nito, nagkakaroon  ng mapagkukunan ng mahuhusay na lahi ng gatasang kalabaw na maipahihiram o maipagbibili sa mga indibiduwal na magsasaka.

Sa kasalukuyan ang programa ng PCC ay nakatuon sa pagpapahiram ng mga gatasang kalabaw sa mga miyembro ng kooperatiba.

Inilunsad ang proyektong ito batay sa mandato ng gobyerno na pag-ibayuhin ang maramihang produksyon ng crossbred, at maging purebred, na kalabaw sa pamamagitan ng “Public-Private Partnership”. Ito’y upang magkaroon ng mapagkukunan ang mga magsasaka ng mga kalabaw na magpapasimula sa kanila sa pagkakaroon ng pangkabuhayang gawaing salig sa kalabaw.

Bilang isang multiplier farm, pamamatnugutan nito ang pamamahala sa mga kalabaw ayon sa pamamaraan at pamantayan ng PCC ukol sa pagpapalahi sa mga hayop sa ilalim ng “Genetic Improvement Program” ng ahensiya. Ang napapanahong pagpapalahi ay isasagawa ng kwalipikadong AI teknisyan o ng isang clean-up bull.

Tungkulin din ng “multiplier farm” na maglaan ng wastong pakain, tulad ng pagtatanim ng maiinaman na klaseng damo na kinabibilanghan ng humidicola, guinea, super napier (pakchong), rensonii, at trichantera, pagtatala ng kalagayan ng bawa’t hayop na susuriin naman at gagawan ng kaukulang pagpapahusay o pag-aayos sa pamamahala sa hayop, regular na pagsusuri sa kalagayang pangkalusugan ng mga hayop, pagpupurga at pagbibigay ng bitamina, at ilan pang kaugnay na gawain sa pangangalaga.

Kaugnay ng lahat ng gawaing ito, matamang itatala ang kalagayan ng bawa’t isang hayop at ito’y susuriin ng PCC sa tuwing ikaapat na buwan. Base sa tala, isasagawa ang mga kaukulang sistema ng pagpapahusay o pagsasaayos ng pamamahala sa mga hayop. 

Batay sa kasunduan, ang bawa’t inahing kalabaw na “paiwi” ay dapat na bayaran ng dalawang babaing kalabaw sa loob ng walong taon. Sa kalaunan ay maaari ring bilhin ng “multiplier farm” ang anak na babaing kalabaw.

Ukol naman sa pagpapahiram ng “multiplier farm” sa mga magsasaka, ang isang inahing kalabaw ay babayaran ng dalawang babae sa loob ng walong taon. Ang ang unang anak na babae ay tuwirang ibibigay sa “multiplier farm” at ang pangalawa ay sa magsasaka, at ang pangatlo, malalake ay pagpapasiyahan ng magsasaka kung mananatili sa kanya o sa “mulplier farm”.

Maayos na rancho

Sa tulong ng PCC, kung dati-rati’y nangakakalat lang ang mga kalabaw sa Rancho MR Larrazabal at laganap ang inbreeding, ngayo’y nasa ayos na ang mga ito at maayos na rin ang  sistema ng pagpapalahi. Inalis na ang mga native na bulugan at pinalitan ng mga purong Bulgarian bulls mula sa PCC.

Hinati-hati rin sa lima ang rancho sa pamamagitan ng mga bakod na maghihiwa-hiwalay sa mga babae, lalake, at bulo. Ang taniman nito ng damong pakain ay humigit-kumulang sa 300 ektarya.

Simula noong 2010, humigit-kumulang sa 50 hanggang 60 lalake at 100 babaeng kalabaw na ang naipamahagi ng rancho.  Ang lalakeng kalabaw ay naibebenta sa halagang P20,000 at P30,000 hanggang P35,000 naman kung babae. Karaniwang ang mga namimili ay mga asosasyon ng mga magsasaka mula sa Leyte, Samar, Cebu at ngayo’y maging sa Mindanao.

Sa kasalukuyan, 100 babaeng crossbred na kalabaw na puwede nang palahian ang nakatakdang bilhin ng mga kliyente ng PCC sa University of Southern Mindanao, Central Mindanao University, at Mindanao Livestock Production Complex na pawang  mga asosasyon  na magsisilbi namang mga mini-multiplier farm sa Mindanao.

Simula naman nang nakaraang taon, umangat ang kitang P25,000  sa mahigit P180,000 kada buwan ang kita ng Rancho Larrazabal mula sa mga produktong pasteurized milk, choco milk, at pastillas. Humigit-kumulang sa 500 litro ng gatas ang pinoproseso nito kada linggo na dinadala  sa siyam na sangay ng “Andok’s Litson Manok” sa Leyte na pagmamay-ari ng mga Javier.

Sa Javier Dairy Buffalo Multiplier Farm naman, 44 na ang nanganak sa ipinahiram na kalabaw samantalang 43 na ang buntis sa pangalawang grupo at lahat ay sa pamamagitan ng artificial insemination. Sila’y tinutustusan ng pakaing-damo mula sa 15 ektaryang taniman at ng  pandagdag na konsentreyts.

Agosto ng taong 2015 nang magsimulang gumatas ang JDBMF at ang karaniwang ani ay 5.5. hanggang 6 litro bawa’t kalabaw araw-araw. Sa kasalukuyan, 31 ang ginagatasang kalabaw sa JDBMF.

Sa mga naipanganak na mga bulo mula sa AI, wala pang naipamamahagi sa mga magsasaka dahil maliliit pa ang mga ito. Gayunman, nakagayak na ang ilang bulo na may edad 14 na buwan na ibabayad sa PCC ayon sa nilagdaang kasunduan.

Mga pakinabang

Ayon kay Dr. Abela,naging makatotohanan ang proyektong ito sa Leyte sa pamamagitan ng pondong inilaan sa mga Special Area for Agricultural Development o SAAD sa ilalim ng tanggapan ng Kalihim ng Kagawaran ng Pagsasaka.

“Magmula nang tulungan ng PCC ang rancho MR Larrazabal noong 2005, maraming magsasaka na ang nakinabang sa mga crossbred na kalabaw. Dahil dito’y naging mabilis ang pagpapatupad ng CDP dito sa Visayas dahil may mapagkukunan na ng mga hayop. Malaking bagay para sa programa na mayroon tayong multiplier farm para sa crossbred na kalabaw,” ani Dr. Abela.

Simula noong 2013, 40 na crossbred na kalabaw na ang naka-paiwi sa mga magsasaka. Karaniwang ginagamit ang mga ito bilang pantrabaho sa bukid.

 “Ang ranchong ito ay talagang lugar-pahingahan lang para sa aming pamilya. Pero natutuwa kaming nakatutulong na ngayon sa sa maraming magsasaka. Mainam na naging katuwang namin ang PCC sa gawaing ito,” ani Larrazabal.

Sa kasalukuyan, may 12 na kooperatiba ng mga magsasaka ang inaasistehan ng PCC@VSU at apat pa ang nakaambang maging kablikat din nito sa CDP.

“Pantrabaho lang sa bukid ang gamit ng mga magsasaka sa kalabaw.Pero, may natatanaw na panibagong pagkakakitaan sila sa gatasang kalabaw at nagpapasalamat sila na may mapagkukunan silang magagandang hayop sa gaya ng sa dalawang multiplier farm,” ani Dr. Abela.

Sa sistemang multiplier farm, mas magiging madali para sa PCC ang pag-monitor sa mga ipinahiram na kalabaw dahil nasa isang farm lang ang mga ito, mas maipatutupad ang katulad na GIP para sa sistema ng pagpapalahi, at mas mapagbubuti ang kalakaran ng pangangasiwa.

“Hindi nga malayo ang panahon ng pagyabong ng industriya ng gatasang kalabaw sa maraming kanayunan sa Visayas dahil sa mga multiplier farms na ito,” ani Dr. Abela.

 

Author

0 Response