Visayas: Ang mapalad na lupain ng pagtatagumpay at kahusayan

 

Binubuo ng pitong malalaki at daan-daang maliit na islang nakapalibot sa Visayan, Samar at Camotes seas , ang Visayas ay isa sa tatlong pangunahing isla ng bansa. Kilala ito sa katawagang “Central Philippines”.

Tinagurian itong “mapalad na lupain ng pagtatagumpay at kahusayan” batay sa pinagmulan nitong terminong “Visayas” na hango sa Emperyo ng Srivijaya sa Sumatra.

Sinasabi ng kasaysayan na sampung datu, na tumakas sa paninikil ng rajah ng Borneo, ang nakarating sa Isla ng Panay. Sila, kasama ng kanilang mga kabig, ang itinuturing na mga ninuno ng mga “taong Visayan”.

Ginugunita at ipinagdiriwang ng mga pistang “Ati-Atihan” sa Kalibo, Aklan at “Binirayan” sa San Jose Antique ang kanilang pagdating sa Visayas. Sa Panay, isang tulang epiko, ang “Hinilawod” na may 29,000 berso, ay nagsasaad ng mga “Kuwentong Mula sa Bukana ng Ilog Halawod”.

Tumatalakay ito sa mga pakikipagsapalaran ng tatlong mala-Diyos na magkakapatid na Labaw Donggon, Humadapnon at Dumalapdap ng sinaunang Panay. Taglay nito ang mga kaalaman ukol sa kultura, relihiyon, at mga ritwal ng mga sinaunang tao ng Sulod at nagpapakita na ang mga sinaunang Filipino ay naniniwala sa mga “sagrado”, kahalagahan ng dangal ng pamilya, at mga personal na katapangan at dignidad.

 Ang mga pangunahing isla ng Visayas ay Bohol, Cebu, Leyte, Masbate, Negros, Panay, at Samar.

  Matatayog na bundok ang makikita sa kalakhang bahagi ng Isla ng Visayas maliban sa Samar at Masbate na maituturing namang lubhang maburol. Maluwang ang kapatagan sa dakong silangan ng Panay, na tinatamnan ng tubo at palay, samantalang sa dakong kanluran naman ay makikita ang malawak na kapatagan sa Negros.

Ang mga pangunahing lenguwahe sa Visayas ay  Cebuano sa Central Visayas at Negros Oriental, Hiligaynon o Ilonggo sa Western Visayas at Negros Occidental, at Waray sa Eastern Visayas. Ang iba pang lengguwahe ay Aklanon, Kinaray-a, Capiznon at pangalawang lengguwahe ang English at malaganap din ang lenguwaheng Filipino.

Binubuo ng 16 na probinsiya, ang Visayas ay nahahati sa apat na rehiyong administratibo. Ang mga ito’y Western Visayas (Region VI na ang sentrong panrehiyon ay sa Iloilo City), Negros Island Region (NIR/Region XVIII, Bacolod City at Dumaguete City), Central Visayas (Region III, Cebu City); at Eastern Visayas (Region IX, Tacloban City).

Hiyas ng mga pook-pasyalan

Mapalad ang Visayas sa pagkakaroon ng mga bantog na pook-pasyalan.

Pangunahin na ang Boracay sa Aklan na kilala sa buong mundo. Tinagurian itong “best island of the world” noong 2012 ng “Travel + Leisure” na isang pandaigdigang travel magazine.

Sa Bohol, makikita ang 1,268 chocolate hills na  mga nakakumot na ay nagbabago ng anyo at nagiging kulay tsokalate sa takdang panahon. Kinilala ito na “National Geological Monument”.

Sa Bohol din makikita ang Panglao Island na ang tampok ay ang Hinagdanan Cave na may ‘underground water source”. Tampok din ang Balicasag Island na pinagdarayo dahil sa mga isdang dagat na barracuda at jack fish, mga pagong, murray eels o palos at bilang isang “dive resort”.

Sa Bohol pa rin matatagpuan ang ”wildlife sanctuary” na kinaroroonan ng mga Philippine Tarsier na tinatawag na  mawmag sa Cebuano at mamag sa Luson. Ang hayop na ito, na may laking 85 hanggang 160 milimetro, ay matatagpuan din sa Samar, Leyte at maging sa Mindanao at maliliit na isla ng Maripipi, Siargao, Basilan, at Dinagat. 

Sa Leyte, pinagdarayo ang lugar na kung saan dumaong si Gen. Douglas McArthur bilang pagtupad sa kanyang ipinangakong “I shall return”.  Naroroon din ang pananda sa “Battle of Leyte Gulf” na pinakamatagal na bakbakang sa karagatan sa kasaysayan ng mundo.

Sa Samal Island naman ay ang San Juanico Bridge, ang pinakamahabang tulay sa Pilipinas. Doon din ang pondahan ng mga behikulo para sa “roll on, roll off” (Ro-Ro) patungong Luson, sa Dumaguete City naman ang bantog na Silliman University, sa Bacolod City ay ang “Maskara Festival” at sa Guimaras Island naman ay ang pamosong “Guimaras mango”.

Pangunahing pinatutunguhan lunsod sa Visayas ang Cebu City” na tinaguriang “Queen City of the South”. Ito ang pinakamatandang komunidad na itinatag ng mga Kastila noon sa bansa, Nasa lunsod na ito ang isang Taoist Temple pinagdarayo rin dahil sa “flower ritual” kung Mierkoles at pook-tanawan ng buong Cebu Island at ng papalubog na araw.

Marami pang ibang pook-pasyalan at mga “landmarks” sa Visayas – mga 120 pa.

Agrikultura  

Sa Western Visayas (Antique, Iloilo, Capiz, Negros Occidental, at Guimaras), ang bahaging ito  ay may mahigit sa 666 libong ektaryang lupa na pinanggagalinan ng mga produktong agrikultural. 

Pinakamalaki ang sa Iloilo (180,000 ektarya) at kasunod ang Negros Occidental (132,000 ektarya). 

 Pangunahin sa kanilang produkto ay palay (471,000 ektarya), kasunod ay tubo (136,000 ektarya), at mais (55,000 ektyarya). Ang Negros Occidental ang siyang kinikilang “sugar bowl” ng bansa. Pangunahing produkto sa Aklan at Antique ay niyog, saging sa Capiz, Iloilo at Negros Occidental, at kalamansi sa Guimaras.

Sa Eastern Visayas (Eastern Samar, Leyte, Biliran, Northern Samar, at Southern Leyte), may kabuuang 723,000 ektaryang lupaing agrikultural. Ang pinamalawak ay Leyte (258,000 ektarya) at ang kasunod ay Samar (102,000 ektarya). Pangunahing produkto ay palay, mais, root crops, at tubo, niyog, abaka, cacao, at saging.

Ang Central Visayas (Bohol, Cebu, Negros Oriental, at Siquijor) ay binubuo ng 522,000 ektaryang lupang agrikultural na nahahati sa 430,000 bukirin.

Sa lawak, pinamalaki ang Negros Oriental (228,000 ektarya), kasunod ang prubinsiya ng Cebu (146,000 ektarya) at pangatlo ang Bohol (136,000 ektarya.) Pangunahin ang mais bilang produkto sa Cebu, Negros Oriental, at Siquijor samantalang palay naman sa Bohol. Sa permanenteng pananim, pinakamarami ang niyog sa rehiyong ito (10.5 milyon), kasunod ang saging, at mangga.

Pagkakalabawan

Sa larangan ng pagkakalabawan, ang Eastern Visayas ay siyang pangalawang may pinamalaking populasyon ng kalabaw na umabot sa 233,069 sa buong Pilipinas batay sa imbentaryo noong Hulyo, 2016. Pangalawa ito sa Bicol na may pinakamaraming kalabaw (292,880).

Ang kabuuang populasyon ng kalabaw sa Pilipinas ayon sa imbentaryo ay 2.89 milyon.

Ang Western Visayas ay may 205,848 kalabaw at sa Negros Island Region ay 165,785.

Marami-rami na rin namang mga gatasang kalabaw sa buong Visayas. Patuloy ring umaangat sa maraming bahagi ng Visayas ang mga industriyang-salig-sa-kalabaw.

May apat na panrehiyong tanggapan ang Philippine Carabao Center sa Visayas.  Ang mga ito’y sa Carlota Stock Farm sa Negros Occidental, Ubay Stock Farm sa Bohol, Visayas State University sa Leyte, at West Visayas State University sa Iloilo.

Ang mga panrehiyong tanggapang ito ng PCC ay siyang masidhing nagsusulong ng Carabao Development Program sa Visayas.

 

Author

0 Response