Wastong Paggagatas ng Kalabaw para Mapanatili ang Magandang Kalidad nito

 

Ang wastong paggagatas sa kalabaw ay isang mahalagang gawain at kasanayan para mapanatili ang magandang kalidad ng gatas.

Ang wastong kaalaman at kasanayan sa mga tamang panuntunan sa paggagatas ng kalabaw ay mahalaga upang maging matagumpay sa negosyong salig sa kalabaw.

Sa gawaing ito, masisiguradong malinis at sariwa ang gatas na maaani mula sa kalabaw at dekalidad ang anumang produktong maaani o malilikha mula rito.

 

Mahahalagang bagay na dapat tandaan sa paggagatas ng kalabaw

1. Bago isalang ang kalabaw sa lugar ng paggagatasan, obserbahan kung ito ay masigla, komportable, at walang karamdaman.

2.  Ang lugar na pinaggagatasan ay dapat malinis, tuyo, at malayo sa mga bagay na lumilikha ng malakas na ingay.

3. Hindi dapat pabagu-bago ang lugar na pinaggagatasan at ang oras ng paggagatas.

 

Mga dapat gawin at ihanda bago maggatas

1. Paliguang mabuti ang kalabaw at ilipat ito sa malinis na lugar.

2. Magbihis ng malinis na damit at ugaliing laging malinis ang kamay.

3. Hugasan sa kumukulong tubig ang timba o lalagyan ng gatas at linisin itong mabuti.

4. Ihanda ang mga gamit gaya ng mga sumusunod:

• timbangan

• telang katsa

• maliit na upuan

• malinis at malambot na basahang pamunas ng suso

• tasa para sa pagsusuri ng unang tulo ng gatas

• stainless na timba o lalagyan ng gatas

• face mask

• termos para sa maligamgam na tubig

•disinfectant

 

Mga dapat sundin upang sumangkal ang suso ng gatasang kalabaw

1. Maglagay muna ng konsentreyt sa labangan bago ipasok ang hayop sa ipitan.

2. Maaaring padedehin ang bulo para sumangkal ang suso ng inahin bago gatasan.

3. Punasan ang suso ng basahang binasa ng maligamgam na tubig at masahehin ang puklo ng inahin hanggang ito ay sumangkal.

4. Maaari ring itabi ang bulo sa inahin habang ginagatasan.

5. Marahang pigain ang utong (3-4 beses) para maalis ang unang gatas ng inahin. Isinasagawa ito upang masuri ang gatas o kung may impeksyon ang suso ng inahin.

 

Mga paraan ng paggagatas

A. Manu-manong paggagatas o “hand milking”

1. Umupo sa bangkito sa gawing hulihan ng kalabaw, malapit sa suso nito. Ilagay ang timba na may salaan sa pagitan ng tuhod.

2. Punasan ng malinis na basahan na binasa sa maligamgam na tubig ang mga suso nito at umpisahang pasangkalin.

3.  Sa pamamagitan ng kamay at mga daliri, isa-isang pigain ang suso ng 3 o 4 na beses upang lumabas ang gatas mula rito. Ilagay sa tasa ang unang tulo ng gatas at obserbahan kung normal ang kulay at walang namumuo.

4. Kapag normal o sariwa ang gatas, ipagpatuloy ang paggagatas hanggang maubos at magatasan ang lahat ng suso.

5. Kung may problema sa kulay at anyo ng gatas, ituloy pa rin ang paggagatas. Itapon ang nakuhang gatas malayo sa pinaggagatasan at kumonsulta agad sa beterinaryo.

6. Huwag hayaang tumulo ang hindi sariwang gatas sa sahig upang maiwasang makontamina o mahawa ang iba pang gatasang hayop.

7. Ang sariwang gatas na nakuha sa inahin ay maaari nang ilagay sa ibang sisidlan para gamitin o ibenta.

8. Pagkatapos maggatas, lagyan ng “disinfectant” o “tincture of iodine” ang bawa’t suso upang maiwasan ang impeksyon.

9. Sabunin at banlawang mabuti ang mga ginamit sa paggagatas at patuyuin ito sa malinis na lugar.

 

B. Paggagatas sa pamamagitan ng makina o “machine milking”

1. Ihanda ang makinang gagamitin, basahang pamunas ng suso ng bawa’t kalabaw, “disinfectant” o “iodine” at ang tangkeng lalagyan ng gatas o “cooling tank”.

2. Papasukin ang mga gatasang kalabaw sa bawa’t ipitan at siguraduhing mayroong nakahandang pagkaing konsentreyt sa labangan.

3. Punasan ng malinis na basahan ang bawa’t suso ng mga nakasalang na kalabaw at pasangkalin ang mga ito sa pamamagitan ng pagpiga ng 3-4 beses. Ilagay ang mga tumulong gatas sa wells ng California Mastitis Test (CMT) paddle at obserbahan ang anyo at kulay nito.

4. Kung normal ang nasuring gatas gamit ang CMT paddle, ikabit ang “clusters” sa bawa’t suso ng kalabaw hanggang makuha lahat ang mga gatas nito.

5. Karaniwang tumatagal ng 7 hanggang 12 minuto ang paggagatas ng bawa’t “batch” ng kalabaw.

6. Bago palabasin sa ipitan ang mga kalabaw, lagyan muna ng iodine o disinfectant ang mga suso nito upang makaiwas sa impeksyon.

7.  Itala ang produksyon o dami ng nakuhang gatas mula sa bawa’t kalabaw.

8. Isalin sa tangke o “cooling tank” o ibang sisidlan ang nakuhang gatas.

9. Sundin ang mga pamamaraan bilang 4 hanggang 10 para sa mga susunod na “batch” hanggang magatasan lahat ang mga kalabaw.

10. Sabunin at banlawang mabuti ang mga ginamit sa paggagatas. May sariling paraan ng paglilinis ang makinang panggatas o “milking machine”(automatic cleaning and disinfection).

Author

0 Response