Mapa-agahan, tanghalian, o hapunan - Kardeli, aprub sa bayan!

 

Likas sa ating mga Pinoy ang hilig sa pagkain at pagluluto. Nguni’t maselan tayo pagdating sa kalidad ng anumang produktong pagkain. Patok sa panlasa kung ang ihahain sa atin ay pagkaing masustansya, masarap at madaling lutuin.

Pagdating sa “dali” ng pagluluto, kadalasang hindi bantog gamitin ang karne ng kalabaw dahil sa pag-aakalang matigas ito at mahirap lutuin. Ito ang kaisipang nais baguhin ng DA-Philippine Carabao Center (PCC) sa muli nitong pagpapakilala ng karne ng kalabaw bilang premium quality meat sa ilalim ng brand name na Kardeli.

Ano nga ba ang Kardeli?

Pangalan pa lang nakatatakam na! Hango ang Kardeli sa mga salitang “carabao” at “delicacy”.

Kapag sinabing Kardeli, ito ay mga produktong choice cuts ng karne ng kalabaw katulad ng brisket, belly, ribeye, riblet, tenderloin, at sirloin. Mayroon ding Kardeli Specials gaya ng tapa, tocino, at sausages. Ang Kardeli ay karneng sinisigurong malinis, masustansya, sariwa at natural mula sa mga kalabaw na inalagaan sa wasto at sistematikong produksyon.

Dinebelop ang Kardeli carabao meat products sa ilalim ng Carabao Meat Development Program, isang pangmatagalang proyekto ng DA-PCC na naglalayong pormal na muling ipakilala ang karne ng kalabaw sa merkado.

“Malaking proporsyon ng mga Pilipino ang mas gusto ang karne ng kalabaw lalo na sa Visayas at Mindanao. Nguni’t hindi pa rin nawawala sa impresyon ng nakararami ang pagiging matigas at mababang kalidad nito. Kaya upang maitama ang negatibong impresyon at bigyang halaga ang kalabaw ng ating mga magsasaka, bumuo ang DA-PCC ng programa upang mas mapaunlad at mapabuti ang kalidad ng mga kalabaw sa bansa,” ito ang pagbabahagi ni Dr. Ester Flores, Scientist I at hepe ng Animal Breeding and Genomics Section (ABGS).

Pinagtutulungan ito ng Product Development and Innovation Section (PDIS), Animal Breeding and Genomics Section (ABGS), Production System and Nutrition Section (PSNS), Carabao-Based Enterprise Development Section (CBEDS) at Gene Pool ng ahensya. Kabilang sa nasabing programa ang pagpapabuti ng mga aspetong breeding, feeding, development of products and quality of meat, at enterprise development.

Ayon kay Patrizia Camille Saturno, Science Research Specialist II (SRS II) ng PDIS, matagal nang plano ang paglalabas ng mga produktong gawa sa karne ng kalabaw. Sa katunayan, ang DA-PCC sa Central Luzon State University (CLSU) ay gumagawa na ng carabao meat tapa, tocino at papaitan habang ang DA-PCC sa University of the Philippines Los Baños (UPLB) ay gumagawa ng 10 klase ng carabao meat sausage.

Bakit karne ng kalabaw?

Ayon sa Philippine Statistics Authority Carabao Situation Report, nasa 2.84 milyon ang bilang ng kalabaw sa Pilipinas sa kasalukuyan. Bumaba ito ng -0.9 porsyento noong nakaraang taon. Pinakamataas ang populasyon ng kalabaw sa Bicol Region na sinundan ng Western Visayas at Central Luzon. 

Ayon kay Dr. Flores, malaki ang naiaambag ng kalabaw sa lokal na produksyon ng karne sa bansa. Malaki rin ang pakinabang dito ng mga magsasaka lalo na pagdating ng matinding pangangailangan. Nandiyang maaari nilang ibenta o katayin ang kanilang kalabaw para sa karne nito sa mababang halaga.

Sa mga nakaraang taon, ang ahensya ay natuon sa pagpoproseso ng gatas kung kaya’t nais naman nito ngayong ipromote ang produksyon ng karne ng kalabaw. Layunin ng proyekto na bumuo ng isang carabao meat line kung saan ang mga kalabaw ay pag-aaralan at partikular na palalakihin para sa produksyon ng karne.

Dagdag pa ni Dr. Flores, malambot at mas mababa ang kolesterol ng karne ng kalabaw. Nagiging matigas lang ang karne kapag matanda nang kinatay ang kalabaw o ‘di kaya’y kung hindi na ito mapapakinabangan sa bukid.

Ayon sa Europe Buffalo Production and Research on Buffalo Meat and Meat Industry ni Antonio Borghese (2005), nabanggit na ang buffalo meat ay may potensyal na tumaas ang demand dahil ito ay lean at ang taba ay mas mababa ng dalawang porsyento kumpara sa baka. Ligtas din ito sa mga pestisidyo at iba pang sakit dahil ang ipinapakain lamang ay mga damo.

Sa parehong pag-aaral, nabanggit din na ang kalidad at dami ng karne ng kalabaw ay nakasalalay sa lahi nito, edad kung kailan kinatay, intensity ng pagpapakain, sistema ng pamamahala at kondisyon ng kapaligiran kung saan ito inaalagaan.

“Sa ngayon, sa atin pa lang nanggagaling ang mga produkto kaya nakokontrol natin ang proseso at taon kung kailan ito makakatay. Nasisiguro natin na ang paggawa ay naaayon sa Good Animal Husbandry Practice o GAHP at ng Animal Welfare Act. Hindi tayo gumagamit ng growth hormone at antibiotics kung kaya’t siguradong de-kalidad ang karne at walang additives,” pahayag ni Dr. Flores. 

Isa sa mga estratehiya ng ahensya ay ang crossbreeding program. Ito ay bilang pagtugon na rin sa Philippine Carabao Act of 1992 na naglalayong pataasin ang produksyon ng gatas at karne ng kalabaw.

Ayon sa pananaliksik, mataas ang potensyal ng mga crossbred sa paggawa ng gatas. Mas malaki rin ang sukat ng katawan ng mga ito kaya mas marami ang mabibigay na karne kumpara sa mga native na kalabaw.

Sa isang pag-aaral ng DA-PCC sa University of the Philippines-Los Banos (UPLB), ang crossbred na kalabaw ay kasing bilis ang paglaki kagaya ng baka kung masinsinan ang pagpapakain.

Sa kasalukuyan, pinapaigting ng ahensya ang pag-iimplementa ng Carabao Meat Development Program at pagpapakilala ng karne ng kalabaw sa merkado upang matulungan ang industriya ng pagkakalabawan lalo na ang mga lokal na magsasaka. Ang mga Kardeli meat products ay mabibili pa lamang sa ngayon sa Milka Krem at Dairy Box outlet sa Science City of Muñoz, Nueva Ecija.

Author

0 Response