Coffee-on-wheels: Produktong tatak Pinoy

 

May kakaibang panghalina ang kape kung kaya’t kinagigiliwan itong gawing paksa ng mga larawang sadyang inayos para maging “instagrammable” o kaakit-akit para sa isang social media post.

Kalimitang ang disenyo, lalagyan, o brand ng kape na kapukaw-pukaw sa interes ang pinaghuhugutan ng inspirasyon para ito’y mai-upload at mga “millennials” ang mahilig gumawa nito bilang adorno para sa kanilang “selfies”.    

Kasabay nito ang paglalagay ng “hashtags” para mas marami ang makapansin at makakita.

Para sa ilan, tila pagpapasikat lang ito nguni’t hindi ganito ang naging pananaw ng mag-asawang Alexander, 29, at Evadyn Paraguas, 34, ng Balungao, Pangasinan. Itinuring nila itong magandang oportunidad para maipakilala at maisulong ang mga lokal na produkto ng mga magsasaka sa pamamagitan ng kanilang simpleng negosyo na “AE Cold Brew Coffee”.

Ang ginagamit na kape ng AE Cold Brew ay mula sa mga coffee growers sa Cordillera habang ang specialty product nitong may gatas ng kalabaw ay mula naman sa mga dairy farmers ng Nueva Ecija.

Ayon sa Pew Research Center, millennial ang tawag sa henerasyong ipinanganak mula 1981 hanggang 1996 o kilala rin bilang Generation Y (Gen Y).

Alam nina Alex at Evadyn ang trend o patok sa mga kapwa nila millennials kaya naman isa ito sa mga isinaalang-alang nila para maipakilala at tangkilin ang kanilang produkto.

“Una, gusto naming mga millennials ay quality, sunod ay branding at ‘yong presentation noong produkto kung maganda bang kuhanan ng litrato at i-post sa social media o ‘yong tinatawag na instagrammable,” ani Alex.

Baun-baon ang ganitong konsiderasyon, inayos nila hindi lamang ang kalidad ng kanilang produkto bagkus ay maging ang packaging at presentasyon nito.

May sarili ring FB page na ginawa sina Alex, na naglalaman ng kaiga-igayang mga litrato at video clips ng kanilang produkto, na hindi naman maikakailang pinaglaanan talaga ng oras ang konsepto. Pati ang paraan o set-up nila ng pagbebenta ay kakaiba rin upang makaagaw-pansin.

“Ang set-up namin ng pagbebenta ay coffee-on-wheels gamit ang classic na sasakyan at ipinupwesto namin sa harap ng bahay kung saan tuwing hapon ay dinadagsa ng mga bikers mula sa iba’t ibang bayan dahil sa magandang landscape din noong lugar,” kwento ni Alex.

Ang kotseng kuba ni Alex ay nakapagpapataas sa instagrammable quality ng kanilang mga coffee posts base sa mga inaaning komento at likes o hearts nito.

“Magandang target ang millennials para maipakilala natin ang mga produkto natin at matulungan ang mga lokal na magsasaka at maggagatas,” dagdag niya.

Minsan nang pinatotohanan ni Agriculture Undersecretary for High-Value Crops Evelyn Laviña sa kaniyang mensahe noon sa isang coffee exposition na malaking bahagi ng pagtaas ng demand ng kape sa bansa ay mga millennials na handang gumastos ng PHP100 o higit pa para lang sa kape. 

Ayon pa sa Perfect Daily Grind, isang pahayagan na naglalaman ng mga impormasyon at balita tungkol sa kape, mahilig din ang mga millennials sa malalamig at mabilisang inumin gaya ng ready-to-drink cold brew o ‘yong on-the-go, na mainam lalo na sa mga abala sa trabaho nguni’t nais pa ring makainom ng de-kalidad na kape.

Kape + gatas ng kalabaw

Dahil hilig na ng mag-asawa ang uminom ng kape, naisip nilang gawin itong negosyo na may adhikaing makatulong sa mga coffee growers sa Cordillera partikular na sa probinsya ng Benguet.

Ang AE Cold Brew ay may dalawang klase ng kape: cold brew Americano at cold brew latte gamit ang sarili nitong milk syrup.

Matapos maipakilala sa social media ang kanilang produkto, marami ang nagpaabot ng interes at umorder sa kanila na karamihan ay mga millennials at ang iba’y mga dating katrabaho ni Alex sa DA-PCC. Nang matikman nila ito ay may nagmungkahi na subukang lagyan ng gatas ng kalabaw ang kanilang produkto. Doon na sinimulan ni Alex na magsagawa ng market research sa ilang mga suki nito kung magugustuhan nila ang may gatas ng kalabaw.

Labinlimang parukyano na ang edad ay 15 taong gulang hanggang 30 taon ang pinatikim niya sa isang “blind survey”.

“Pinainom ko sila ng tig-isang baso ng cold brew latte ‘yong original tapos binalikan ko sila pagkatapos ng 24 oras para ipainom naman ‘yong latte na may gatas ng kalabaw. Sabi ko i-rate nila from 1 to 10. Ang karaniwang rate nila sa original ay 7 tapos ‘yong rate nila sa may gatas ng kalabaw ay 9 hanggang 10,” salaysay niya.

Aniya pa, mas masarap, malinamnam at nagustuhan ng mga tumikim ang cold brew latte na may gatas ng kalabaw kaya naman idinagdag ni Alex ang produktong ito bilang kanilang specialty product na pang pre-order muna dahil wala pa siya sa ngayon na regular na supplier ng gatas.

“Bilang dating empleyado ng DA-PCC, batid ko ang suliranin ng mga maggagatas lalo na ngayong pandemya kaya ang layunin namin ay hindi lang ‘yong local coffee growers ang matulungan kundi pati na rin ‘yong mga maggagatas natin,” ani Alex.

Tuwing weekend nagbebenta ang mag-asawa ng kanilang cold brew sa tapat ng bahay nila sa barangay Pugaro, na matatagpuan sa kahabaan ng daan papuntang Balungao Hilltop Adventure. Tumatanggap din sila ng mga orders online na idinedeliver naman nila sa ibang araw.

Nagkakahalaga ng PHP80 ang isang bote (350ml) at PHP70 ang cup (14 oz) ng cold brew latte original habang nasa PHP70 naman ang bote at PHP65 ang cup ng cold brew Americano. Ang specialty product naman nila na may gatas ng kalabaw ay nagkakahalaga ng PHP110.

 “Nakatutuwa rin na sa kasalukuyang krisis ay nagtutulungan ang bawa’t isa kaya nauuso ang mga community pantries na nilalahukan din ng mga millennials. Kapag nalaman nila na ang negosyo natin ay nakatutulong sa mga local producers, mas maeengganyo sila na bumili. Tapos ipopost nila sa social media, sadya man o hindi, sila na mismo ang nagpopromote ng produkto natin at ng mga farmers,” paliwanag ni Alex.

Plano ngayon ng mag-asawa na magkaroon ng permanenteng tindahan para sa kanilang AE Cold Brew.

Base sa Philippine Coffee Board Inc., ang millennial generation ngayon ang isa sa buong-puso at buong-pagmamalaking nagsusulong ng local coffee industry sa Pilipinas. Kaya naman hindi maikakailang marami pa sa iba’t ibang panig ng bansa ang kagaya nina Alex at Evadyn na sumusuporta at tumatangkilik din ng mga produktong Pinoy.

Author

0 Response