OFW noon, integrated farmer ngayon

 

Ang ipupuhunan mo ngayon ay aanihin mo bukas at kung mahusay ang iyong pangangasiwa, babalik ito sa iyo ng siksik, liglig, at umaapaw. Ito ang pinanghahawakang prinsipyo ni Alejandro Leoncio, 64, isang carapreneur mula sa San Miguel, Bulacan.

Dahil sa tuluy-tuloy na ganansyang nakukuha mula sa pag-aalaga ng kalabaw, mas lalong pinagbubuti ni Alejandro ang kaniyang dairy farm na sinimulan niya noong 2015 at itinalaga na nila itong regular na mapagkakakitaan.

Si Alejandro ay dating Overseas Filipino Worker (OFW) sa Riyadh, Saudi Arabia. Matapos magtrabaho sa Saudi sa loob ng limang taon, napagpasyahan niya at ng kaniyang asawa na umuwi na nang tuluyan sa bansa upang makapiling ang kaniyang pamilya. 

Ang naipon mula sa pagtatrabaho niya sa ibang bansa ay ginamit nila upang maitayo ang isang electronics parts and service repair shop sa bayan ng San Miguel, Bulacan. Maganda ang tinakbo ng naturang negosyo sa pagtutulungan nilang mag-asawa, nagkaroon pa nga ito ng branch sa Gapan. Ang kinita mula sa negosyong ito ay ipinambili nila ng mga lupa na siya nila ngayong pinagyayaman.

Dahil siya ay kilala na sa kanilang lugar bilang isang aktibong magsasaka, lagi siyang naiimbitahang dumalo sa mga pagsasanay. Bago sumabak sa ano mang negosyo si Alejandro, sinisiguro niya na mayroon syang sapat na kaalaman tungkol dito. Ang larangan ng agrikultura ang isa sa mga interes ni Alejandro at anumang bagong kaalamang may kinalaman dito ay gusto niyang mapag-aralan. Lagi siyang interesado sa mga pagsasanay na makapagbibigay sa kaniya ng oportunidad o bagong pagkakakitaan.

Bagama’t minamaliit ng ibang tao ang kanilang mga sinimulang negosyo dahil anila’y nagsasayang lang sila ng pera, pinatunayan ng mag-asawa na mali sila at ipinakitang ang kanilang mga negosyong itinayo ay kumikita hanggang ngayon at lumalago pa nga. 

Prinsipyo rin na Alejandro na ang perang kinikita mula sa kanilang mga negosyo ay ipupuhunan sa isa pang negosyo at isa na nga rito ang kaniyang natagpuang negosyong pagkakalabawan. Nguni’t bago ito ay nasubukan muna niyang suongin ang iba pang kabuhayang pang-agrikultura kabilang na ang manggahan.

Sa isang seminar din niya nalaman ang tungkol sa mango production. Agad siyang nahikayat na taniman ang kaniyang 3.5 ektaryang lupain ng halos 1,000 puno ng mangga. Noong una’y naging maganda ang naging resulta ng negosyong ito dahil sa ikatlong taon ay nagsimula na silang umani. Nguni’t kalauna’y bumaba ang kanilang produksyon nang magsilakihan na ang mga puno at magdikit-dikit na. Napilitan noon si Alejandro na magbawas ng mga punong mangga at noon din niya napagdesisyunang i-integrate ang paghahayupan sa kaniyang farm saka sinamahan ng gulayan.

Ang kinita mula sa mga mangga ay naging malaking tulong sa kaniyang pamilya. Bukod dito nagamit din niya ang kanilang kinita sa pagbili ng dalawang baka na naibenta rin at napalitan ng dalawang gatasang kalabaw. Nang mapatunayang may kita nga sa paggagatas ng kalabaw, bumili pa siya ng karagdang dalawa. Ayon kay Alejandro, ang puhunang ipinambili niya ng kalabaw ay maaaring mabawi mula sa kikitain sa isang kalabaw pa lang. Noong panahong iyon, mura man ang gatas, mura din naman niyang nabili ang mga kalabaw. Sa kasalukuyan, may 33 na kalabaw na si Alejandro; 10 rito ang ginagatasan. Noong 2019, ang kinita nila mula sa pagkakalabaw ay umabot na sa isang milyong piso. Ito ang patunay na ang Axis Dairy Farm ay patuloy ang pag-unlad sa larangan ng nasabing gawain.

Bukod sa kita mula sa gatas, naging malaking tulong din ang mga kalabaw sa paglilinis ng damo sa kanilang manggahan. Nagkaroon din siya ng karagdagang kita sa vermicomposting mula sa dumi ng kalabaw.  Naibebenta niya ang isang bag ng vermicompost sa halagang PHP300. Ang pinakabago niyang pinasok na pagkakakitaan na kaugnay pa rin ng pagkakalabaw ay ang silage production.   

Mula sa electronics parts at service shop business, sa manggahan at sa pagkakalabawan, buong mag-anak sina Alejandro na pinagyayaman ang kanilang mga naipundar na negosyo.  Halimbawa, ang kaniyang babaeng anak ay patuloy na nagsasaliksik upang sila ay makagawa ng mga produkto mula sa gatas ng kalabaw. Sa mga susunod na buwan ay binabalak naman nilang  lakihan pa ang kanilang produksyon sa vermicomposting.

Noong 2016, isa si Alejandro sa mga ipinadala ng lokal na pamahalaan ng San Miguel sa DA-PCC national headquarters sa Nueva Ecija upang magsanay bilang isang facilitator ng Farmer Livestock School on Dairy Buffalo Production (FLS-DBP). Ang kaalamang natutunan niya mula sa pagsasanay na ito ay kaniyang magagamit sa learning site na kasalukuyang ipinapatayo sa Axis Dairy Farm. Katuwang niya rito ang Agricultural Training Institute (ATI) kung saan ay napagkalooban siya nito ng halagang PHP300,000 para sa pagpapagawa ng nasabing learning site.

Bukod sa pinagkakaabalahang sariling negosyo, nagbibigay din ng oras si Alejandro sa pakikipagpalitan ng mga impormasyon na may kinalaman sa pag-aalaga ng kalabaw at pagbebenta ng gatas sa kapwa magkakalabaw.

Sa kaniyang nakikitang tunguhin sa gawaing paggagatasan, hindi lang sariling pag-angat ang pinagtutuunan ng pansin ni Alejandro kundi maging ang pag-unlad ng kaniyang kapwa. Para sa kaniya, ang tunay na umuunlad na kabuhayan ay nagiging pagpapala hindi lang sa sarili kundi maging sa kapwa.

Author

0 Response