Millennial, bumibida sa pagkakalabawan

 

Masaya at makabuluhan kung ilarawan ni Domingo Astillero Jr. o kilala rin sa tawag na “Doming” ang pagpasok niya sa industriya ng pagkakalabawan at pagsasaka. Bilang kampeon ng agrikultura at pagka-kalabawan sa edad na 24, binibigyang bagong hubog ng binata ang pananaw ng maraming kabataan ngayon tungkol sa pagsasaka.

Mapa-millenial (1981-1996) man o Gen Z (1997-kasalukuyan), marami sa mga kabataan ay unti-unting lumalayo ang loob sa pagsasaka dahil sa tradisyonal at matrabaho nitong proseso. Sa halip, mas pinipili nilang lumuwas ng lungsod upang doon maghanap ng pangkabuhayan.

Sa katunayan, ipinakita sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong taong 2018, na ang karaniwang edad ng mga magsasaka sa bansa ay nasa 55 taon.

Samantala, ang isang kabataan mula sa Malobago, Guinobatan, Albay ay pinili ang kanayunan at niyakap ang pagsasaka makaraan ang pagtatapos niya ng Bachelor of Science in Education-major in Mathemathics sa Bicol College. Hangad din kasi ni Doming na matulungan ang mga magulang lalo na at may edad na ang mga ito.

Si Doming ang bunso sa apat na magkakapatid. Maliban sa kaniya, lahat sila’y lumuwas sa Maynila upang doon maghanap-buhay at kalaunan ay bumukod noong nagkaroon na sila ng kani-kanyang pamilya. Ayon sa ilang taong nakakikilala sa kaniya sa kanilang lugar, hindi nila inaasahan ang pagkukusa ng binata na manatili sa probinsya upang pangasiwaan ang mga gawain sa bukid.

Dahil sa ipinamamalas niyang sigasig sa industriya, isa siya sa mga inanyayahan ng barangay upang lumahok sa Farmer Livestock School on Dairy Buffalo Production (FLS-DBP), isang learning series na ipinapatupad ng Department of Agriculture (DA)-Philippine Carabao Center (PCC). Sa tulong na rin ng barangay ay ipinagkatiwala sa kanya ang dalawang dairy buffalo bilang loan mula sa DA-PCC ilang buwan lang matapos ang nasabing pagsasanay.

Ano ang FLS-DBP?

Ang FLS-DBP ay bahagi ng Accelerating Livelihood and Assets Buildup (ALAB)– Karbawan na binubuo ng dalawang province-wide Carabao-based Enterprise Development projects. Ito ang Carabao-based Business Improvement Network (CBIN) at Coconut-Carabao Development Project (CCDP). Ang FLS-DBP ay isa sa mga pagsasanay na ginagawa sa ilalim ng CBIN.

“Dahil sa training na ito marami kaming natutunan, ngayon ina-apply na namin nang paunti-unti. Dahil kulang pa ang budget, paunti-unti lang ang pagpapatayo namin ng building. Iyong building diyan hindi pa kumpleto pero sisikapin po namin para sa susunod na pagbisita ninyo dito ay meron na kaming gatasan o di kaya’y may gatas na iyong mga kalabaw namin,” paninigurado ni Doming.

Pakikipagsapalaran sa dairy industry

Hindi na bago sa pag-aalaga ng kalabaw ang pamilya nina Doming. Dati na rin silang mayroong native na kalabaw subali’t sa pag-aararo lamang nila ito napakikinabangan. Katuwang nila ang mga ito sa kanilang pagtatanim ng palay, mais, at mani.

“Wala kaming ideya noon na pwede palang gatasan ang kalabaw,” paglalahad ni Doming.

Aniya pa, hindi biro ang pagsasaka. Matrabaho ito at nangangailangan ng matinding pagsisikap. Isa pa, ilang buwang paghihintay ang pagdadaanan bago makapag-ani. Isa ito sa mga dahilan kung bakit naisipan ng binata na pumasok sa pagkakalabawan bilang pandagdag kita. Malaki rin ang pasasalamat niya sa programa ng DA-PCC lalo na at nagkataong mayroong pandemya at pahirapan ang paghahanapbuhay.

Kasalukuyan pa lang na inaayos ang plano ng binata na milking facility para sa kanilang mga kalabaw. Hangad din niya na palaguin pa ang lokal na paggagatasan sa kanilang bayan sa pamamagitan ng pagpaparami ng mga dairy buffaloes.

Ang pagsasaka bilang isang sustainable industry

Para sa binatang magkakalabaw, ang pagsasaka ay hindi lang para sa pagpapabuti ng kabuhayan kundi isang makabuluhan at laging napapanahon na kasanayan na natutunan niya mula sa kanyang mga magulang.

“Doon naman talaga ang hilig ko, masaya ako sa pagsasaka at bukod sa kumikita ka ikaw lang ang boss at nakatutulong ka pa sa kabuhayang pinagsumikapan ng mga magulang mo,” ani Doming.

Batid din ng binata ang pinagdadaanan ng maraming kabataan ngayon dahil sa epekto ng pandemya.

“Humanap kayo ng mga bagay na kaya ninyo at pwede ninyong pagkakitaan. Katulad ko, naghanap ako ng trabaho kung saan magiging masaya ako kapag ginagawa ko at doon ko ‘yon nakukuha sa pagtatanim at pag-aalaga ng mga hayop. Subukan ninyo ang pagsasaka at pag-aalaga ng hayop dahil marangal ito at ligal pa. Ito ang trabaho na marami ang natutulungan,” ani Doming.

Hindi maipagkakaila na isa sa mga pangunahing tinututukan ng gobyerno ngayong pandemya ay ang kalidad ng mga produktong pagkain. Ang kasalukuyang krisis na ating kinakaharap ay mas lalo pang pinahigpit ang pangangailangan sa mga produktong agrikultura. Ito at ang patuloy na banta ng pagbaba ng bilang ng mga magsasaka sa bansa ay palatandaan lamang na kinakailangan natin ng agarang pagkilos upang mas lalo itong palakasin.

Author

0 Response