Sa Pagkakalabaw: Sir, Yes Sir!

 

"Si Sir Jay ‘pag trabaho, trabaho talaga. Tatawagan niya ako ‘pag naglalandi ang mga kalabaw niya. Magkapitbahay lang kami kaya susunduin niya ako kahit madilim na. Ang dala ko AI gun, siya totoong baril.”

Ganito pabirong isinasalarawan si Colonel Jay Pascua (Retired) ng isang suking AI technician sa kanilang lugar. Si Jay, 49, ay isang kareretirong sundalo na nagpasyang magfocus sa pagkakalabaw.

Ang disiplina at dedikasyong nakasanayan niya bilang dating kasapi ng militar ay nadala niya sa pamamahala ng kanyang negosyong kalabawan. Kasalukuyan niyang ipinupundar at tinututukan ang pagpapaayos sa kanyang farm at milking area para sa 32 na alagang kalabaw na karamihan ay crossbred, apat ang native, tatlo ang kapapanganak at may tatlong bulo. 

Puspusan ang pagsasaayos niya ng kanyang bukid dahil nakaplanong maging supplier siya para sa milk feeding program na ipapatupad ng DepEd Albay, DSWD, at LGU Albay sa susunod na taon.

Tatlong “K” na hangarin ni Jay

Aniya, kung noon ang misyon niya ay pangalagaan ang kapayapaan, ngayon nama’y kabuhayan at kalusugan ang kanyang sinusubukang palaganapin.

“Gusto ko naman ngayon na makatulong sa kabuhayan ng mga tao dito sa amin. Hindi na ako kumukuha ng tao sa ibang lugar. ‘Yong mag-aamang tauhan ko ngayon taga rito,” sabi ni Jay.

Pinagawan niya rin ng tulugan ang kanyang mga tauhan sa mismong bukid upang madaling masubaybayan ang mga kalabaw.

Hindi maikakailang isang dating sundalo si Jay dahil sa madetalye niyang pagpaplano at pagbabantay sa kalusugan at kaligtasan ng mga kalabaw pati na ang mga tagapag-alaga nito. Ang kulungan kasi ng kanyang mga kalabaw at kampo ng mga tagapag-alaga ay nasa pinakasentro ng bukid kung saan pahirapan ang pagpasok ng mga materyales.

Dagdag pa niya, “Narealize ko rin na hindi naman pala basta-basta ang pagkakalabaw. Kailangan kong bantayan ang magandang kalusugan ng mga kalabaw para masiguro ang supply ng gatas para sa programang milk feeding ng gobyerno.”

Nguni’t bago pa man siya napiling kaakibat sa pagpapatupad ng milk-feeding program, dati na rin talaga siyang namuhunan sa pagkakalabaw.

Unang karanasan

“Tatay ko talaga ang nag-encourage sa akin sa pagkakalabaw. ‘Nung bumisita kami sa farm ni Ronald Pacson sa Barangay Caudillo doon ko nakita na maganda naman ang resulta ng effort nila sa pagkakalabaw. Naghanap agad kami ng mabibilhan. Nasa serbisyo ako noong mga panahong iyon kaya nung nag-invest ako hindi ko inisip na para sa akin. Masaya lang ako na alam kong may libangan ang mga magulang ko,” ani Jay.

Tubong Cabanatuan City, Nueva Ecija si Jay. Nagsimula ang kanilang pagkakalabaw taong 2011 sa San Josef Sur, Cabanatuan City. Pinangalanan nilang Rosing ang una nilang nabiling kalabaw at Rosenda naman sa naging anak nito.

“Yung mga kalabaw namin nasanay na napapaliguan sa ilog, itinatali na lang sa gilid tapos lulusong para mapaliguan. Ang problema namin nababaha ‘yong lugar. May dalawa akong buntis na kalabaw noon, yung mga anak ni Rosing at Rosenda, at isang bulo na nalunod,” pagkukuwento ni Jay.

Ayon pa kay Jay, tumatagal ng ilang araw ‘pag nalulubog sa baha ang kanilang lugar at higit isang buwan na walang sapat na makakain sa kanilang lugar kaya napipilitan siya noon na maghire ng truck para ilipat ang mga kalabaw sa Palayan City, Nueva Ecija.

Kahit hindi naging maganda ang takbo ng negosyo sa unang subok ni Jay hindi pa rin niya tuluyang tinalikuran ang pagkakalabaw.  Pagkalipas lang ng limang buwan matapos malunod ang tatlo niyang kalabaw, napagpasyahan ni Jay na sumugal ulit sa pagkakalabaw. Ang ipon niya ay ibinili pa ulit ng mga mas magagandang lahi ng kalabaw.

Panibagong oportunidad

Sa ilang taon niya sa serbisyo, nakapangasawa si Jay ng isang Bicolana. Nakita niya rin ang oportunidad upang ipagpatuloy ang pagkakalabaw sa bayan ni misis sa Albay. Dito na rin sila nanirahan kasama ang limang taong gulang na anak.

“Dito ko na rin naisipang ipagpatuloy ang pagkakalabaw kasi siguradong maaasikaso ‘yong mga kalabaw as to security and safety. Noong may nalaman ang biyenan kong ibinebentang murang lupa, sumugal ulit ako,” pahayag ni Jay.

Sa ngayon, mahigit 20 ektarya ang lupa ni Jay sa Barangay Abella, Ligao City, Albay. Balak niyang magparami ng mga pakain sa kalabaw gaya ng napier, mulberry at madre de agua.

Ngayong taon, nakapagtapos siya sa Farmers Livestock School on Dairy Buffalo Production (FLS-DBP) na sama-samang programa ng DA-Philippine Carabao Center (PCC) sa University of the Philippines Los Baños (UPLB), Provincial Veterinary Office ng Albay, at Gubat St. Anthony Cooperative (GSAC).

“Nag-enroll ako last year sa FLS-DBP sa Camalig in preparation sa plano kong pagreretiro noon. Habang tinatapos ko ang serbisyo ko, nagfile ako ng leave para naman maka-attend sa training. Nadevelop lalo ‘yong interest ko na magparami ng kalabaw,” ani Jay.

Ayon kay Jay, malaking tulong ang programa sa pagsasaayos ng kanyang pagkakalabawan mula sa pabahay, pakain, at paggagatas.

Sa kasalukuyan, natapos na ang ipinatatayo niyang kural ng mga kalabaw. Kasunod niyang inaasikaso ang pagpaparami ng pakain at pagbabakod sa paligid ng kanyang bukid.

“Kulang pa ang mga pakain para sa mga kalabaw pero nagagawan naman ng paraan. Buti na lang at malapit kami sa PCA (Philippine Coconut Authority) kaya doon muna kami kumukuha ng mga pakain. Every after three days ay bumibiyahe kami para kumuha ng damo, kailangan na marami kaming makuha para sulit din ang krudo,” ani Jay.

Naubos man ang ipon niya noong siya’y nag-uumpisa pa lang, buo pa rin ang loob niyang ipagpatuloy ang pagkakalabaw.

“Maraming challenges sa pagkakalabaw. Problema sa tao at financial resources pero tulungan lang talaga. Sa ngayon, hindi ko pa talaga kayang kumpletuhin lahat ng mga kailangan para sa paggagatas ko pero sa tulong ng DA-PCC at mga partners nito, makikita ko rin ang bunga ng pagsisikap ko,” positibong sabi ni Jay.

Author

0 Response