Kalabaw: Simbolo ng lakas, sipag, at galing ng magsasakang Pilipino

 

Kung ilalarawan ang isang magsasakang Pilipino ay hindi na nakapagtatakang mababanggit din ang nu-mero uno nitong kaagapay—ang kalabaw, na sa mahabang panahon ay patuloy na ipinamamalas ang likas na galing at hindi matatawarang lakas partikular na sa pagsasaka.

Tinaguriang “farmer’s best friend”, ang kalabaw ay isa sa mahalagang pundasyon na inaasahan sa sakahan. Ito ay katuwang ng mga magsasaka sa pagprodyus ng mga pangunahing pagkain ng mamamayan.

Bagama’t laganap na ang modernisasyon sa pagsasaka, marami pa ring mga magsasaka ang gumagamit ng kalabaw. Base sa datos ng Philippine Statistics Authority noong nakaraang Hulyo, ang kabuuang imbentaryo ng kalabaw sa bansa ay 2.85 milyon na kung saan, batay sa pag-aaral, 65% hanggang 70% dito ay ginagamit sa pagsasaka at mga kaugnay na gawaing pambukid.

Pangsuyod, pang-araro, pambungkal ng lupa, at panghila ng kaban ng palay at iba pang tanim, ang ilan lamang sa mahahalagang gampanin ng kalabaw sa pagsasaka. Higit din na malaki ang naitutulong nito sa dukit o ang tawag sa pag-aararo na hindi abot ng hand tractor dahil sa dike o mga harang na itinayo para maiwasan ang pagbaha sa sakahan.

Gamit ang angkin nitong lakas, ang kalabaw ang bida sa trabahong-bukid kabilang ang karyada.

Karyada ang tawag sa trabaho tuwing anihan na kung saan ang mga saku-sakong palay mula sa bukid ay hinahakot at dinadala sa giikan o sa isang bakanteng lugar. Ito ay isinasagawa ng kinontratang grupo ng magsasaka o karyador na kumikita batay sa kada sako ng palay na dinala.

Karyada x kalabaw

Sa bayan ng Sto. Domingo sa Nueva Ecija, isang grupo ng karyador ang abalang hinahakot at isinasakay sa kariton ng kalabaw ang mga kaban ng palay mula sa gitna ng bukid habang nagbabadya ang ulan.

“Kailangan naming magmadali na maiahon ang naaning palay para hindi abutan ng malakas na ulan,” wika ni Ka Neme habang hinihila ang alaga niyang mestisong kalabaw.

Si Nemensio Jimenez o Ka Neme, 58, ng barangay Malayantoc, ang nagpaunlak na magbahagi ng kanilang kwento nang bisitahin namin ang bukid kung saan sila nakaiskedyul na magkaryada. Siya ay isang kabisilya o lider ng anim na karyador.

Sa araw na iyon, nasa kabuuang 80 sako ng palay ang kanilang nahakot mula sa isang ektaryang bukid. Ang upa sa kanila para sa bawa’t sakong nahakot ay PHP10 hanggang PHP15 depende sa layo ng pagdadalhan.

“Pantay-pantay ang hatian namin sa kabuuang kita namin sa pagkakaryada. Kapag tag-ulan, kumikita kami ng tig PHP15,000 hanggang PHP18,000 sa isang cropping season. Kapag tag-araw naman ay mas malaki ang kinikita namin dahil umaabot kami ng tig PHP30,000 kapag anihan,” kwento ni Ka Neme.

Ipinagmamalaki rin niya ang pambihirang lakas ng alaga niyang crossbred sa paghila ng kariton na lulan ang 15 hanggang 20 kabang palay kapag matigas ang lupa at walo hanggang 10 naman kapag malambot o maputik ang daanan.

Ayon kay Ka Neme, maraming kakayahan ang kalabaw sa pagsasaka na hindi kayang pantayan ng makinarya katulad na lamang ng dukit, pagsisibar ng punla o pagkakadkad, paglilinang at pagpapatag sa pinitakan.

“Mahihirapan ang makinarya lalo na kapag tag-ulan at grabe ang putik sa daan, may tendency na mabalaho ito pero ang kalabaw kahit gaano pa kalalim ang putik kayang-kaya niyang umahon. Hindi pa magastos ang pagmementena sa kalabaw ‘di gaya ng makina na kailangan mo pa ng gasolina para mapakinabangan mo,” paliwanag niya.

Masayang ibinahagi ni Ka Neme na malaki ang naitulong ng pagkakaryada sa pamumuhay ng kanilang pamilya, na aniya ay apat na dekada na niyang hanapbuhay.

“Proud akong sabihin na malaki ang kontribusyon ng trabahong ito para mapagtapos ko ang aking panganay, mapag-aral ko ang dalawa ko pang anak, at makapagpatayo kami ng bahay,” nakangiting sambit niya.

Para naman kay Mark Kenneth Gaboy, 27, isang karyador mula sa barangay Gulod sa Talavera, itinuturing niyang pangarap na natupad ang pagkakaroon niya ng crossbred na kalabaw, na ipinaalaga sa kanya ng kanyang tiyahin.

“Marami po sa lugar namin na ang pinagkakakitaan ay ang pag-aalaga ng kalabaw at pagkakaryada. Karamihan po ay doon talaga umaasa. Kaya po para sa’kin na hindi nakapagtapos ng pag-aaral, itong kalabaw po ang nakikita kong makatutulong sa pinansyal naming pangangailangan,” ani Mark.

Pangalawa sa limang magkakapatid, si Mark na ang tumayong “bread winner” ng pamilya simula nang pumanaw ang kanyang ama at nag-asawa ang panganay na kapatid.

Karyada ang pangunahin nilang pinagkukunan ng kita. Mula sa gawaing ito ay karaniwang sumusweldo si Mark ng PHP15,000 sa loob ng 28 araw. Kung hindi naman panahon ng anihan ay nakikibilad siya ng palay at nakikitanim ng pakwan. Kung minsan naman ay ginagamit niya ang talento niya sa pagkanta at sumasideline sa isang recording studio sa kanilang lugar.

Batid ni Mark ang banta ng modernisasyon sa pagsasaka na kung saan ang halaga ng kalabaw sa bukid ay unti-unting binabawasan ng mga makina.

“Kung sa hinaharap po ay puro makina na ang gagamitin nila, paano naman po kaming mga maliliit na magsasaka na dito lang umaasa? Pero magaling po talaga ang Panginoon dahil hindi Niya hinayaan na lahat ay magagawa ng makina kaya kakailanganin pa rin ang mga kalabaw,” pagtatapos ni Mark.

Sina Ka Neme at Mark, magkaibang henerasyon ng magsasakang Pilipino, ay ilan lamang sa buhay na patotoo na ang lakas-kalabaw ay nananatiling matibay na sandigan ng mga masasaka mula noon hanggang ngayon.

Author

0 Response