Tungo sa malusog at masulong na komunidad

 

"Lahat ng mga gawain sa farm o sa opisina, hindi ko ito iniiisp na trabaho sa halip ay itinuturing ko itong tungkulin para sa komunidad. Para mapakain at magbigay ng kabuhayan sa mga kapwa mamamayan sa pamamagitan ng mga serbisyong hinahatid namin sa pederasyon."

Ito ang pinanghuhugotan ni Divina Quemi ng lakas sa pang araw-araw na gampanin niya bilang Chief Executive Officer ng Nueva Segovia Consortium of Cooperatives (NSCC) sa Vigan City, Ilocos Sur. Si Quemi and kaunaunahang manager at CEO ng NSCC mula pa noong 1992 kung kailan narehistro ito sa Cooperative Development Authority (CDA).

Ang NSCC na nooý nagsimula bilang Caritas, ay konsepto ng dating Archbishop ng Nueva Segovia na si Cardinal Orlando Quevedo. Tumulong naman si Monsignor Ambros Cabildo, ang nooý executive director ng Caritas, upang maisakatuparan ang planong pederasyon.

Bilang patotoo sa kanilang bisyon na mapaunlad ang buhay ng kapwa mamamayan sa pamamagitan ng sari-saring serbisyo na hatid ng kooperatiba, yumabong ang samahan at ngayoy nangununa na sa mga pinagkakatiwalaang national consortium of cooperatives sa bansa. Naging multi-millionaire and NSCC at daan-daan narin mula North Luzon ang natulongan nila sa pamamagitan ng kanilang mga financial, agro enterprises at marketing services, capability building or training services, tourism program, at social services (FACTS).

Noong taong 2021, unang ipinagkaloob ng DA-PCC sa Mariano Marcos State University (MMSU) sa Batac, Ilocos na pinangugunahan noon ni Director Grace Marjorie Recta ang 15 na kalabaw sa pederasyon.

Ayon kay Quemi, ipinapaalala ng mga kalabaw ang kanyang kabataan. Pagkukuwento ng CEO, madalas siyang magjoyride noon sa native na kalabaw ng kanyang lolo kung hindi ito ginagamit pang-araro sa bukid. Kaya naman noong nalaman niya mula sa DA-PCC ang potential ng kalabaw sa paggagatas ay nawili siya na sumubok sa dairy industry. Malaking paghahanda ang ginawa ni Quemi para sa kanilang bagong proyekto. Bumili sila ng 5 ektarya ng lupa para tamnan ng napier grass na ipapakain sa mga kalabaw. Sa kasalukuyan ay nasa 22 ektarya ng lupain ang pinangangasiwaan ng pederasyon kung saan inaalagaan ang ibatibang livestock herds.

“Inaalagaan namin ng Mabuti ang mga kalabaw hindi lang dahil sa nakapagbibigay sila ng kita sa pamamagitan ng kanilang gatas kundi dahil itinuturing din namin silang bahagi ng aming pamilya sa farm,” paghahayag ni Quemi.

Maliban sa iba pa nilang serbisyo, ang NSCC ay naghahatid din ng community organizing activities sa ibat ibang karatig barangay. Nagsasagawa sila ng mga pagpupulong para sa organisasyon ng mga kooperatiba na may puso para panglingkuran ang kapwa nila sa komunidad habang kumikita.

Sa kasalukuyan ay nasa mahigit 300 ang bilang ng miyembro ng NSCC. Malayo-layo narin ang narrating ng samahan at buo ang tiwala ni Quemi na marami pa silang matutulongan na komunidad sa mga darating na taon.

“Kasabay ng pagyabong ng carabao dairy industry ay ang pagbubukas din ng mas marami pang kabuhayan para sa mga local na mamamayan. Sa pamamagitan din ng gatas ng kalabaw ay dadami pa ang malulusog at matatalinong bata sa komunidad,” masayang paglalahad ni Quemi.

Author

0 Response