Walk the talk

 

Noong 2014 sinimulan nina Doc Lui at Ruena na bumili ng gatasang kalabaw. Iyon din ang panahong wala pang interes sa pagkakalabaw ang mga tao sa kanilang lugar. Ang tingin ng marami noon, matrabaho at mahirap ang pagkakalabaw.

Nagsimula ang mag-asawa sa pagpapaalaga ng maginang kalabaw dahil kasalukuyan noong empleyado pa sa agriculture offi ce si Ruena samantalang si Doc Lui naman, na isang beterinaryo, ay sa isang pribadong kumpanya. Umaabot sa limang litro ang naaaning gatas mula sa nabili nilang kalabaw at ang kita ay hinahati nila sa tagapag-alaga.

Hindi na bago sa mag-asawa ang konsepto ng paghahayupan dahil si Ruena ay babad sa mga gawaing pang-agrikultura dahil sa kanyang trabaho. Gayundin si Doc Lui na ang trabaho ay sa isang feedmill company. Malimit din silang namamahagi ng kaalaman sa mga magsasaka sa kainaman ng paghahayupan partikular na ang paggagatas kaya naman napagpasyahan nilang sila mismo ang magpakitang-gawa ng kanilang mga itinuturo.

Makalipas ang apat na taon ng pagpapaiwi, nailipat muli sa pangangalaga ng mag-asawa ang mga kalabaw. Pagkagaling sa opisina, madalas na sa farm matatagpuan si Doc Lui.

Pamilyang sama-sama sa pagkakalabawan

Kahit full-time pa rin sa kani-kanilang trabaho, nagpatuloy sina Doc Lui at Ruena sa pagkakalabaw katulong ang mga anak na sina Joseph Nathaniel, Niño Andree Louis, at Benedict Ryan. Bagama’t masasabing sila ay nakaaangat sa buhay, pinalaki ng mag-asawa ang kanilang mga anak na sanay sa mga gawaing bahay kundi man ng mga gawain sa farm. Dahil dito ay kakikitaan na rin ng pagpapahalaga ang kanilang anak sa kanilang pagkakalabawan. Sa katunayan, nagresign sa trabaho ang anak na si Joseph noong 2016 para tumulong sa negosyo ng pamilya. Kalaunan ay nagkaroon na sila ng dalawang tauhan na makakasama sa pag-aalaga ng mga kalabaw.

Taong 2021 nang magdesisyon naman ang mag-asawa na magretire na at tutukan ang pagkakalabaw. Ayon sa asawang si Ruena ay malimit nang gabihin sa farm si Doc Lui. “Hindi na niya namamalayan ang oras dahil nag-eenjoy siya ng sobra. Kung hindi niya passion ang paghahayupan, hindi naman dadami ang aming mga kalabaw,” ani Ruena.

Stress reliever para sa mag-asawa ang pagbisita sa farm. Tinututukan ni Doc Lui ang pagpapabuti sa kalusugan ng mga kalabaw pati na ang kanilang nutrisyon. Patuloy siyang sumusubok ng mga improved forage upang masiguro ang nutrisyon ng mga gatasang kalabaw. Nagpapakain din sila ng mga legumbre at iba pang suplementong pakain gaya ng sapal ng taho at spent grain dahilan upang dumami ang kanilang aning gatas at tumaas ang kalidad nito.

Wastong pangangalaga

Ayon sa The Rosario Livestock and Agriculture Farming Cooperative, kung saan dinadala ang kanilang mga aning gatas, maganda raw ang recovery ng kanilang aning gatas kapag pinoproseso. Ang gatas mula sa Caguimbal farm ay ipinoprosesong yogurt at keso dahil sa magandang kalidad nito.

Sa kasalukuyan, mayroong 40 kalabaw ang Caguimbal dairy farm at pito rito ay gatasang kalabaw at may nakagayak pang manganganak sa mga susunod na buwan. Araw-araw silang umaani ng 37-40 liro ng gatas na ipinagbibili sa halagang PHP70 kada kilo. Ang mga lalaki at mga hindi na mabuntis na kalabaw ay kanila namang ibinebenta.

“Hindi kami nalulugi sa pagbebenta ng kalabaw, kapag for culling na ang kalabaw at hindi na mabuntis, ibinebenta na namin at kung minsan ay higit pa nga sa presyo ng pagkakabili namin,” ayon kay Doc Lui. Ginagawa nila ang culling and selection para maiwasan ang pagkakaroon ng mga “boarder” o mga kalabaw na nakakadagdag na lang sa operational cost ng farm kung hindi mabuntis-buntis matapos ang artificial insemination.

Tumatanggap din sina Doc Lui ng pagpapabulog sa kanilang bulugang kalabaw nang libre. Serbisyo anila ito sa mga magkakalabaw na tulad nila.

Model farm

Ang Caguimbal Dairy Farm ay isa na ngang modelo ng mahusay at epektibong pag-aalaga ng kalabaw. Nagbibigay ito ng dagdag na kasiyahan sa mag-asawa sa tuwing may bumibisita sa kanilang farm tulad ng mga kooperatiba at mga magsasaka mula sa iba’t ibang lugar. Kamakailan lang ay kinilala ang Caguimbal Farm bilang “Outstang Dairy Buffalo FarmSemi Commercial” ng DA-PCC noong 8th National Carabao Conference.

“Iyon ‘yong isa sa mga benefits, ‘yong lagi kang masaya kapag may bumibisita,” anang mag-asawa. Ineengganyo rin nila ang mga bisita na pwedeng gayahin ang sistema sa kanilang farm kung nakikita nila itong makatutulong sa kani-kanilang sariling pagkakalabawan.

Bukod sa kanilang magagandang pamamaraan sa pagpapalaki ng kawan at negosyong paggagatasan, kabutihang-loob at magandang pakikipagkapwatao ang mga dahilan sa pagiging modelo ng pamilya Caguimbal sa larangan ng pagkakalabawan.

Author

0 Response