Ang espesyal na bunga ng pagiging kakaiba

 

O’ kay tayog ng pangarap na binuo ng San Julio Agrarian Reform Beneficiaries Cooperative sa Tanjay, Negros Oriental sa pagtatayo ng isang negosyong gatasan sa kanilang probinsyang nakasanayan nang tangkilikin ang mga produkto mula sa malawak na lupain ng tubuhan. Ngunit bago ito mangyari, minsan ding nakiagos ang kooperatiba sa daloy ng kanilang paligid.

Taong 1982, nagkaisa ang mga naunang pinuno ng kooperatibang ito na suungin ang larangan ng negosyong tubuhan sapagkat naniniwala silang papatok ito sa mga mamamayan, tulad ng pagtangkilik sa ibang mga negosyanteng nagsimula rin dito.

Tila mataas nga naman ang potensyal na kumita ang negosyong tubuhan, sapagkat naaangkop itong itanim sa klase ng lupa at klima sa probinsya na s’ya nga namang nagiging pangunahing pinagkakakitaan ng buong kumunidad. Marami ring bagay ang maaaring magawa sa pagtutubuhan, kagaya na lamang ng pangunahing produkto nito na asukal na madalas na makikita sa kusina ng mga Pilipino upang gamiting sangkap sa iba’t ibang pagkain at inumin.

Sa mga nakalahad na pakinabang ng tubuhan, naglakas loob ang kooperatiba na pasukin na rin ang negosyong ito. Nagsimula sila sa maliit na puhunan na s’yang pinamahalaan nang kanilang 15 na miyembro. Mula rito, kailangan nilang ilaan ang kanilang nalikom na salapi para ipundar sa mga makinarya at gamit sa tubuhan.

Sa simula pa lamang nasubok na ang determinasyon ng mga pinuno ng kooperatiba sa kung paano ipakikilala ang kanilang nagsisimulang negosyo. Sapagkat sa kanilang probinsya marami nang kilalang nagnenegosyo sa tubuhan na s’yang nagiging kakompitensya ng kooperatiba para palaguin ang kanilang puhunan.

Upang mapanghawakan ang pagsisimula ng kooperatiba, naisipan din nilang isama sa kanilang negosyo ang microlending at Common Service Facility (CSF) operation. Ang mga negosyong ito na pagpapahiram ng pera at pagpaparenta ng mga makinarya tulad ng trak at traktora ay nakatulong din para mapadali ang pagpapakilala ng kooperatiba sa kanilang lipunan.

Sa kabila ng mga ginawang pagpupursige ng kooperatiba, tila hindi pa rin matanaw ng mga kasapi ang kanilang itinayong pangarap na maging isang maunlad na samahan. Ngunit umaasa sila na balang araw magkakaroon din ng pagbabago sa kanilang estado.

Taong 2019, nagsimula nang matupad ang mithiin ng kooperatiba sapagkat nakadiskubre ang kanilang General Manager na si George Yleaña ng isang kakaibang negosyo para sa kanilang probinsya, ito ang produksyon ng dairy buffalo. Naging interesado rito si Yleaña sapagkat nakita niya ang potensyal na kita sa merkado ng industriyang kalabawan at gatasan sa kanyang mga dinaluhang panayam sa Tanjay.

Umayon din ang kapalaran sa kooperatiba sapagkat napili sila bilang benepisyaryo ng CarabaoBased Improvement Network (CBIN), na s’yang tumulong upang magkaroon sila ng mga kalabaw at kagamitan para sa pag-aalaga at pagpaparami nito. Dito naglakas loob ang kooperatibang simulan ang produksyon ng gatasan sa kanilang probinsya sapagkat malaki ang paniniwala nilang may hatid itong swerte sa kanilang negosyo.

Pinagsikapan ng kooperatiba na maitayo ang negosyong pagkakalabawan sa kanilang probinsya. Sa kaunti lamang panahon, nagawa nilang pasimulan ang isang dairy processing plant sa kanilang munting opisina noong Marso 2020. Ang maliit na espasyo na ito para sa produksyon ng gatas ang nagsilbing inspirasyon ng kooperatiba para tiyagaing ibahagi sa kanilang lugar ang benepisyong nakapaloob sa negosyong ito. Bunga nito, nagkaroon sila nang kasunduan sa DSWD at DepEd noong Disyembre 2020 upang maging supplier ng gatas para sa milk feeding program (MFP).

Sa pagpasok nila sa MFP, dumami ang nakakilala sa kooperatiba. Sapagkat naibabahagi nito ang mga sariwang gatas sa iba’t ibang lugar sa probinsya ng Negros Occidental. Sa tulong ng DepEd nakapagbibigay ito ng mga gatas sa mga paaralang nasa Isabela, Binalbagan, Sipalay, Ilog, Cauayan, at Kabankalan. Samantala, sa tulong naman ng DSWD, nakapagbibigay rin ito ng gatas sa mga paaralang nasa Bacolod. Sa kabilang banda, inaasikaso na rin ng kooperatiba ang kanilang kasunduan sa DepEd at DSWD upang maging supplier din ng MFP sa probinsya ng Negros Oriental.

Napagpasyahan ng kooperatiba na ipunin ang kanilang kita sa MFP na maaari nilang ilaan sa pagbili ng mga kagamitan na makakatulong sa kanilang negosyo. Sa naging tiyaga rin ng kooperatiba, napadami nila ang mga kalabaw na umabot na sa bilang ng 78, kung saan 70 ang mga babae at 8 naman ang mga lalaki. Mula rito, nakakakuha na ang kooperatiba ng 30 litro ng gatas mula sa mga kalabaw, kung saan ibinebenta rin nila ito ng PHP105 kada litro.

Sa paglago ng dairy farming at processing sa kanilang komunidad, nagdulot ito ng umaapaw na biyaya sa kooperatiba ng San Julio. Dahil dito, nagkapagpundar sila ng mga materyales at makinarya na maaari nilang gamitin para sa produksyon ng gatasan at pagpapadami ng kalabawan. Dagdag pa, nakatulong din ang industriyang gatasan upang makabili sila ng mga makabagong kagamitan at sasakyan para masuportahan din ang kanilang tubuhan.

Taong 2021, sa buwan ng Hunyo, nakamit ng kooperatiba ang isa nitong matagal ng pinapangarap, ang makapagpatayo ng sariling kongkreto at komportableng gusali para sa dairy processing. Napili nilang itayo ito sa gitna ng lupain ng mga tubuhan na s’ya nga namang nagbigay ng kakaibang impresyon sa gatasan at kalabawan. Bukod sa nagmukha itong espesyal, sinigurado rin ni Yleaña na ang lugar na ito ay ligtas sa mga polusyon dahil malayo ito lungsod na maraming bahay at iba’t ibang gusali.

Samakatuwid, nararanasan na ng kooperatiba at miyembro nito ang kaunlaran dahil sa negosyong dairying na tumitiyak sa kanilang pagkakaroon ng kita. Sa katunayan, makikita na ang pagangat nito sa paglaki ng bilang ng mga miyembro na dati ay bibubuo lamang 15 miyembro at ngayon ay binubuo na ng 142 miyembro.

Sa tulong din ng kakaibang negosyo na dairying, ang kooperatiba ay nagkaroon ng malaking pagbabago sa kanilang kita. Noon ang kinikita lamang ng kooperatiba ay PHP11 milyon, ngayon ang kinikita na ng kooperatiba ay PHP45 milyon.

Masasabing mayroong ng matatag na pundasyon ang kooperatiba. Patunay rito ang mga natutulungang manggagawa ng kooperatiba upang magkaroon ng kita mula sa dairying na s’yang nakatutulong sa pang arawaraw nilang gastusin, dagdag pa ang panustos para sa pang edukasyon at pang pagamot ng kanilang pamilya.

Sa tinatamasang grasya ng kooperatiba, hindi lang indibidwal na tao ang nababahagian nito kundi pati na rin ang buong komunidad. Sa katunayan, mayroon na silang inilalaan na pondo na ginagawang donasyon sa mga paaralan at simbahan. Dagdag pa, naging matulungin na kooperatiba rin ito sa panahon ng pandemsya sa pagbibigay ng libreng gatas para sa mga frontliners.

Sa mga napagtatagumpayan ng kooperatiba, naniniwala si Yleaña na kakaibang kapalaran ang hinatid ng industriya ng kalabawan at gatasan sa kanilang kooperatiba. Ito ang bagong larangang nagpabago rin ng takbo ng kanilang kooperatiba.

Author

0 Response