Tanglaw ng pag-asa sa Cagayan

 

Ang “lighthouse” ay tore na itinatayo sa mga baybayin o sa mga lugar na malapit sa dagat kaya’t may pagtataka kung bakit nakapangalan ito sa isang kooperatiba sa Tuguegarao City, Cagayan gayong ang siyudad ay malayo sa dagat.

Layunin ng isang “lighthouse” na magsilbing gabay sa mga marino at mandaragat bilang giya sa kanilang paglalayag. Ito, ayon kay General Manager Arthuro Tabbu, ang pinaghugutan ng inspirasyon kung bakit ipinangalan ang kanilang kooperatiba sa Lighthouse Cooperative.

Ito ay isang church-based na kooperatiba na itinatag noong Agosto 1998 ng mga miyembro ng Victory Christian Fellowship (VCF) sa Tuguegarao City. Ang pangunahing layunin ng mga tagapagtatag nito ang pangalagaan ang mga konsumer laban sa mga mapagsamantalang negosyante.

Ang mga naging unang miyembro nito ay mga estudyante dahil sa kanilang pagnanais na makatulong sa mga mag-aaral at mga kabataan at ang naging negosyo nila ay ang pagbebenta ng computer services, home furniture, at offi ce supplies.

Sa paglipas ng panahon, mga produktong pagkain o pasalubong mula sa mga karatig rehiyon naman ang nauso at naisip ng mga namumuno noon sa koop: ano namang produkto kaya ang maiaalok ng Cagayan? Dito nila sinimulang pagplanuhan ang sariling brand ng longganisa, karne Ibanag, karabeef tapa, at tocino.

Taong 2006 naman nang magkaroon sila ng ideya na isama ang chicharong kalabaw sa kanilang mga produkto.

“Nakita namin ‘yon mamang naglalako ng chicharong kalabaw at naisip namin na may market ang produktong ito. Dito kami nagsimulang magfocus sa paggawa ng chicharong kalabaw dahil marami namang kalabaw sa Region 2,” pagbabalik-tanaw ni Arthuro.

Nagsumikap silang magsaliksik, maghanap ng supplier, at gumawa ng chicharon na tinawag nilang Chicha-rabao nguni’t hindi ito pumatok sa lasa ng masa. Ayon sa mga natanggap nilang feedbacks, marami ang hindi nagustuhan ang pagkain.

“Nilagyan lang daw namin ng packaging at label at ginawang mahal pero walang ipinagkaiba sa ibang uri ng chicharon,” ani Arthuro.

Gayunpaman, hindi sila nawalan ng lakas ng loob na muling magsaliksik para maging patok sa panlasa ang Chicha-rabao. Nagbunga ang kanilang pagtitiyaga at nakagawa sila ng seasoning na garlic flavor. Sa ngayon, meron na ring hot and spicy at vinegar na flavors ang Chicha-rabao.

Ipinagmamalaki ni Arthuro na kilalang-kilalang produkto na ngayon ng Cagayan ang kanilang Chicha-rabao na dinadala pa sa Maynila at iba’t ibang lugar bilang pasalubong. Kinikilala ito bilang "One Town, One Product" ng Tuguegarao City sa ilalim ng Department of Trade and Industry (DTI).

Ang Chicha-rabao ay hindi gawa sa taba, na siyang ipinagkaiba nito sa chicharong karaniwang ibinebenta sa merkado. Puffy ito, tulad ng puffed cheese balls, na may malinamnam na lasa. Nutrition wise, ito ay tiyak na mas mababa sa taba at sa kolesterol dahil gawa ito sa balat ng kalabaw. Maaari itong kainin nang hindi kinakailangang isawsaw sa suka.

Mula sa slaughter house, nililinis ang balat ng kalabaw, tinatadtad at pagkatapos ay inilulubog sa kumukulong mantika. Matapos itong mailagay sa packaging ay dadalin ito sa Lighthouse Cooperative Store.

Ani Arthuro, nangangailangan sila kada buwan ng 70,000 kilo ng balat na katumbas ng humigit-kumulang sa 2,000 ulo ng kalabaw, para sa pagproseso ng Chicha-rabao. Binibili nila ang raw material sa mga slaughter house at sa mga lokal na magsasaka sa halagang PHP65 kada kilo.

Sa kasalukuyan, ang Lighthouse Cooperative ay nagsisilbing pag-asa ng mga Cagayanos pagdating sa pagkakaroon ng trabaho.

Ang tinututukan talaga namin ay kung paano makapagbigay pa ng maraming trabaho kaysa sa kung magkano ang kikitain namin. Tuwing magtatapos ang taon, sinisiguro namin na ang pinaghirapan ng aming mga empleyado ay maibabalik din sa kanila,” dagdag pa niya.

Nagpapasalamat ang Lighthouse Cooperative na kahit kailan ay hindi sila napunta sa isang negatibong sitwasyon, kahit pa nga sa panahon ng pandemya. Ngayon, ang kanilang daan pasulong ay palawakin pa ang kayang marating ng kanilang serbisyo sa pamamagitan ng marami pang produkto.

Kung magkagayon, magpapatuloy ang katuparan ng kanilang misyong maging “lighthouse” na magsisilbing liwanag at giya para sa mga Cagayanos.

Author

0 Response