'Sirena' sa ibabaw ng lupa

 

Kilay? Check! Lipstick? Check! Outfit? Check! Sombrerong pambukid? Check na check! Perfect na ang OOTD look para sa buong araw na pagrampa sa sakahan.

Tampok sa kwentong ito si John Paulo “Pau” Roguel, isang magkakalabaw mula sa bayan ng Tanza, Cavite, na isang miyembro ng LGBTQ+ at isang patunay na ang mga katulad niya ay hindi lamang sa mga salon, pageantry, at fashion pwedeng kuminang dahil ang iba ay kering-keri ring makipagsabayan sa sakahan, magbilad sa arawan, at mag-alaga ng baboy, kambing, at kalabaw.

Sa isang report noong taong 2014 na may pamagat na “Being LGBT in Asia: The Philippines Country Report”, ang mga LGBTQ+ ay nalilimitahan sa mga oportunidad at pagpipilian katulad na lang ng pagpapasuot sa kanila ng damit na “naaayon” sa kanilang kasarian batay sa mga social norms.

Lumang isyu na ang tungkol sa kakayahang mag-ambag sa lipunan ng mga kabilang sa LGBTQ+ community at lumang tugtugin na rin ang diskriminasyon sa kanila hindi lang sa trabaho kundi sa kabuuang lipunan. Angat na ang katulad nila sa maraming larangan at natatangi ang kanilang galing at talento.

Ganyan si Pau sa kanyang napiling propesyon—ang pagkakalabaw. Halos linggo-linggo ay marami ang tumatawag at naghahanap sa kanya hindi upang humingi ng payo tungkol sa pagpapaganda o pag-aayos kundi para humingi ng kanyang serbisyo sa mga bagay na may kinalaman sa pag-aalaga ng mga hayop.

Nagsimula sa isang pangarap

Nagsimula ang pagkahilig ni Pau sa mga hayop noong siya ay bata pa. Kasiyahan niya noon pa ang mag-alaga at makipaglaro sa mga ito.

Bumili ako noon ng bibe sa palengke tapos naghukay ako ng maliit na pool sa likod ng bahay namin para may languyan sila tapos galit na galit ang nanay ko kasi ‘yong tubig pumapasok sa loob ng bahay kaya tinabunan ulit. Pero dahil gusto kong maalagaan ang mga bibe humukay ulit ako sa tabi,” natutuwang pagbabalik-tanaw ni Pau.

Simula pagkabata’y pangarap na ni Pau ang maging isang agriculturist o veterinary doctor. Nang maka-graduate na siya ng hayskul ay pinalad siyang makakuha ng scholarship program kaya’t ganoon na lang ang kanyang tuwa na posible na niyang maabot ang kanyang pangarap. Nguni’t ‘di nagtagal ang kanyang pagsasaya dahil nanlumo siya nang sabihin ng ina na uunahin muna nilang pag-aralin ang kanyang nakatatandang kapatid.

Sa sama ng kanyang loob ay naglayas siya at nakipagsapalaran sa ibang probinsiya. Namasukan siya sa iba’t ibang uri ng trabaho hanggang sa makalimutan ang naudlot na pangarap. Hanggang sa noong taong 2015 ay dumating sa buhay niya ang partner na si Rodel at napagdesisyunan na nilang bumalik ng Cavite. Para kay Pau ay maituturing niyang isang biyaya si Rodel dahil ang kanyang inakalang namatay nang pangarap ay nabuhay simula nang makilala niya ito.

“Minsan ay niyaya ako ni Rodel na sumilip sa mga hog raisers sa kabilang barangay na puro native pigs ang alaga. Naengganyo kaming subukan din kaya’t nagdesisyon kaming mag-ipon na para makabili ng dumalaga. “Namasukan ako bilang isang canteen helper samantalang si Rodel ay sa construction naman,” ani Pau.

Pagkadapa at pagbangon

Naging maganda ang takbo ng kabuhayan nina Pau at Rodel dahil sa sipag at tiyaga sa pag-aalaga ng mga baboy.

Nang makaipon na ang dalawa ay nagdagdag pa sila ng mga alagaing baboy at nagrenta ng lupa na may Php500 na buwanang renta. Naging masagana ang kanilang babuyan na nagdulot sa kanila ng maalwan na pamumuhay. Pinangalanan niya itong Tanza Natural and Integrated Farm.

Kahit hindi pormal na nakapag-aral tungkol sa paghahayupan, pinagbuti ni Pau ang pagbabasa, panonood ng learning videos, at pag-attend sa mga trainings para madagdagan pa ang kanyang kaalaman tungkol sa livestock farming.

Pero noong 2019, isang nakamamatay na viral disease ng mga baboy na kung tawagin ay African Swine fever (ASF) ang naminsala sa industriya ng pagbababuyan sa buong mundo kabilang na ang Pilipinas.

Hindi nakaligtas ang farm nina Pau sa napakalaking pinsalang dulot nito. Ni isa ay wala silang nailigtas kaya’t tuluyan nilang iniwan ang negosyo. Hindi pa man nakakabangon sa sinapit, heto naman at dumating ang pandemya.

Noong kasagsagan ng lockdown ay marami rin sa kanyang mga kaibigan at kakilalang dairy farmers ang nagkaproblema kung saan nila ibebenta ang sobrang gatas. Batid ang kanyang impluwensya, nilapitan si Pau ng mga kaibigan at walang pag-aatubiling tinulungan niya ang mga itong makabenta sa pamamagitan ng pagpopost sa Facebook.

“Nagulat ako na marami ang nagtanong kung magkano daw ang gatas. Dumami na rin ang naging health conscious kaya naisipan naming mag-buy and sell na rin ng gatas. Inaangkat namin ang gatas sa mga dairy farmers sa mataas na presyo kaya nakatutulong pa rin kami sa kanila habang kumikita rin kami kahit paano,”ani Pau.

Aniya pa, “Araw-araw, nakapagbebenta kami ng 100 bote ng gatas at saka idagdag mo pa ‘yong kesong puti. Umaabot sa Php3,000 kada araw ang aming kita.”

Nagpatuloy ang kanilang buy and sell na negosyo hanggang sa magnew normal. Unti-unti, gumanda na uli ang takbo ng kooperatiba kung kaya’t nadagdagan na ang aning gatas na pwede nilang ibenta o iproseso linggo-linggo.

Desidido rin siyang paramihin pa ang kanyang dalawang alagang kalabaw na sina Ceres at Hera upang masubukan din niya ang negosyo sa paggagatas.

Pagyakap sa husga ng lipunan

Sa isang naisagawang research ng University of New Hampshire na may pamagat na “Queen Farmers: Sexuality and Transition to Sustainable Agriculture,” napagalamang ang mga miyembro ng LGBTQ+ ay hindi pinapansin bilang mga potensyal na magsasaka o tagapagtaguyod ng agrikultura.

Maging si Pau ay nakaranas ding mahusgaan dahil sa kanyang kasarian. Nang nagsisimula pa lang siya bilang livestock farmer ay marami ang nagtaas ng kilay at kinuwestyon ang kakayahan niya maging ang kanyang pananamit sa tuwing mamumukid.

“Sabi nila na bading daw ako at wala akong patutunguhan sa farming. Sabi ko naman, ‘wag ‘yon ang tingnan niyo kundi ‘yong magagawa ko,” pagkukuwento ni Pau tungkol sa madalas niya noong nararanasang pangungutya. Pero kung marami ang ayaw sa kanya, natutuwa si Pau na mas marami pa rin ang naiinspire.

Modelo sa nakararami

Habang nagtatagumpay si Pau sa kanyang nasumpungang kabuhayan, tumitindi rin ang kanyang adbokasiyang ibahagi ang mga kaalamang natututunan sa lahat ng magkakainteres na pasukin din ang negosyong ito maging ano man ang kanilang kasarian.

Pinalitan na rin niya ang dating pangalan ng farm sa “Farming sees no gender” bilang pagpapakilala ng kanyang paniniwala na ang pagsasaka ay walang kinikilingang kasarian.

Nang dahil sa naipamalas niyang husay sa pag-aalaga ng kambing, at dalawang kalabaw, ang kanyang farm ay sikat na ngayon hindi lang sa kanilang lugar kundi maging sa mga karatig probinsiya. Linggolinggo ay marami ang kumukuha ng kanyang serbisyo para sa deworming, vitamins, at iba pang gawaing masisiguro ang kalusugan ng mga alagang hayop.

“Hindi ako naniningil sa ibinibigay kong serbisyo dahil ‘yong paggaling o pagbuti ng kalusugan ng mga Sabi nila na bading daw ako at wala akong patutunguhan sa farming. Sabi ko naman, ‘wag ‘yon ang tingnan niyo kundi ‘yong magagawa ko.” “ JOHN PAULO ROGUEL alaga nila ay sapat na. ‘Yong iba magpapaabot ng bayad o di kaya’y sasagutin ang panggas ko, pagkain o tulugan. Naniniwala ako na sa simpleng pamamaraan ay nagiging pagpapala ako sa aking kapwa na walang hinihiling na kapalit. Marahil ay ito talaga ang layunin ko sa buhay kaya’t dito ako dinala ng Panginoon,” ani Pau.

Regular din siyang nagsheshare ng mga ginagawa niya sa farm sa kanyang Facebook page. Nais niyang maging instrumento ng pagkamulat ng mga millennials na katulad niya na may magandang oportunidad sa agrikultura.

“Gusto kong mamulat ang ating lipunan sa kung ano ang magandang buhay na naghihintay sa agrikultura. Dapat tulungan natin ang ating bansa na ‘wag nang umasa sa mga imported,” ani Pau.

May payo rin si Pau sa mga nagdadalawang-isip na pasukin ang livestock farming. Aniya, “Alamin, tangkilikin, at simulan na nila. Kailangan natin ang mga kabataan para ipagpatuloy ang nasimulan na. Sa mga ahensya ng gobyerno, ipush lang nila nang ipush ‘yong mga trainings para maganyak ang mga millennials at malaman nila na may pera sa agrikultura.”

Hindi man natupad ni Pau ang pangarap na maging propesyunal na agriculturist o veterinary doctor, daig pa niya ang nakapagtapos dahil sa mga napagtagumpayan niyang hirap at sa mga kaalamang naipon niya dahil sa mga pinagdaanan. Aniya, maalab pa rin ang pagnanais niyang magpatuloy kahit ilang pagsubok pa ang pagdaanan.

“Ako si John Paulo a.k.a. “Pau” Roguel, 27, ang LGBTQ farmer ng Julugan II, Tanza, Cavite at naniniwala ako na ang pagsasaka ay isang eskwelahan na puno ng kaalamang higit pa sa matututunan natin sa paaralan. Naniniwala rin ako na panahon na upang baguhin ang pananaw ng iba na ang pagsasaka ay hanapbuhay para lang sa mga kalalakihan at kababaihan. Naniniwala ako na kung kaya nila ay kaya rin naming mga sireyna and I, thank you!”

Author

0 Response