Kwentong 'malayo pa pero malayo na' ng Top Performing Dairy Farmer sa Panay Island

 

Malayo pa sa inaasam na tagumpay, pero malayo na sa kinagisnang hirap ng buhay.

Malayo pa sa pagkamit ng lahat ng mga pinapangarap, pero malayo na sa panahong akala’y wala nang pag-asa sa hinaharap.

Malayo pa para huminto sa pagpapagal, pero malayo na at marami nang dapat ipagpasalamat sa Maykapal.

Ganito ang paglalarawan ni Jose Roberto Castromayor, 55, ng barangay Guinhulacan, Bingawan, Iloilo, o mas kilala sa palayaw na “Enog”, sa kung gaano kalaki ang naidulot na pagbabago ng gatasang kalabaw sa estado ng pamumuhay niya at ng kanyang buong pamilya.

Masaya ring ibinahagi ni Enog na 50% ang naging kontribusyon ng kita niya sa pagkakalabawan sa pagpapaayos nila ng bahay. Bagama’t, aniya, malayo pa sa kanilang dream house, pero malayo na rin kumpara sa dati nilang tinutuluyan. Mula sa 16x20 sq.ft na sukat ng bahay nila noon, ngayon ay nasa 32x10 sq.ft na ang kabuuang sukat nito at may 36x28 sq.ft pa na terrace.

“Iyong sukat ng sala namin ngayon ay ‘yon ang kabuuang sukat ng bahay namin noon. Isang kwarto lang, nandoon na rin ang kusina. Pero ngayon, tatlong kwarto na ang mayroon kami at dalawang rest rooms. Bukod sa main kitchen, may dirty kitchen pa kami at may terrace na rin,” masayang ibinalita ni Enog.

Dahil sa kita sa kalabaw, nakapagpagawa rin siya ng kalsada mula sa bahay nila papunta sa taniman ng Napier at nakabili ng second hand na sasakyan at mga brand new na motorsiklo para, aniya, hindi mahirap maghakot ng pakain at magdeliver ng gatas. Naipaayos din niya ang kulungan at milking parlor para sa kanyang alagang kalabaw. Kasabay ng kanyang pagpupundar ay sinisiguro rin niyang nakapag-iimpok sila.

Ilan lamang ang mga ito sa mga benepisyong tinatamasa ng pamilya Castromayor magmula nang sumuong si Enog sa pagkakalabawan noong 2017. Ito’y matapos siyang maimbitahang makinig sa isang orientation tungkol sa Carabao Development Program na isinagawa ng DA-PCC sa West Visayas State University (DA-PCC sa WVSU).

Maliban sa pag-aalaga ng kalabaw, nagtatanim din siya ng palay sa kanilang isang ektaryang bukid pero, patotoo niya, mas malaki ang kinikita niya sa pagkakalabaw kumpara sa pagsasaka. Nagbebenta rin siya ng mga lalaking kalabaw. Sa kasalukuyan, tatlong crossbreds na babaing kalabaw ang inaalagaan ng pamilya Castromayor.

‘Top Performing Farmer'

Sa negosyong kalabawan, hindi lang nag-iisa si Enog sa pagganap ng lahat ng kaakibat na mga tungkulin sa gawaing ito. Katulong niya ang kanyang misis na si Ma. Bobette, 50, sa pagsisinop at paglilinis ng mga sisidlan ng gatas. Ang kanyang mga anak naman na sina John Michael, 19, na kasalukuyang kumukuha ng kursong Nautical Science, at Mark Jasper, 17, ang umaasiste sa kanya sa paggagatas, pagpapaligo, at pagpapakain ng mga kalabaw.

“Alam ng pamilya ko kung gaano kalaki ang naitutulong sa’min ng gatasang kalabaw kaya naman inihahanda ko na rin ang mga anak ko na manahin ang kabuhayang ito balang araw,” ani Enog.

Dahil sa pagtutulungan ng bawa’t miyembro ng pamilya sa kanilang kalabawan at naipamalas na kahusayan sa pag-aalaga, pinarangalan si Enog bilang Top Performing Dairy Buffalo Farmer ng DAPCC sa WVSU noong 2020 at 2022. Kinilala siya sa buong lalawigan na may pinakamataas na naitalang produksyon ng gatas ng kalabaw na inaasistehan ng DA-PCC sa Panay Island.

Batay sa datos ng DA-PCC, nakakolekta ng kabuuang 1,981.75 litro ng gatas si Enog noong 2022 na may katumbas na kita na PHP158,540 dahil sabay-sabay na gumagatas ang kanyang mga alaga. Siya rin ang may pinakamaraming gatas na nakuha noong 2020 na umabot sa 4,019.97 litro mula sa apat na kalabaw niya noon at kahit kasagsagan ng pandemya ay nagpatuloy pa rin siya sa pagdedeliver ng gatas sa kanilang kooperatiba. Aniya, karamihan sa gatas ng kanilang koop noong panahon ng pandemya ay binili ng LGU para ipamahagi sa mga frontliners.

Si Enog ay isa sa mga board of directors ng Calinog Farmers Agriculture Cooperative (CFAC). Aniya, binibili ng koop sa halagang PHP80 ang isang litro ng gatas, kung may milk feeding program naman ay nasa PHP100 kada litro ang halaga nito. Noong 2022, nasa 11,964 ang kabuuang bilang ng mga batang magaaral sa Passi City at Iloilo na nabenepisyuhan ng milk feeding program ng DepEd at DSWD na kung saan supplier ang CFAC.

Sa loob ng anim na taon sa pagkakalabawan, maituturing na malayo na nga ang naging lakbayin ni Enog nguni’t batid niya sa kanyang sarili na malayo pa ang kanyang mararating sa kabuhayang ito kalakip ang dedikasyon sa pagaalaga at solidong suporta ng kanyang pamilya.

Ang katagang “malayo pa, pero malayo na (still far, but getting closer)” ay isang sikat na quote na kalimitang mababasa sa social media. Kadalasan itong ginagamit upang ipahayag ang ideyang bagama’t ang isang bagay o tao ay malayo pa sa distansya o pag-unlad, sila ay unti-unting lumalapit o nagpapakita ng pag-usad tungo sa isang layunin o destinasyon. Nagpapahiwatig ito na kahit na malayo pa ang dapat tahakin ay dapat ding pahalagahan ang mga “small wins” o iyong mga naabot nang pag-unlad.

Author

0 Response