Sa kalabaw nagpaligaw, ngayon, kita'y umaapaw

 

Limang oras ang binabagtas ng DA-PCC sa USM upang makarating sa Pangi, Maitum, Sarangani. Sa bilis ng takbo ng kanilang sasakyan, daig pa nila ang isang binatang hahamakin ang lahat upang masilayan ang dilag na kanyang nililigawan.

Abala ang Pangi Multi-Purpose Cooperative (PAMULCO) sa Pangi, Maitum, Sarangani ng kani-kanilang regular na trabaho sa koop. Maya-maya, nakarinig sila ng bumubusinang sasakyan sa tapat ng kanilang opisina. Bumaba ang mga masigasig na manliligaw at nagpakilala. 

Ngunit sa unang pagtatagpo ay hindi agad nakasagot ang PAMULCO sa nanliligaw na si DA-PCC dahil may pag-aalangan pa itong nararamdaman.

“Nong dumating ang DA-PCC, hindi pa namin pinansin kasi kalabaw na naman ‘yan. Sayang lang ang pera ng gobyerno na ipamigay sa mga farmers tapos iiwan din lang” panimulang kwento ni PMPC Manager Ronald Briones.

Umalis mang bigo ang DA-PCC, nagiwan naman sila ng mga babasahing magasin na nakatawag nga pansin kina Ronald. Laon ng magasin ang mga kwentong tagumpay ng mga carapreneurs sa iba’t ibang panig ng bansa.

“Parang maganda pala ito. Ginanahan ako sa nabasa ko,” naka-ngiting ani Ronald.

Napag-alaman din ni Ronald na ang proyekto ay pinondohan ng opisina ni Senator Cynthia A. Villar.

“Ang una ko naisip hindi basta basta ‘yan. Hindi pag-aaksayahan ni senator ng panahon iyan kung hindi magandang mapakinabangan. Popondohan nila ito na walang silbi, imposible” dagdag pa niya.

Upang actual pa nilang maranasan at makita ang biyayang handog ng gatasang kalabaw, dinala sila ng DA-PCC sa USM sa mga matatagumpay na carapreneurs. Sa family module, naging halimbawa nila ang mga maggagatas sa Canahay, Surallah, South Cotabato. Bumyahe rin silang Kabacan, North Cotabato upang mabisita ang kalabawan ni Dominic Paclibar. Para sa marketing naman ay dinala sila sa Dairy Box ng Sta. Catalina Multi-Purpose Cooperative sa Pres. Roxas, North Cotabato at sa dairy outlet ng DA-PCC sa USM.

“Isang bus kaming naglibot. Naantig ako sa kwento ni Dominic Paclibar at doon sa nakita naming tagumpay,” dagdag pa ni Ronald.

Ito na ‘yon

Sa isang bakanteng lote sa tapat ng munisipyo ay may nakatayong tarpaulin na kakabasaan ng, ‘soon to rise, Pangi Dairy Box.’ Dito itatayo ang isang pasilidad na balang araw ay magiging pangalawang tahanan ng mga dairy farmers sa lugar.

Hindi nagtagal ay tinurn-over ang kompletong dairy enterprise package sa PAMULCO. Ang package ay kinabibilangan ng 50 dairy buffaloes at isang Dairy Box processing plant and marketing outlet.

Malaki ang naging papel din ng lokal na pamahalaan ng Maitum sa pangunguna ni Mayor Alexander Bryan B. Reganit. Nagbigay siya ng 250 sqm sa PAMULCO bilang kanyang suporta sa kanilang negosyo.

Ngunit bago pa ang Pangi sa dairying. Kung hihintayin nila ang 50 dairy buffaloes na maggatas ay aabutin sila ng taon. May Dairy Box nga ngunit walang gatas na maibenta. Dahil dito, binigyan sila ng DA-PCC sa USM ng mga pagsasanay sa pagproseso ng gatas kung saan hindi lang mga staff ang nagtraining. Kabilang din sa mga dumaan sa pagsasanay ang kanilang mga leader.

Ayon kay Nasrola Ibrahim, CBED Coordinator ng DAPCC sa USM, ang sikreto sa matagumpay na negosyo ay ang mga nasa tungkulin ay dapat matuto at ma-involve rin sa mga prosesong ginagawa ng kanilang mga miyembro.

Pagkatapos mapatayo ang Dairy Box at magkaroon ng sapat na training, bumili ang PAMULCO ng mga gatas na ani ng mga dairy farmers mula sa Lake Sebu at Canahay, Surallah, South Cotabato sa halagang PHP70 kada litro.

Kanila itong pinoprocess at ginagawang ice cream, ice candy, at inumin. Ang malinamnam na lasa ng mga ito ay naggaganyak sa mga estudyante tuwing recess, lunch break, at uwian.

Ang Dairy Box ng PMPC ang kauna-unahan sa probinsya ng Sarangani kayat maraming nagkaka-interesadong mag-resell sa kanilang mga dairy products.

“Ito lang ang project na nakita magkakapera muna si farmer bago ang ko-op, napakaganda dahil kompleto. Merong Dairy Box at meron pang feeding program na sasalihan, wala ka nang masasabi pa.”

Ito ang naging pahayag ni Ronald nang tanungin siya kung ano ang nakita niyang maganda sa proyekto sa loob ng maiksing panahon nilang pagkaroon ng dairy business.

Ang kanilang ko-op na nagsimula bilang samahan ng mga magsasaka sa Pangi noong 90s ay marami ring hirap na nalagpasan. Naranasan nilang umutang sa traders, ma bankrupt, mag-loan, at madapa ng pandemya ngunit hindi nila naisipang magsara ng pinto sa mga magsasakang umaasa sa kanila.

Ang kanilang pinapanalangin at pinaghahandaan sa ngayon ay ang makapag-supply sila sa milk feeding program ng DSWD.

Agyaman kami

‘Agyaman kami’ ay salitang Ilokano, ang pangunahing lenggwahe ng Maitum na nangangahulugang salamat.

“Maraming salamat sa DA-PCC dahil hindi nila kami sinukuan. Kahit pandemic bumabalik sila rito para ipakilala ang mga magagandang dulot ng gatasang kalabaw,” pasasalamat ni Ronald.

Bilang sagot sa pasasalamat ng PAMULCO ay nagbahagi rin si Ibrahim ng kanyang personal na pasasalamat sa kanila bilang isang CBED Coordinator.

“Noong Ktalk nong 30th anniversary, nakikinig ako at na realize ko na kung wala pala tayong nagawa sa mga pinagsisilbihan natin, wala tayong maiiwang legacy. Balang araw, may maipagmalaki tayo dahil ang mga ko-op na namomonitor natin ay nagkaroon ng income. Kaya palagi kong sinasabi, hindi ko susukuan ang mga farmers araw man o gabi, typhoon man o may covid,” panimula ni Ibrahim.

Sa tradisyunal na paraan ng panliligaw, ang binata ay hahamakin ang lahat upang masagot ng kanyang napupusuang dilag.

“Kung susukuan mo ang trabaho mo, anong legacy ang maiiwan mo na maaalala sa’yo ng mga tao. Nabubuhay ang pamilya natin dahil sa mga farmers kasi kung wala sila, wala tayong trabaho at sweldo. Nabuo ang ahensya natin dahil sa kania kaya ibinabalik lang natin sa kanila ang tamang serbisyo,” madamdaming pagtatapos ni Ibrahim.

Author

0 Response