Sa taong masikap, may pagtatagumpay!

 

"Hindi ka magiging matapang kung magagandang bagay lang ang mangyayari sa iyo. Pahalagahan maging ang problema o kaguluhan man. Mabuhay sa kasalukuyang sandali at tandaan na ang lahat ay may layunin at hangganan."

Ito ang pinanghahawakang prinsipyo ni Randy Florentino, 51, ng Minoyan sa Bago City, Negros Occidental, kung kaya’t nagpatuloy siya sa gawaing pagkakalabawan kahit dumaan man sa maraming pagsubok. Para sa kanya, ang lahat ng pagdadaanan niya, mahirap man o madali, ay paghahanda para sa masaganang kinabukasan. 

Unang naging karanasan ni Randy at asawang si Nelia Florentino sa pagkakalabaw ang nabiling 10 native na kalabaw noong 2002. Inisip nila itong pagkakitaan nguni’t dahil sa mga ‘di inaasahang problema ay halos naubos din ang mga ito.

Barangay kagawad noon si Randy sa kanilang bayan at naging abala siya sa kanyang gampanin kung kaya’t hindi niya natutukan ang pag-aalaga ng mga kalabaw. Kumuha siya ng mga tagapagalaga nguni’t hindi rin ito nakatulong at namatayan pa nga siya ng hayop.

Ang sumunod niyang kinaharap na pagsubok ay ang pagkakasakit ng asawa noong 2014 kung kaya’t napilitan siyang ibenta ang anim sa kanyang kalabaw para panustos sa mga gastusin sa pagpapagamot.

Unang naging katiwala si Randy ng programang pagkakalabawan ng DA-PCC noong 2015 matapos maengganyo sa narinig na “sa dairy, ang kita ay daily” mula sa dating center director ng DA-PCC sa La Carlota Stock Farm (DA-PCC sa LCSF) na si Ariel Abaquita. Ito’y sa pagsasagawa ng DA-PCC ng pagpupulong para sa mga artificial insemination (AI) technicians nito sa Bacolod City. Nabuhayan ng loob at napasigla si Randy ng tinuran ng dating director lalo na nang talakayin ang tungkol sa programa ng DA-PCC tungkol sa kabuhayang salig sa gatasang kalabaw.

Sa isang agro-trade fair na ginanap sa pagdiriwang ng Panaad Festival sa parehong taon, naisip ni Randy na kolektahin ang mga tira-tirang tangkay ng mga pakain sa mga hayop na nakadisplay sa exhibit katulad ng kambing, baka, at kalabaw. Gamit ang kanyang tricycle, dinala ni Randy ang mga pinagputulang tangkay ng Napier sa kanyang taniman. Iyon ang payak na pinagsimulan ng kanyang malawak na taniman ng pakain sa mga alagang kalabaw na aabot sa kalahating ektarya.

Noong una’y kaunti lang ang nalalaman ni Randy tungkol sa mga serbisyo at programa ng DA-PCC. Nguni’t nang makabasa siya ng mga babasahin ng DAPCC katulad ng Karbaw Magasin at Bubalus Newsletter, lumawak ang kanyang kaalaman kung paano pa palalaguin ang kanyang negosyong pagkakalabawan na nagsimula nang maging bahagi siya ng programa ng ahensya na bull entrustment sa tulong ni Rolly Ardeño

Ang sumiglang damdamin ni Randy tungkol sa nasumpungang negosyo sa paggagatasan ay untiunti ring tumamlay nang dumating ang pandemya. Nang bumuti na ang sitwasyon noong 2021, naisipan ni Randy na magtayo ng isang coffee shop na pinangalanan niyang “Angel’s Café”. Tila nagdilang anghel, noon din siya naaprubahan na mapahiraman ng apat na dairy crossbred carabaos ng DA-PCC. Hulyo ng sumunod na taon nang magsimula niyang gatasan ang mga ito at sa tulong pa rin ng DA-PCC sa LCSF, natutunan niyang magproseso ng pasteurized at flavored milk na naibebenta niya sa coffee shop at sa provincial hospital ng Negros Occidental kung saan nagtatrabaho ang kanyang asawa. ‘Di naglaon ay nakagawa na rin siya ng iba’t ibang produktong gawa sa gatas ng kalabaw katulad ng mango at guyabano shake. Inihahalo na rin niya ang gatas ng kalabaw sa kanyang signature coffee blends na iced at iced chocolate.

Aabot sa 10 ang kalabaw ni Randy sa kasalukuyan—isa rito ang bulugan at apat ang gatasan. Nakaplano niyang palakihin pa ang naitayong coffee shop at gawing resto café. Gusto niya itong maging lugar ng pagsasanay para sa pagpoproseso ng gatas sa tulong ng DA-PCC sa LCSF.

Nagtapos si Randy ng associate degree sa computer mula sa Aklan Polytechnic Institute noong 1991. Ang Agrarian Training Workshop (ACT) Advanced Trainers Training, Farmers Field School on Rice, Corn, Vegetables and Coffee, at Training Course on Artificial Insemination and Pregnancy Diagnosis on Water Buffalos ay ilan lamang sa mga pagsasanay na nadaluhan ni Randy. First runnerup siya sa large animal category sa Pasindongog Sa Mga Manog Sagod Sapat na Panaad Festival sa Negros Occidental Search noong 2012 at 2015.

Bagama’t may mga pinagdaanang hamon, alam ni Randy na ang kanyang positibong pananaw sa pagsubok ang naghatid sa kanya sa tagumpay. Para sa kanya, pagtatagumpay ang dulo ng lahat ng pagsusumikap.

Author

0 Response