Iniwang legasiya, ipinagpatuloy ng dalagang carapreneur

 

Kung ang ibang kabataa’y kaliwa’t kanan ang upload ng mga “selfies”, pasyalan, at iba’t ibang personal na ganap sa kani-kanilang mga socmed accounts, agaw-pansin naman ang ipino-post na content ng isang dalaga sa San Jose City, Nueva Ecija. Ang sa kanya’y mga videos ng pagpapaligo ng kalabaw, paggagatas, pagkuha ng pakain sa katirikan ng araw, paglilinis ng kulungan at dumi, at paggawa ng mandala ng dayami.

Siya si Miccaela Alfonso, 28, o mas kilala sa palayaw na “Micca”. Bagama’t kahanga-hanga ang ipinamamalas na husay ng dalagang ito sa larangan ng pagkakalabawan, may mas malalim pa pala siyang pinaghuhugutan kung bakit buong-puso niyang niyakap ang nasabing gawain.

Aniya, sa isang iglap ay nagbago ang takbo ng operasyon sa kalabawan ng kanilang pamilya nang pumanaw ang ama niyang si Miguel, 51, na siyang nagsilbing haligi at pundasyon nito sa mahabang panahon. Nguni’t sa halip na sumuko sa pagkakalabawan, nanindigan si Micca na ipagpatuloy ang naiwang legasiya ng kanyang ama.

“Pagkalibing ni Papang, napanaginipan ko siya kaagad. Sabi niya, ‘huwag ka munang magtrabaho, mag-focus ka muna sa farm’,” kwento ni Micca.

Si Miguel ay isa sa mga premyadong magkakalabaw sa barangay Palestina na inaasistehan ng DA-PCC. Noong 2019, nagwagi ang kanyang kalabaw sa Gintong Kalabaw Senior Cow Category dahil sa magandang pangangatawan nito at dami ng produksyon ng gatas, na sumasalamin sa husay ni Miguel sa pag-aalaga.

“Noong nawala si Papang, bumagsak talaga ‘yong katawan ng mga kalabaw namin dahil siya ‘yong nakatutok noon sa pag-aalaga. Nasa punto kami ngayon na ibinabalik namin ‘yong magandang pangangatawan ng mga kalabaw kasi sayang naman ‘yong pinaghirapan ni Papang,” ani Micca.

Bilang anak, alam ni Micca ang naging pakinabang ng mga alagang kalabaw sa kanilang pamilya lalo na noong nag-aaral pa silang magkakapatid. Ito, aniya, ang nakapagtustos sa kanilang pinansyal na pangangailangan dahilan para makapagtapos silang tatlo ng pag-aaral. Ang panganay nilang si Michael Dean, 31, ay nakapagtapos ng kursong Bachelor of Science in Information Technology, sumunod si Mitchieco,30, sa kursong Bachelor of Science in Tourism Management, at si Micca naman ay nakatapos ng Cruise Ship Hotel and Restaurant Services. Ang bunso na si Miguel II, 23, ay graduating student sa kursong Bachelor of Arts in Political Science.

Nang maka-graduate si Micca, iba’t ibang trabaho ang kanyang sinubukan na nagturo sa kanyang makihalubilo at humarap sa mga tao at nagbigay ng maraming kaalaman sa iba’t ibang mga bagay. Nagtrabaho siya bilang service crew sa isang restaurant, naging secretary at manager ng Eastern Primary Multi-Purpose Cooperative (EPMPC) kung saan sila kasapi, at naging empleyado rin siya ng DA-PCC. Ang mga karanasan at mga kaalamang natamo niya sa lahat ng mga pinasukan niya ang naghubog, aniya, sa kanya upang mas maging handa sa pagsunod sa yapak ng kanyang ama sa industriya ng pagkakalabawan.

Pagsunod sa yapak

Sa pangambang isa-isang mawawala ang mga kalabaw nila hanggang sa puntong matutuldukan na ang kabuhayang nagtaguyod sa kanilang pamilya, napagtanto ni Micca kung gaano kahalaga ang magkaroon ng “second liner” o isang anak na pursigidong magtuloy sa isang negosyo.

Kung dati ay sa paggagatas, paglilinis, at pagtatala lang siya nakatutulong noon sa ama, ngayon naman ay siya na ang punong-abala sa pagganap ng lahat ng mga tungkulin sa kalabawan. Alas kwatro pa lang ng madaling-araw ay nagsisimula na ang mga gawain niya rito. Siya ang namamahala mula sa paghahanda ng kagamitan sa paggagatas hanggang sa pagdedeliver nito at pagmimintina ng mga records. Maalam na rin si Micca sa pagbibigay ng vitamins at pagsusuri kung buntis na ang kalabaw.

Nasaksihan niya kung paanong pinagtutuunan ng panahon ng kanyang mga magulang ang pagkakalabaw simula noong 2015. Aniya, sa sobrang pagmamahal nila sa mga alaga ay pamilya na ang turing nila sa mga ito at halos sa farm na noon natutulog sina Miguel at asawang si Marcelina, 53.

Wala naman, aniyang, pagsisisi si Micca dahil naalagaan niya si Miguel bago ito pumanaw sa sakit na brain tumor noong Oktubre 2021. Ayon sa kanya, unang nagmanage ng kanilang kalabawan si Michael Dean nguni’t huminto rin ito dahil siya na ang mamamahala sa isa pang negosyo ng kanilang pamilya, ang maisan. Si Micca na ang nagtuloy ng negosyo sa kalabawan matapos mag-resign sa DA-PCC bilang enumerator.

Sa kasalukuyan, 11 ang inaalagaang kalabaw ng pamilya Alfonso. Tatlo ang buntis habang dalawa ang ginagatasan na nakapagbibigay ng karaniwang 10 litro sa isang araw. Binibili naman ito ng EPMPC sa halagang PHP77 kada litro.

‘Proud sa’kin si Papang’

Dahil sa pagiging isang modelong kabataan sa kalabawan, naanyayahan na rin si Micca na maging resource speaker sa iba’t ibang paksang may kaugnayan sa pagiging second liner at pagaalaga ng kalabaw.

Para sa kanya, mahalaga na may vision at passion sa pag-aalaga ng kalabaw, bagay na natutunan niya sa kanyang ama. Ang tunguhin ngayon ng Miguel Dairy Farm sa ilalim ng pamamahala ni Micca ay maging isang learning site at kalauna’y maging farm school.

Dalawang taon na ang nakalilipas nang mawala si Miguel nguni’t aminado si Micca na sa tuwing nasa kalabawan siya, isang senaryo ang paulit-ulit pa ring nananariwa sa kanyang alaala. Ito’y ang mga panahong masaya silang magkasamang mag-ama na naggagatas ng kalabaw, na kung may pagkakataon lang siya ay nais niyang balik-balikan at muling maranasan.

Author

0 Response