Serbisyong Angeles,One of the Best!

 

Tinaguriang pambansang hayop ng Pilipinas ang kalabaw o water buffalo. Simbolo rin ito ng kalakasan at kasipagan na kadalasang maihahalintulad sa ugali at katangian ng isang mamamayang Pilipino, tulad na lamang ng kinilalang 2023 Outstanding Village-Based Artificial Insemination Technician (VBAIT) na si Edgardo DC. Angeles mula sa bayan ng Floridablanca sa Pampanga.

Noong una ay isang AI service lang kada buwan ang nagagawa ni Edgardo, dahilan para kwestyunin niya kung makabubuhay nga ba ng pamilya ang trabahong ito.

Gayunpaman, hindi niya sinukuan ang gawaing ito sa halip ay nagtiyaga siya at nagpursige na makilala ang kalidad ng kanyang serbisyo. Hindi nagtagal, nagbunga na nga ang pagpapagal ni Edgardo. Makalipas ang halos dalawang taon, dumami na ang mga magsasakang sumasangguni sa kanya at unti-unti na siyang nakilala sa larangan ng AI sa Floridablanca. Lalo siyang nagsikap na mapalago ang serbisyo niya bilang AI technician. Nasa PHP800 na rin ang singil niya kada AI kasama na rin dito ang deworming at castration. Nakararating na rin siya sa mga karatig probinsiya upang magserbisyo gaya ng Zambales at Bataan.

Noong 2021, nasa kabuuang 502 ang AI services na nagawa ni Edgardo, 403 ang naipanganak dito o 80.27% calf drop sa taong 2022. Dahil sa kinikita niya sa pagiging AI technician, naipaayos na nina Edgardo ang kanilang bahay na dati ay gawang sawali o kugon lamang. Umabot na rin, aniya, ng PHP13,000 ang pinakamataas na kita niya sa isang araw na ni minsan ay hindi niya inakalang mangyayari sa buhay niya. Ngayon, halos 12 kalabaw na ang sinisimilyahan ni Edgardo sa loob lang ng isang araw.

Itinuturing din ni Edgardo na bahagi ng kanyang tagumpay ang bayaw niyang si Edward Manuson, na nagwagi rin bilang Outstanding VBAIT noong 2010. Si Edward din ang nagpakilala kay Edgardo sa DA- Philippine Carabao Center at nagrekomenda na magsanay bilang VBAIT. Naging inspirasyon din si Edgardo ng isa sa kanyang mga anak na sumunod sa kanyang yapak at nagsanay na rin SERBISYONG ANGELES... bilang isang AI technician nang makapagtapos ng high school.

Pasasalamat naman ang mensahe ni Edgardo para sa DA-PCC sa Central Luzon State University (DA-PCC sa CLSU) dahil sa suporta nitong kabuhayan na naging dahilan para matustusan ang pagaaral ng kanyang mga anak.

“Kung wala ‘yong DA-PCC sa CLSU ‘di ko mapag-aaral ang aking mga anak. Dahil sa trabahong ito, gumanda ang buhay ko at nakatutulong pa ako sa aking mga kababayan,” aniya.

Ayon kay Edgardo, ang pagiging AI technician ang pinakamagandang nangyari sa buhay niya. Bagama’t maraming pagsubok, alam niyang hindi siya magsasawang magbigay ng teknikal na serbisyo para sa mga hayop. Pinatunayan ni Edgardo na kung sasamahan ng sipag at tiyaga ang trabaho ay tiyak may kapupulutan itong magandang bunga.

Author

0 Response