Tatay Rodel, haligi ng matatag na kalabawan

 

Malaki ang papel na ginagampanan ng mga tatay gaya ni Rodel Estañol, 50, ng Surallah, South Cotabato, sa bawa’t pamilya. Bilang haligi ng tahanan, sila ang madalas pumapasan sa responsibilidad na itaguyod ang pamilya at ibigay dito ang panatag na pamumuhay. alas singko, nakapwesto na si Danny sa gilid ng kalabaw habang nakaupo naman sa kabilang gilid si Katt para sabay nilang gatasan ang alaga.

Maagang naulila sa ama si Tatay Rodel. Bata pa lang ay katuwang na siya ng kanyang ina sa pagtatrabaho sa bukid para matugunan ang pangangailangan ng kanyang 10 kapatid. Hanggang sa magkaroon na rin ng sariling pamilya ay kaakibat pa rin si Rodel sa mga gawain sa kanilang bukid. Likas sa kanya ang pagtitiyaga at pagsasakripisyo mabigay lamang sa pamilya ang mga pangangailangan nito.

Marami nang nasubukang trabaho si Rodel pero sa pagkakalabawan siya nakatagpo ng kaginhawaan ng buhay. Simula noong 2016, inalagaan ng pamilya ni Rodel ang mga purebred na kalabaw na ipinagkaloob sa kanila ng DA-Philippine Carabao Center sa University of Southern Mindanao sa ilalim ng Dairy Family Module.

“Sabi nga ng iba ‘tender love and care’ dapat kung mag-alaga. Hindi lang mga nanay ang magaling magaruga, kaya rin naming mga tatay ang magbigay ng magiliw na pagmamahal at pag-aalaga,” saad ni Rodel.

Maagang gumigising si tatay Rodel upang paghandaan ang pang araw-araw na gawaing pagkakalabawan. Kasama ang kanyang mga anak, kumukuha sila ng mga damong pakain, naghahanda ng gatasang kalabaw, at nangongolekta ng gatas.

"Malambing ang aking asawa sa aming mga alagang kalabaw. Arawaraw niya nga itong kasamang naliligo sa ilog”, pabirong kwento ni Loida, asawa ni Rodel. Dagdag pa niya, “Lahat ay ginagawa niya para sa aming mga anak. Ngayon, tinutuuran niya ang kanyang mga anak sa pag-aalaga dahil alam naming malaking biyaya ang mga kalabaw sa pamilya namin”

Labis ang galak na nararamdaman ng pamilya tuwing may gatas na naibibigay ang kanilang mga alaga. Para sa kanila, ito ang simbolo ng pagbuhos ng biyaya sa kanilang buhay.

Isa ang kalabaw na si “Bujit” o 2UMC19034 sa nagbibigay ng saya sa pamilya Estañol. Sa edad nitong limang taon ay nakapagbigay na ito ng dalawang anak sa kanila. Sa katunayan, 10.69 na litrong gatas kada araw noong 2021 ang nakukuha nila rito dahilan upang maitanghal itong Best Dairy BuffaloPurebred-Junior Cow Category 2nd runner up.

Taong 2023 nang manganak ulit si Bujit at magbigay ng 15 litrong gatas kada araw. Sa katunayan, naitanghal ang kalabaw na si Bujit bilang Best Dairy Animal Purebred-Senior Cow Category sa 9th National Carabao Conference na ginanap sa Pinamungajan, Cebu noong Oktubre 16- 17, 2023.

Ang pamilya Estañol ang patunay na kapag tama ang pag-aalaga at pamamahala sa alagang kalabaw, magbubunga ito ng mataas na produksyon ng gatas at maginhawang pamumuhay

Author

0 Response