Ang mga modernong diyosa sa lupain ng mga Boholano

 

Isang tanyag na alamat ang nagpasalin-salin sa mga Boholanos. Ang alamat na ito, na minamahal at ipinapasa mula sa isang henerasyon at patungo sa iba pa, ay nagsasalaysay ng isang panahon kung kailan isang matinding taggutom ang sumalanta sa Bohol. Sa kanilang desperasyon at kagutuman, nakiusap ang mga Boholano kay Sappia, ang diyosa ng awa na iligtas sila.

Ayon sa alamat, nangamatay ang mga tao sa buong isla dahil sa kagutuman. At ang kanilang panaghoy ay umabot sa kalangitan. Bilang tugon, si Sappia, na naantig sa kanilang kalagayan, ay piniga ang kanyang dibdib at ang patak ng kanyang banal na gatas ay bumuhay sa bawa’t tuyong mga pananim. Nagka-milagro! Sumibol at muling lumago ang lupain ng mga Boholano. Sa huli, ang mga Boholano ay nailigtas mula sa taggutom, at sila ay habambuhay na nagpasalamat sa mapagpalang diyosa na si Sappia.

Ang mga modernong Sappia

Noong 1995, ang Bohol ay napabilang sa listahan ng national government bilang top 20 poorest provinces. Taong 2015, ang lalawigan ay bumaba sa ika-41 na mahirap na lalawigan sa bansa.

Ang kalagayan ng lalawigan ay hindi nagtagal dahil mga modernong diyosang Sappia naman ang nagtutulung-tulong upang patuloy na paunlarin ang Bohol.

Ang Bohol ay isa sa mga napiling probinsya na recipient ng Philippine Rural Development Project (PRDP). Ang PRDP ay anim-na-taong proyekto (2013-2019) na idinisenyo upang magtatag ng isang inclusive at marketoriented agri-fishery sector sa pamamagitan ng strategic investment sa mga priority commodity value chain. Ito ay isang plataporma upang mapababa ang kahirapan at naglalayong mapabuti ang kita at seguridad sa pagkain ng mga mahihirap sa kanayunan

Sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement, ang Department of Agriculture (DA) at ang probinsya ng Bohol ay nagkasundo para sa pagsasakatuparan ng PRDP. Parehong makikipagtulungan ang DA at ang probinsya sa mga lokal na pamahalaan at sa pribadong sektor para sa imprastruktura, pasilidad, teknolohiya, at impormasyon na magpapataas ng kita at pagiging produktibo sa kanayunan.

Upang matiyak ang matagumpay na pagpapatupad ng proyekto, ang gobernador ng Bohol ay naglabas ng Executive Order No. 05, Series of 2015, na lumilikha sa Provincial Core Planning Team (PCPT) na pinamumunuan ng Provincial Agriculturist. Ang PCPT ay inatasan bilang pangunahing mekanismo sa paghahanda ng Provincial Commodity Investment Plan (PCIP). Ang PCIP ng Bohol ay tatlong-taong strategic plan (2017-2019) na nagtatampok ng mga priority commodities ng probinsya para sa isang ikslusibo, value chain-based, at climate-smart na agrikultura tungo sa isang malakas at balanseng agri-industriyal na probinsya.

Upang mabisang makamit ito, ang pamahalaang panlalawigan ng Bohol ay pana-panahong ina-update ang development framework nito, na sumasaklaw sa mga medium-term development priorities para sa susunod na tatlong taon. Ang mga prayoridad na ito ay nakaayon sa kasalukuyang mga realidad at sitwasyon, upang gawing mas maagap ang mga interbensyon ng pamahalaan sa pagharap sa mga isyu ng lahat ng sektor.

Sa panayam kay Dr. Stella Marie D. Lapiz, head ng Office of the Provincial Veterinarian (OPV) ng Bohol, lumabas sa isinagawa nilang value chain analysis noong 2015 na pangatlo ang dairy buffalo sa kanilang priority commodity. Lumabas din na may market opportunity ito sa mga Boholano.

“I am happy to tell na ang dairying ng Bohol ay na-streamline sa program sa province so meron kaming Bohol Dairy Development Program na annually napopondohan siya under ng annual investment plan,” dagdag pa ni Dr. Lapiz.

Ayon pa kay Dr. Lapiz, unang kinilala noon sa Bohol ang kalabaw bilang katulong sa pagsasaka.

“Mostly sa mga farmers ay half hectare ang kanilang lupain at hindi uso ang mechanized kaya kalabaw talaga ang kailangan nila for draft. After consultations, dispersal ng kalabaw ang hiningi nila. In every municipality, 100 head ang naibigay. Timing naman na meron na si PCC, and then napasok na ang Bohol ng PRDP, doon na talaga natutukan ang dairying,” ani Dr. Lapiz.

Upang maparami ang mahuhusay na breed ng kalabaw, tumutulong ang DA-PCC sa Ubay Stock Farm (USF) sa pamamagitan ng breeder loans at AI services. Sa 47 na munisipyo ng Bohol, tatlo lamang ang wala pang AI services na siyang kasalukuyan namang tinatrabaho ng PLGU. Nagbigay din ang JICA ng liquid nitrogen plant para sa mas epektibong AI performance at tuluy-tuloy na AI upgrading courses ng National Dairy Authority at DA-PCC. Sa usaping pagkain naman, nagkaroon din ng pasture development. Ang OPV ay nagpapahiram ng sasakyan sa mga magsasaka para sa pag-aani ng mga pakain.

Noong inupdate nila ang PCIP, nakita sa value chain analysis ang kakulangan pa rin sa dairy production kaya’t patuloy ang pag-sponsor ng DA-PCC at NDA ng mga kaukulang pagsasanay. Ang ilan sa mga tulong na pinondohan ng probinsya ay ang mga sumusunod: milking cans, tractor para sa forage, shredder para sa silage production, molassess, silage bags at lahat ng pwedeng magamit na feed resource.

“Nagpapasalamat kami sa mga tulong ng DA-PCC sa pagbibigay ng dairy stocks,” sabi ni Dr. Lapiz.

Tuluy-tuloy na patak ng gatas

Noong Dairy Festival nang 2019, pinuri ni Senator Cynthia Villar ang mahusay na paggagatasan sa Bohol at sinabi niyang maaaring maging modelo ang Bohol sa pagpapaunlad ng paggagatasan sa bansa. Ayon kay Sen. Villar, kung nagawa at nakaya ng Bohol, makakaya rin ng buong bansa.

Sa katunayan, nanalo ang Bohol Dairy Cooperative (BODACO) sa Villar Sipag Award noong 2018.

Noong bumisita si Sen. Villar sa probinsya, nakatagpo niya ang isang local housewife na nagaalaga at nagpapagatas ng tatlong kalabaw at ang pagbebenta ng gatas ay nagbigay sa kanyang pamilya ng kita na PHP600 kada araw o PHP18,000 kada buwan.

Samantala, nitong Mayo 2024, ang BODACO at ang First Consolidated Cooperative Along Tañon Seaboards (FCCT), mga kooperatiba na tinutulungan ng DA-Philippine Carabao Center sa Ubay Stock Farm (DA-PCC sa USF), ay nakatanggap ng papuri para sa epektibong pagpapatupad ng Enterprise Development (IREAP) na proyektong pinondohan ng World Bank sa pamamagitan ng DA-Philippine Rural Development Project (DA-PRDP).

Sa gitna ng mga pagsubok gaya ng El Niño, paano nagiging matatag ang pagkakalabawan sa Bohol?

Ayon kay Dr. Lapiz, ang Bohol ay may provincial dairy council kung saan isa-isang pinag-uusapan at binibigyang solusyon ang mga problema. Sa pamamagitan nito, nakagagawa sila ng mga estratehiya upang lutasin ang mga kasalukuyang suliranin sa mga sektor ng agrikultura at paghahayupan.

“Napakasarap makita na dahil sa pagtutulungan at pagsisikap ng mga ahensya ng gobyerno at ng PLGU, nakikita namin ang saya at ginhawa sa buhay ng mga magsasaka. Kapag may mga events at may mga nagtetestimonyang mga farmers, maiiyak ka sa mga maririnig mong kwento ng kanilang tagumpay,” pagtatapos ni Dr. Lapiz.

Ang tagumpay ng Bohol ay hindi nagawa nang isang gabi lamang. Ito ay bunga ng maraming taon ng pagsusumikap at suporta mula sa mga ahensya ng gobyerno at pribadong sektor, na parang mga diyosang Sappia na bumaba sa lupa at nagtanim ng binhi ng pagasa—hanggang sa sumibol ang isang masaganang Bohol.

Author

0 Response