MILYONARYO SA BURO

 

Sa mahabang panahon, negatibo ang kadalasang pananaw ng publiko tungkol sa bakterya. Kadalasan kasi itong iniuugnay sa mga sakit at impeksyon, ayon sa Microbewiki. Nguni’t marami rin ang bakterya na kapakipakinabang hindi lang sa tao kundi pati na rin sa mga pagkain at iba pang mga produkto, tulad ng bakterya sa loob ng naimbak na mais.

Sa taglay nitong magandang bakterya, maayos na naprepreserba at napagaganda ang kalidad ng natadtad at naimbak na mais sa selyadong lalagyan. Sa loob ay unti-unti itong ipinoproseso at binuburo habang pinananatili ang taglay nitong sustansya at sa tamang panahon, magbubunga ang inaasam na yaman sa buro.

Ang prosesong ito ay tinatawag na pagbuburo ng mais o silage. Lactic acid ang bakterya na dominante sa pagproproseso nito, kung saan kino-convert nito ang soluble carbohydrates na mayroon sa mais na siyang nagpapaganda sa kalidad ng produkto. Tumutulong ang bakteryang ito sa pagprepreserba at pagpapaganda ng 85% nutrient value ng mais na ipinapakain sa mga alagang kalabaw at ruminants.

Biyayang hindi inaasahan

Unang natutunan ni Rolly Mateo Sr. ang pagbuburo ng mais nang magsagawa ang DA-Philippine Carabao Center ng training sa paggawa ng silage noong taong 2010. Pagkatapos ng pagsasanay, agad niyang ginamit ang mga kaalaman at kasanayan sa pagbuburo sa kanyang sariling bukid. Noong una, ang mga nagagawang burong mais ay para sa kanyang mga kalabaw lamang dahil ito’y makabagong interbasyon at teknolohiya at hindi pa laganap sa masa.

Sa pagtuturo ng DA-PCC ng mga interbasyon para sa pakain ng mga kalabaw sa Bantog Samahang Nayon Multi-Purpose Cooperative (BSNMPC) kung saan nagsisilbing chairperson si Rolly, nakatulong sa mga miyembro ng kooperatiba ang paggawa ng silage.

Kanyang napagtanto na tunay ngang mahirap ang pag-aalaga’t pagpapalaki ng mga kalabaw kung walang mapagkukunan ng pagkain, walang bastante at nakaimbak na pakain kaya’t ginamit niya ang natutunang teknolohiya upang matiyak na may reserba at masustansyang pagkain ang kanyang mga kalabaw.

“Maraming mais dito sa amin, marami rin ang sobra, at sa dami nito, iyon ang binuro ko noong nagsisimula ako,” dagdag pa niya.

Kilala ang Bantog, Asingan, Pangasinan sa pagkakalabawan bagama’t halos lahat ng lokal ay pag-aalaga ng kalabaw ang ikinabubuhay. Sa katunayan, isa sa pangunahing pananim sa Bantog ay ang mais, na kilalang masustansyang pakain para sa mga alagang kalabaw.

“Nakita ko na malaki pala ang silbi ng pagbuburo ng mais lalo na sa panahon ng tagtuyot, at kung tayo’y nakapag-imbak ng buro, mais man o kahit anong forage na pwedeng iburo, mayroon tayong ipapakain,” saad niya.

Sikretong sangkap at proseso

Ang mais ay isa sa mga perpektong pananim na magandang gamitin sa pagbuburo dahil sa mababang buffering capacity, may sapat na water-soluble carbohydrates (WSC) concentration kapag ito’y mature na, mataas ang dry matter (DM) content at total digestible nutrients (TDN).

‘Burong Yaman’

Makalipas ang mahigit isang dekada ng pagbuburo, malaki ang naging pagbabago sa buhay ni Rolly. Kung dati ay pansarili lamang ang pagbuburo, marami nang mga kapwa magsasaka niya ang lumalapit sa kanya upang bumili ng burong mais.

“Noon, konti lang iyong pinoprodyus natin at hindi ang pagtitinda ng mais ang aking pakay. Hanggang sa may mga tumatawag ng customers na naghahanap ng pakain para sa kalabaw, doon ko na dinamihan ang produksyon nito,” ani Rolly.

Unti-unti itong tinangkilik ng mga nag-aalaga ng mga ruminants at dumami pa ang bumibili sa kanya. Sa katunayan, ang kanyang mga parukyano ay mula sa iba’t ibang probinsya sa Luzon.

“May mga nanggaling pa sa Abra, Ilocos Sur, La Union, Rizal, Nueva Ecija, at Quezon,” aniya.

Sa simula ng taong ito, nakapagbenta na si Rolly ng 119 na toneladang burong mais na nagkakahalaga ng PHP650,000. Ang pick-up price nila ay PHP6 at PHP5.75 kung bultuhan.

Mula 2019-2023, kumita siya ng kabuuang PHP3 milyon sa 609 na toneladang burong mais.

Ngayon, Si Rolly Mateo Sr., isang tanyag na magkakalabaw ay tumatamasa’t nilalasap ng tuloytuloy na biyaya ng pagbuburo, isang patunay na may yaman sa gawaing ito.

Bilang isang maituturing na progresibong magkakalabaw, malaki ang ambag ngayon ni Rolly para matugunan ang kakapusan sa pakain sa kalabaw lalo na sa panahon ng tagtuyo. Sa ganitong paraan, madadagdagan pa ang kita ng isang nagkakalabaw.

Author

0 Response