Pagbabalik sa lupang sinilangan, bagong buhay nasumpungan

 

Pagmamahal sa pamilya ang dahilan ni Leopoldo Marcos upang mangibang bansa. Ito rin ang nagtulak sa kanya upang bumalik sa Pilipinas at magkalabawan.

Ang kanyang pagsisikap ang naging dahilan upang kilalanin siya bilang “Outstanding Dairy Buffalo Farmer” sa smallhold category noong ika-26 na anibersaryo ng DA-PCC.

Si Marcos ay isang dating Overseas Filipino Worker sa Saudi Arabia.   Bagama’t sapat ang kinikita para sa pamilya, kanyang napagtanto na higit sa pera, kailangan ng kanyang mga anak ang gabay at pag-aaruga ng isang ama.

Hindi naglaon ay umuwi siya sa Pinas at sumuong sa negosyong gatasan. Ayon sa kaniya, ang ilan sa miyembro ng Eastern Primary Multi-Purpose Cooperative (EPMPC) na kanyang mga kapitbahay ang nakapag-engganyo sa kaniya.

Taong 2015 nang sumailalim siya sa pagsasanay sa wastong pangangalaga ng gatasang kalabaw. Pagkaraa’y bumili siya ng kalabaw.

Nang sumunod na taon, napahiraman si Marcos ng dalawang  gatasang kalabaw ng PCC at hindi nagtagal ay nadagdagan ito ng isa pa. Ngayo’y mayroon na siyang pitong kalabaw.

Nakakukuha si Marcos mula sa mga ginagatasang kalabaw ng 19 na litro. Ito ay kanyang ipinagbibili sa EPMPC sa halagang Php60 kada litro. Aabot sa Php1,140 kada araw ang kita na ipinantutustos niya sa pangangailangan ng kanyang pamilya at pag-aaral ng mga anak.

Parehong nakapagtapos ng kolehiyo sina Marcos at ang asawa kung kaya’t nais rin niya na makapagtapos ang mga anak.

“Mahalaga ang edukasyon kaya lubos akong nagtitiyaga sa pagkakalabaw dahil gusto ko na matutukan ng mga anak ko ang kanilang pag-aaral. Lalo’t hindi naman ako habambuhay makapagtatrabaho,” ani Marcos.

Bagama’t hindi regular na tumutulong ang mga anak niya sa kanilang gatasan, naging tila paraan naman ng pagbobonding nilang mag-anak ito. Tuwing walang pasok sa eskwela ay nagpupunta siya, ang kanyang asawa at mga anak sa farm upang tulung-tulong na maggatas. 

Buhat sa kinikita sa gatas ay nakapagpundar na rin si Marcos ng isang second-hand na sasakyan at tricycle na nagagamit niya sa paghahatid ng gatas sa EPMPC.

Kalimitang pumupunta si Marcos ng 4:30 ng umaga sa koral upang maglinis, magpaligo at maggatas ng kalabaw. Pagsapit ng alas sais ay tapos na siyang maggatas. Ang iba niyang oras ay ginugugol naman niya sa kanyang taniman ng mais at palay, kung saan nanggagaling ang ipinakakain niya sa mga alagang kalabaw.

Balak ni Marcos na mapalaki ang negosyo niya sa kalabaw balang araw. Aniya: “Ipinagmamalaki kong nakita rin ng ibang magsasaka na talagang mainam na magkalabaw.”

Author

0 Response