Pagmamahal na walang kapantay

 

Lumipas man ang panahon, tunay na ‘di matatawaran ang pagmamahal ng isang ama sa kanyang pamilya.

Mula sa pagiging sundalo, Overseas Filipino Worker, opisyal ng barangay, magsasaka, hanggang sa maging maggagatas, ang tanging hangad ni Ferdinand Jacinto “Nanding” Baltazar, 59, ng San Nicolas, Ilocos Norte ay mabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya.

Bata pa lamang ay tinutulungan na niya ang kanyang ama sa pagsasaka ng bukirin na siyang pangunahing ikinabubuhay ng kanilang pamilya.

Nang makapagtapos sa sekondarya ay pumasok siya sa pagsusundalo noong 1970s. ‘Di lumaon ay naging sarhento at nagkaroon ng sariling pamilya.  Nang matapos ang Martial Law sa Pilipinas noong 1980s ay umalis siya sa pagkasundalo.

Hindi nagtagal ay nag-ibang bansa si Nanding upang masuportahan ang kanyang asawa at apat na anak. Siya’y naging manggagawa sa isang dairy farm sa Saudi Arabia.

Isa siya sa mga tagapangalaga ng taniman ng nasabing farm. Ilan sa mga tanim aniya dito ay sorghum, mais at napier. Bagama’t panay baka ang ginagatasan sa kanyang pinasukan, dito siya unang namulat sa negosyong salig sa gatasan.

Pagkaraan ng dalawang taon, umuwi si Nanding sa Pilipinas at nagdesisyon na mamalagi rito. Sumuong siya sa pulitika at nanilbihan bilang isa sa opisyales ng kanilang barangay sa loob ng 20 taon.

Hindi naging madali ang lahat lalo’t mas malaki ang kinikita niya sa ibang bansa.  Habang opisyal ng barangay, nagsimula siyang magsaka at ang kanyang asawa na si Evangeline ay nagtrabaho naman sa National Tobacco Administration.  

“Hindi baleng mahirap basta sama-sama ang pamilya,” ito ang paniniwala ni Nanding kung kaya’t siya’y nagsikap. Dahil sa sipag at tiyaga, napagtapos nilang mag-asawa ang kanilang mga anak sa kolehiyo. 

Taong 2005 nang makilala ni Nanding si Arnold Corpuz, isang artificial insemination technician na siyang nagtulak sa kanya na pasukin ang kabuhayang salig sa kalabawan.  

“Gusto ko noon na ipa-AI ‘yong native na kalabaw ko para magkaroon ako ng kalabaw na may magandang lahi.  Tinulungan ako ni Arnold na makipag-ugnayan sa Philippine Carabao Center sa Mariano Marcos State University (PCC@MMSU) sa pamumuno ni Center Director Grace Recta,” pagbabahagi ni Nanding.

Sa ilalim ng programang paiwi ng PCC, napahiraman si Nanding ng apat na purebred Italian Mediterranean buffaloes. Nakatanggap siya ng assistance mula sa center tulad ng mga gamit pananim sa pakain ng kalabaw, nabahagian ng kaalaman sa kalabaw, at nakadalo sa pagsasanay.

Sa katunayan ay kabilang si Nanding sa mga nagsipagtapos sa “Farmers Livestock School on Dairy Buffalo Production (FLS-DBP)” ng PCC noong 2017. Ang FLS-DBP ay isang pagsasanay na nagbibigay kaalaman sa iba’t ibang teknolohiya na maaaring pamilian at gamitin ng mga kalahok dito base sa pangangailangan.

“Malaking tulong sa akin ang FLS-DBP kasi nalaman ko ang tamang pamamaraan ng pag-aalaga ng kalabaw. Naging maganda ang kalusugan ng aking mga alaga dahil nalaman ko ‘yong iba’t ibang uri ng damong pakain, mga sakit ng kalabaw at paano maiiwasan ang mga ito,” ani Nanding.

Aabot sa siyam na kalabaw ang inaalagan ni Nanding ngayon. Sa apat na kalabaw ay nakakukuha siya ng 12-15 litro ng gatas na naibebenta niya ng Php50-85 kada litro.  Siya ang nag-aalaga ng mga kalabaw habang ang kanyang asawa naman ang namamahala sa pagbebenta ng gatas, processing at marketing ng produkto mula sa gatas. 

Mahigit isang taong nagproseso ang mag-asawa ng pasteurized milk at chocomilk. Ipinagbili nila ito ng Php80-85 kada litro. Gumawa rin sila ng pastillas na ipinapasa nila sa pamilihan sa halagang Php50 kada box na may 20 pirasong laman.  Sa ngayon, nagbebenta na lamang sila ng sariwang gatas.

Nang iwan niya ang pagka-opisyal ay naging primaryang trabaho na ni Nanding ang paggagatas ng kalabaw.

“Bukod sa ang kita rito ay sapat sa pang-araw-araw na gastusin sa bahay, napasasaya rin ako nito lalo’t may edad na ako,” ani Nanding. Nakapagpundar siya ng dalawang sasakyan, at motor sa pagiging maggagatas. 

Bukod sa gatas, paminsan-minsan ay ginagamit niya ang isa niyang kalabaw sa pagkakaryada kung pupunta sa bukid na sinasaka. Kung kaya’t nakatutulong din ang kanyang kalabaw sa pagkakaroon niya ng dagdag  kita. 

“Pag gusto mo na maging maggagatas, dapat masikap ka kasi kailangan mong alagaan nang mabuti ang iyong mga kalabaw para marami rin silang gatas na ibigay sayo,” payo ni Nanding sa mga gustong sumuong sa pagkakalabaw.

 

Author

0 Response