Pagtutulungan sa ART-ICDF project

 

DA-PCC sa USF — Inaasahang mapaiigting pa ang industriya ng pagkakalabaw sa probinsya ng Bohol sa hinaharap kaugnay ng implementasyon ng “Agricultural Rural Transformation thru Integrated Community Dairy Farming (ART-ICDF) Project”.

Nakatakda sa proyekto ang pagtutulungan ng Department of Agriculture-Philippine Carabao Center sa Ubay Stock Farm (DA-PCC at USF), National Dairy Authority (NDA), Pamahalaang Panlalawigan ng Bohol, at Bohol Dairy Cooperative (BODACO). 


Isinusulong dito na: (1) mapataas ang kita ng mga pamilya ng magsasaka na aabot sa Php30,000 kada taon; (2) mai-enroll ang 1,000 gatasang hayop kada taon; at (3) mapunan ng 100% pangangailangan sa National Feeding Program (RA 11037) sa probinsya ng Bohol.


“Inilunsad ang proyekto noong Disyembre ng nakaraang taon sa 5th Bohol Dairy Festival, nguni’t ang implementasyon ay 2020 at magtatapos ng 2022,” ani Dr. Stella Marie Lapiz, Bohol provincial veterinarian. Naglaan ng Php6 milyon ang PLGU ng Bohol para sa community milk feeding. Ito ay upang matulungan ang mga magsasakang maggagatas na maibenta ang kanilang aning gatas lalo’t hirap itong maipasa sa merkado sa ngayon. 


Nangangailangan ng ‘di bababa sa 1,250 litro ng gatas kada araw o 150,000 litro sa loob ng 120 days ang probinsya upang mapunan nito ang pangangailangan ng 25,000 batang benepisyaryo para sa  feeding program. ‘Di bababa sa 7,583 na gatasang hayop naman ang  kailangan. Ito ay batay sa proposal sa naturang proyekto.  


May tatlong bahagi ang proyekto. Sa Phase 1 ay social mobilization kung saan ang DA-PCC sa USF, Office of Provincial Veterinarian, at NDA ang tutukoy ng lugar na ipabibilang, bubuo ng dairy clusters, magsasagawa ng marketing at orientation ukol sa proyekto. Ang Phase 2 naman ay kinabibilangan ng mga pagsasanay, pagtitipon ng mga stakeholders, pagpapalaki ng kawan, at pagtatayo ng mga communal facilities. Sa Phase 3, magtatayo ng mga negosyo. Ang mga inisyatiba nito ay sa silage production, feedmill, vermicomposting facility, processing at marketing outlets, private partnership, at product development. 


Sa pagsisimula ng taon, sinimulan na ang Phase 1 at nakapag-enroll na ng 500 hayop mula sa mga piling munisipalidad. Habang sa San Miguel, higit sa 40 kalabaw ang nabuntis.  


Nitong Hunyo ay nagbigay ng isang traktora ang PLGU sa BODACO bilang tulong sa produksyon ng damong pakain. Ang DA-PCC sa USF ay nakapagbigay na sa nasabing kooperataba ng inisyal na dalawang sets ng kagamitan para sa water system  ng dairy farmer clusters sa Mabini, 10 sako ng dairy concentrates, at isang 20-kilo mineral block bilang parte ng mga aktibidad na nakahanay bilang ayuda mula sa pandemya. 


“Nakita man jud ang dakong potential sa dairy dinhi sa province maong ato gyud gipanghingusgan nga ma implement gud ni siya pinaagi sa atong pagtinabangay” (Nakita natin ang magandang potensyal ng paggagatas dito sa ating probinsya kaya palalakasin pa natin ito sa pamamagitan ng pagtutulungan ng isa’t-isa,’’ ibinahagi naman ni Lapiz. 

“BODACO ang nangongolekta ng mga aning gatas mula sa magsasaka at nangunguna sa negosyo sa paggatasan na mahalaga sa implementasyon ng ART-IDFC project dahil ang mga magsasaka ang dahilan kung bakit isinasagawa ang ganitong inisyatiba”.
 
Dr. Gundolino Bajenting
Officer-In-Charge ng DA-PCC sa USF

Author
Author

0 Response