Mga bagong produkto ng DA-PCC, ipinakilala sa virtual launching ceremony

 

DA-PCCNHGP — Karagdagang mapagkakakitaan mula sa naiprosesong gatas ng kalabaw ang hatid ng mga bagong produkto na nagawa ng Department of Agriculture-Philippine Carabao Center (DA-PCC) para sa mga magsasaka. Ipinakilala ang Milkybun, Milk Pops at Nyogurt sa mga netizen sa ginanap na virtual launching ceremony noong Ika-23 ng Hulyo sa DA-PCC National Headquarters sa Science City of Muñoz, Nueva Ecija.

Ang aktibidad ay pinangunahan nina DA-PCC Executive Director Dr. Arnel Del Barrio, Deputy Executive Director Dr. Caro Salces, Research and Development Division (RDD) Officer-in-Charge Dr. Eufrocina Atabay, at RDD-Carabao Entreprise Development Section (CEDS) Head Mina Abella.

Unang inilunsad ang Milkybun at Milk Pops sa Nueva Ecija noong Mayo. Ang Milkybun ay hango sa Nutri-bun na masustansiyang tinapay. Ito ay isinasama na sa mga community milk feeding programs ng DA-PCC.

Ang Milk Pops naman ay tila katulad ng pastillas na hugis bilog. Ito ay may mga flavors na melon, honeydew, strawberry, chocolate, mango, at blueberry.

“Nyogurt” ang pinakabago sa hanay.  Ang naturang pangalan ay hango sa pinaghalong mga salitang “niyog” at “yogurt”. Ito ay mainam sa pagtunaw ng kinain, at may sustansiya ng calcium at protina.  Mayroong itong flavors na plain, strawberry, kiwi, at blueberry.  Unang nakilala ang ganitong produkto sa University of the Philippines-Los Baños.

Dumalo rin sa virtual ceremony sina Department of Trade and Industry Nueva Ecija Provincial Director Brigida Pili, Provincial Agrarian Reform Officer Jocelyn Ramones, at Provincial Tourism Officer Atty. Jose Maria Ceasar San Pedro.

Ang naturang seremonya ay isinagawa bilang parte ng “72nd Program Management Committee Meeting” ng DA-PCC na dinaluhan ng mga ehekutibo ng nasabing ahensiya, center directors, at mga program coordinators nito.

Ang Milkybun ay isa sa mga bago at masustansiyang produkto na mula sa gatas ng kalabaw. Bawa’t piraso nito ay katumbas ng halos isang basong gatas at may 250 calories, 3.83 fat, 8.08g protein, at 47.60g carbohydrates.

 

Author

0 Response