Dagdag lakas-kalabaw sa CDO

 

DA-PCC sa CMU — Mahigit sa 50 piling magsasaka at kanilang mga pamilya sa Malasag, F.S. Ang Catanico, at Cugman, Cagayan de Oro (CDO) City ang magiging bahagi ng Department of Agriculture-Philippine Carabao Center (DA-PCC) Carabao Development Program (CDP). Ang naturang programa sa nasabing komunidad ay pinaglaanan ng Php2 milyon.

Ito ay sa pagtutulungan ng DA-PCC sa Central Mindanao University (CMU) at Oro Integrated Cooperative (OIC). 


Nagkaroon ng oriyentasyon ang mga napiling benepisiaryo noong Ika-2 ng Hulyo.  Tinalakay ang CDP at mga bahagi nito, partikular ang Carabao-based Enterprise Development (CBED).  Itinuro rin ang tamang pag-aalaga ng kalabaw. 


“Ang co-op ay handang magbigay suporta sa mga benepisyaryong magsasaka at siguraduhing sila`y magtatagumpay sa pagkakalabawan,”ani Killian Deveza, OIC business development officer. 
Tinalakay nina Jeson Candole, regional information officer ng DA-PCC sa CMU, at Joie Saquilayan, OIC membership and marketing development officer, ang mga paksang tungkol sa pagpapaiwi ng hayop at mga pamamaraan ng pagiging kasapi ng kooperatiba.  


Habang sina Lina Navarro, kawani ng tanggapan ng CDO 2nd District Representative Rufus Rodriguez, at Ilarda Tabalba, konsehal ng barangay ng F.S Catanico ang nagsilibing mga tagapangasiwa. 


“Mandato ng PCC ang panatilihin, palaganapin, at isulong ang kalabaw bilang mapagkukunan ng gatas, karne, at draft power. Patuloy nating itataguyod ang mandatong ito para sa kapakinabangan ng mga magsasaka sa kanayunan at ng mga pamayanan na ating pinaglilingkuran,” ani Dr. Lowell Paraguas, center director ng DA-PCC sa CMU.


Samantala, binigyan diin naman ni Dr. Elena Paraguas, CBED coordinator, ang kagandahan ng pagpapataas ng lahi ng native na kalabaw upang ito’y maging crossbred na mapagkukunan ng gatas at magbigay ng dagdag na kita sa magsasaka. 

Limampung babaing native na kalabaw at dalawang purebred na bulugan ang ipagkakatiwala sa mga benepisyaryo.  Ang mga ito ay magiging katulong ng mga magsasaka sa pagtatanim sa kanilang lupain at sa transportasyon ng kanilang ani.

Ang proyektong ito ay sinang-ayunan nina Congressman Rodriguez at DA-PCC Executive Director Dr. Arnel Del Barrio sa panahon ng pagdinig ng badyet sa House of the Representatives noong Setyembre 19. 

Author

0 Response