Ang magiting na police-farmer ng Pampanga

 

Maliban sa pagiging isang magiting na pulis, si PCOL Fernando L. Cunanan Jr., 49 ng San Fernando, Pampanga ay isa ring carapreneur.

"Police farmer"—ganito kung tawagin ni PCOL Cunanan ang kanyang sarili at ng mga nakakakilala sa kanya dahil lumaki siya sa pamilya ng mga magsasaka na may pagmamahal rin sa agrikultura katulad ng pag-aalaga ng kalabaw.

Nagsimula ang interes ni PCOL Cunanan sa pag-aalaga ng kalabaw noong siya ay bata pa. Malinaw pa sa kanyang alaala ang pagkakalabawan nila noon. Kwento niya, mayroon silang apat na alagang kalabaw at mahilig siyang sumakay sa likod nito. Paborito rin niyang lagyan ng gatas ng kalabaw at asin ang mainit na kanin sa kanyang almusal. Subali’t natigil ang pag-aalaga ni PCOL Cunanan ng kalabaw nang siya ay tumungtong sa high school dahil kinailangan niyang magaral sa ibang lugar.

Nang maging ganap na pulis, nakabili siya ng isang kalabaw mula sa kapwa niya magsasaka at napagdesisyunan niyang bilhin ito at muling ipagpatuloy ang naudlot na pangarap. Mula sa isang kalabaw na nabili niya noong 2020, naging 21 na at sa kasalukuyan ay may 35 kalabaw na siyang inaalagaan. Ayon sa kanya, nakatuon pa lamang siya sa pagpaparami ng kalabaw at plano na rin niyang magsimula sa paggagatas ngayong taon. Sa ngayon, hindi pa sila nagpoproduce nito para sa merkado at pansarili pa lamang na konsumo.

Bukod sa mga alagang kalabaw, mayroon din siyang babuyan, mga kambing, baka, at tupa. Naengganyo siyang pasukin ang pag-aalaga ng kalabaw at iba pang hayop dahil sa kanyang mga kaibigan na nagsisimula rin sa ganitong interes sa pagaalaga ng large ruminants. Ang kanyang mga farm ay matatagpuan sa iba’t ibang lugar sa Region III.

Hamon din kung kanyang ituring ang paghahanap ng mapagkakatiwalaang caretaker para sa kanyang dairy farm dahil may mga pagkakataong napapabayaan at namamatay ang kanyang mga kalabaw dahil sa kakulangan ng tamang pag-aalaga. Dahil dito, napipilitan siyang humanap ng bagong kapalit. Ang kanyang pamangkin na si JC ang naging kasama niya sa pamamahala ng dairy farm.

Nagtapos si PCOL Cunanan ng kursong Criminology sa Angeles University Foundation. Bilang miyembro ng Philippine National Police (PNP) at Chief Liaison Officer for Legislative Affairs sa House of Representatives, ilan sa kanyang mga tungkulin ang pakikipag-ugnayan sa mga mambabatas, paghahanda ng mga briefing para sa mga kaugnay na batas, at pagcoordinate ng mga tugon ng PNP sa mga legislative inquiries. Kaakibat din ng kanyang tungkulin ang pagtiyak sa kaligtasan at seguridad ng mga mamamayan at publiko.

kontribusyon sa pagsagip ng buhay-ilang. Pinamunuan din niya ang pagtatatag ng kaunaunahang cyber patrol team ng PNP Maritime, na nakatuon sa pagtuklas at pangangalap ng impormasyon tungkol sa mga krimeng may kaugnayan sa buhay-ilang upang mapigilan ang ganitong ilegal na gawain.

Si PCOL Cunanan ay isa sa limang pinarangalan ng Wildlife Sentinel Award Philippines, na itinatag ng Traffic, isang nongovernmental organization na nagbibigay parangal sa mga tagapagpatupad ng batas na lumalaban sa mga buhay-ilang krimen sa bansa. Nagpahayag naman ng pasasalamat si PCOL Cunanan sa ahensya dahil sa suporta nito para sa mga tulad niyang nagsisimula sa larangan ng pag-aalaga ng kalabaw.

“I am really thankful sa PCC at CLSU kasi sa tuwing kailangan namin kayo nandito kayo and gina-guide niyo kaming mga farmers kung saan kami papunta at ang laking tulong nito sa amin,” sambit niya.

Patunay ito na ang malasakit ni PCOL Cunanan sa kanyang tungkulin bilang pulis at ang dedikasyon niya sa pag-aalaga ng kalabaw at agrikultura ay dalawang mahirap na gawain, nguni’t sa pagsasama ng sipag at tiyaga ay tiyak na magbubunga ito ng tagumpay.

Author

0 Response