Naudlot na biyaya dahil sa sakit ng kalabaw

 

Puno ng pangarap si Dany M. Rafael, 61, ng barangay Catalanacan, Science City of Muñoz, Nueva Ecija, nang malaman niyang buntis ang kanyang kalabaw. Agad niyang naisip ang tuluy-tuloy na kita mula sa gatas na ibibigay nito araw-araw matapos manganak. Kung lalaki ang bulo, may kita rin ‘pag ibinenta. Kung babae naman, dagdag ito sa pagpapalago ng kanyang palahiang kalabaw.

Nguni’t sa isang iglap, biglang naglaho ang mga pangarap na binuo ni Dany sa kanyang isipan. Sa kasamaang palad, pagkaraan ng pitong buwan, nakunan ang kanyang buntis na kalabaw. 


Ang sanhi? Surra—isang sakit na mabilis kumalat sa mga kalabaw na karaniwang nagdudulot ng aborsyon o ‘di kaya’y biglaang pagkamatay kung hindi maaagapan.


“Sayang naman po. Babae pa naman ‘yong naging anak. Importante sa’ming mga magkakalabaw na babae ‘yong maging anak noong alaga namin para sana dumami. Sayang ‘yong pagod sa pag-aalaga. Imbis na kikita ka na, nawala pa,” kwento ni Dany na bakas ang panghihinayang habang inaalala ang malungkot na kaganapang iyon sa kanyang kalabawan.


Ayon kay Dr. Gabriel Alexis Tubalinal, isang beterinaryo at head ng Biosafety and Environment Section ng DA-PCC, nasa 9.86% o 545 ang bilang ng kalabaw na nagpositibo sa sakit na surra mula sa 5,528 blood samples ng kalabaw na sinuri nila sa Biosafety and Animal Health Laboratory noong 2024. 


Aniya, ang surra o Trypanosomiasis ay isang uri ng sakit na tumatama sa iba’t ibang klase ng hayop kabilang na ang kalabaw na sanhi ng Trypanosoma evansi. Ang parasitikong ito ay nakaaapekto sa dugo ng kalabaw at naipapasa sa pamamagitan ng kagat ng mga insekto na kumakain ng dugo, tulad ng malalaking langaw o stable flies, na laganap tuwing tag-ulan.


Nagdudulot ang Trypanosoma ng pinsala sa mga pulang selula ng dugo, na nagiging sanhi ng anemia at iba pang sintomas tulad ng lagnat, panghihina, at mabilis na pagbaba ng timbang o pamamayat na karaniwang nakaaapekto sa sistema ng reproduksyon ng kalabaw at aborsyon sa huling tatlong buwan ng pagbubuntis. 


Ibinahagi rin ni Dr. Tubalinal ang mga pamamaraan na dapat gawin para mapuksa ang sakit na surra. Mahalaga, aniya, ang regular na blood collection (semi-annual at panahon ng tag-ulan) para maipasuri at malaman kung may kaso ng surra ang alagang kalabaw at mabigyan ng agarang lunas. Maigi ring kumonsulta sa lisensyadong beterinaryo para maibigay ang tamang dami ng gamot. 


Lubos naman ang pasasalamat ni Dany kay Milton Joseph Tamayo Jr., isang teknisyan ng DA-PCC na nakatalaga sa kanilang lugar, dahil sa agarang aksyon nito sa pagbibigay ng gamot kaya’t naagapan ang alaga niyang kalabaw na nagpositibo sa surra. Ngayon ay buntis muli ang kalabaw na ito ni Dany at ayon sa kasalukuyang resulta ng blood sample, negatibo na ito sa sakit na surra. 


Mas maingat at mas maalam na ngayon si Dany sa mga pamamaraan na dapat niyang gawin para maiwasan ang sakit na surra. Sinusunod niya ang mga payo ng DA-PCC partikular na sa pagtutok sa nutrisyon at pagpapalakas ng resistensya ng kanyang mga alaga. 


Pinagbuting pamamaraan sa pag-aalaga rin ang isinasagawa ngayon ng kanyang anak na si Danilo, 34, na may sarili ring kalabawan, matapos na magpositibo rin sa surra ang isa niyang kalabaw noong 2024. Naagapan naman ito dahil sa regular na pagmomonitor ng mga teknisyan ng DA-PCC kaya’t nabigyan ito ng angkop na gamot. Ngayon ay nanganak na ito ng babaeng bulo at matagumpay na nagagatasan.


Isa pang sakit na maaaring makaapekto rin sa reproduksyon ng kalabaw ay ang fasciolosis dulot ng mga parasitikong liver flukes na tinatawag na Fasciola hepatica at Fasciola gigantica. Ang mga parasitikong ito ay pangunahing umaatake sa atay ng hayop, na nagdudulot ng pamamaga, pinsala, at iba pang problema sa kalusugan.


“Dahil mababa ang production performance, hindi rin mabubuntis kapag hindi maganda ang katawan. Apektado ang kabuhayan ng magkakalabaw kasi kapag walang gatas, wala ring kita,” paliwanag ni Dr. Tubalinal.


Isang kalabaw ni Dany ang natamaaan din ng sakit na fasciolosis na hindi kaagad naagapan kaya’t tuluyang namatay. Kwento niya, ang kalabaw na ito ay hindi galing sa kanyang kawan kundi mula sa mga kalabaw na isinoli ng ibang magsasaka dahil hindi na kaya pang alagaan.


Inirerekomenda ni Dr. Tubalinal, para maiwasan ang mga ganitong pangyayari, ipasuri kaagad ang dumi ng kalabaw kapag nasa edad tatlong buwan o kaya’y dalawang linggong gulang na ito para makita nang mas maaga kung may iba pang parasitiko. Mahalaga rin, aniya, ang regular na pagpupurga sa mga alaga.


Kung ang damo naman na ipinapakain sa mga alaga ay nanggagaling sa ibang taniman, nararapat na tuwing ika-apat na buwan ipasuri ang dumi ng kalabaw lalo na kung ito ay ipinapastol. Kung pure confinement naman at ang nag-aalaga mismo ang nagtatanim ng damong pakain ay kahit tuwing ika-anim na buwan.


Ilan lamang ang surra at fasciolosis sa mga karaniwang sakit na tumatama sa mga kalabaw. Mahalagang maiwasan ito para ang labis na tuwa sa kabi-kabilang benepisyong hatid sana ng pagkakalabaw ay hindi mapalitan ng labis na panghihinayang sa naudlot na biyaya dahil sa mga sakit na ito. 
 

Author

0 Response