BODACO tumanggap ng P600k halagang SSF grant

 

Nakatanggap ng tatlong yunit ng soft ice cream machines ang Bohol Dairy Cooperative (BODACO) mula sa proyektong Shared Service Facility (SSF) ng Department of Trade and Industry (DTI) noong Marso 22 sa Philippine Carabao Center sa Ubay Stock Farm (PCC sa USF), Lomangog, Ubay, Bohol.

Humiling ang BODACO na makakuha ng nasabing kagamitan, na nagkakahalaga ng Php600,000 para mapataas ang produksyon ng paggawa ng ice cream nito, na itinuturing na pinakamabentang produkto ng kooperatiba.

Ang koop ay mayroon ng dalawang soft ice cream machines noon na ipinagkaloob ng Korea International Cooperation Agency (KOICA). Ang mga ito ay nakapuwesto sa palengke ng Ubay at Alicia.

Ayon kay Shirley Molina, general manager ng BODACO, may idadagdag na isang machine sa tindahan nila sa Alicia habang papalitan naman ang nasirang yunit sa tindahan nila sa Ubay. Gayunpaman, hindi pa napagkakasunduan kung saan ilalagay ang natira pang makina.

“Ang hamon ngayon ay pataasin ang produksyon,” ani Dr. Glen Doloricos, representante mula sa Provincial Government ng Bohol. Binigyang-diin niya na sa bawa’t matatanggap na kaloob ay kailangan mayroong pag-unlad sa koop lalung-lalo na sa mga miyembro nito.

Idinagdag naman ni Dr. Gundolino Bajenting, officer-in-charge (OIC) ng PCC sa USF, na ang tanging paraan para mapabilis ang pagtaas ng produksyon ng gatas ay paramihin ang bilang ng mga magsasakang maggagatas. Sinabi rin niya na laging nakasuporta ang PCC sa mga adhikain ng kooperatiba.

“Ang pag-apruba sa proposal ng kooperatiba ay hindi naging madali pero hindi rin naman ganoon kahirap,” ani Marisol Balistoy, OIC-provincial director ng DTI-Bohol.

“Kailangan nitong dumaan sa masusing pagsusuri at pagpapatunay para matiyak na hindi makokompromiso ang mga patnubay sa ilalim ng SSF project,” dagdag niya.

Ang SSF project ay isang pangunahing bahagi ng Micro, Small & Medium Enterprise Development (MSMED) program ng DTI na naglalayong punan ang mga puwang sa produksyon ng negosyo para mapataas ang kita.

Ipinaliwanag ni Balistoy na kaya naging kwalipikado ang BODACO na makatanggap ng kagamitan ay dahil sa naipakita nito ang kumpletong value chain sa kabuhayang salig sa kalabaw. Mayroon itong produksyon ng gatas, pagpoproseso, at marketing operations sa mga natukoy na puwang.

Bagama’t naipagkaloob na ang mga makina sa grupo, nasa pag-aari pa rin ito ng DTI hanggang tatlong taon, gaya ng nakasaad sa memorandum of agreement (MOA). Pagkatapos ay maaari nang mailipat sa pag-aari ng koop ang mga kagamitan sa sandaling mapatunayan na ang proyekto ay talagang napataas ang kita at napaunlad ang trabaho ng grupo.

Labis ang pasasalamat ni Lita Aranas, isa sa mga Board of Directors ng kooperatiba na kumatawan sa chairman noong launching activity, sa Diyos na ginawang instrumento ang DTI para mapagkalooban sila ng kanilang inaasam-asam na karagdaragang kagamitan. Sinabi rin niya na buong-pusong tinatanggap ng kooperatiba ang biyaya at responsibilidad sa SSF project at nangangakong maayos nila itong pangangasiwaan at gagawing kapaki-pakinabang sa tulong ng Diyos.

Nagpaabot din ng kani-kanilang suporta sa pamamagitan ng pagdalo at pagbibigay ng mensahe sina: Benedicto Boyles, kumakatawan sa Mayor ng Ubay, Bohol at Ubay Vice-Mayor Nelso Uy.

 

Author
Author

0 Response