'Abogado na ang anak ko!'

 

Walang mapagsidlan ang tuwa ni Rolly Mateo Sr. ng Asingan, Pangasinan, nang matanggap niya ang balitang natupad na ang pangarap ng kanyang anak na maging isang ganap na abogado. Puno ng pasasalamat ang kanyang puso sa gawaing nasumpungan niya na nagsilbing daan upang maisakatuparan ang kanilang mga mithiin—na noo’y inakala nilang mananatiling pangarap na lang.

Mula sa mahigit 10,400 examinees ay isa sa 3,962 na mapalad na nakapasa sa 2024 Philippine Bar Examination ang kanyang anak na si Yvette.

Kwento ni Rolly, dali-dali siyang umuwi ng kanilang bahay upang personal na makita ang resulta at mabati ang kanyang anak.

“Bata pa lang po si Yvette ay natural na sa kanya ang manindigan sa tama. Palagi niyang ipinagtatanggol ang mga kapatid niya o ‘di kaya’y mga kaklase sa tuwing may mangungutya sa kanila. Noon pa lang ay napansin ko nang katangian na talaga niya ang maging tagapagtanggol ng mga nangangailangan,” wika ni Rolly

Si Atty. Yvette, 25 taong gulang, ay pang-apat sa anim na anak nina Rolly at Gracia. Siya ay nakapagtapos ng Juris Doctor noong 2023 sa University of the Cordilleras.

Sinariwa naman ni Atty. Yvette ang halu-halong emosyon na naramdaman niya noong ilabas ang resulta ng Bar Exam. Habang naghihintay sa resulta, mabilis, aniya, ang tibok ng kanyang puso na ang bawa’t pintig nito ay parang alon ng kaba na dumadampi sa kanyang dibdib. Matapos ang ilang buwan ng walang tigil na pagaaral, mga gabing walang tulog, mga gabundok na legal na termino, nakamit na niya ang pinakaaasamasam na titulong “Abogado.”

“Abogado na po ako!” sigaw ni Atty. Yvette habang tumatalon at umiiyak sa tuwa. Ang kanyang inang si Gracia, niyakap ang anak at hindi na rin napigilang pumatak ang luha sa sobrang galak. Ganito, aniya, ang naging tagpo noong araw na nalaman niyang isa siya sa mapalad na nakapasa.

Sa mga sandaling iyon, tanging isang bagay lang ang nasa isip ni Atty. Yvette na sa wakas ay mayroon na siyang pagkakataon na masuklian ang lahat ng sakripisyo at paghihirap ng kanyang mga magulang. Sa kabila ng lahat ng kanilang mga pinagdaanan, ngayon ay may kakayahan na siyang magbigay pabalik at tumulong sa kanilang mga pangangailangan. Inaalay niya ang kanyang unang sweldo para sa kanila, bilang pasasalamat sa walang sawang suporta at pagaaruga. Nais niya rin, aniyang, maranasan ang pakiramdam na siya naman ang magbibigay, dahil mula pagkabata, siya ang palaging binibigyan.

“To be part of the legal profession po is a privilege. Every time I imagine myself na may matutulungan ako in the future kapag abogado na po ako, parang nawawala po ‘yong thought na ‘nahihirapan na ako’ noong time na nag-aaral po ako. The title 'Attorney' comes with great responsibility. Kaya I pray that the Lord will continue to give me courage and wisdom po para maging effective na abogado,” pagbabahagi ni Atty. Yvette.

Naging prinsipyo na ng pamilya Mateo ang pagtulong sa kapwa lalo na sa mga kapos-palad sa kanilang komunidad dahil sa mahabang panahon, anila, ay naranasan nila ang sobrang kahirapan. Kaya naman para sa kanila, hindi dapat mag-alinlangan ang sinuman na magsimulang tumulong kahit sa maliliit na paraan dahil kapag nasundan ito ng marami pang tulong mula sa iba ay malaki ang magiging katumbas at epekto nito kapag pinagsama-sama.

“Ngayon pong pasado na ako sa Bar Exam, because of God’s grace, I am reminded po of why I studied Law in the first place. Gusto ko pong magsilbi para sa mga underprivileged because I know how it feels like to barely survive a day. And it is our family's dream to help those struggling po. All for God’s glory,” pagpapatuloy ni Atty. Yvette.

Buong-puso namang ipinagpapasalamat ni Rolly ang naging tagumpay na ito sa mga gatasang kalabaw na ipinagkatiwala sa kanya ng DA-Philippine Carabao Center (DA-PCC).

“Iyong makapagtapos sila ng pag-aaral ay labis na kaligayahan nang maituturing, bonus na lang din po na nakakapasa sila sa mga ganitong exam. Ito po talaga ang ipinagmamalaki kong tagumpay sa pagkakalabaw. Noong na-feature ako sa magazine ng DA-PCC dati, sinabi ko doon na galing sa pagkakalabaw ang ipinampaaral ko sa kanila. Proud carapreneur po ako!,” masayang sambit ni Rolly.

Sumang-ayon naman si Atty. Yvette na dahil sa pagkakalabaw kaya nasuportahan ang pag-aaral nilang magkakapatid. Ayon sa kanya, nang siya ay nasa law school, alam niyang magiging magastos ang kanyang pag-aaral, nguni’t hindi niya naramdaman ang hirap na tustusan ito dahil sa pagiging carapreneur ng kanyang ama. Nagkaroon, aniya, sila ng seguridad sa pinansyal dahil sa benepisyong hatid ng pagkakalabawan, na siya nilang pangunahing pinagkakakitaan.

“Blessing po sa’min 'yong negosyong kalabawan. I believe po that God acted through PCC to help us achieve this dream. Para sa kabataan na kagaya ko na nangangarap at ang mga magulang ay nasa ganitong negosyo, there is hope po pala na ma-a-achieve namin ‘yong dream namin,” ani Atty. Yvette.

Isa si Rolly sa napahiraman ng isang buntis na gatasang kalabaw ng DA-PCC sa Don Mariano Marcos Memorial State University noong 2007, na itinuturing niyang hudyat sa pagbabago ng kanilang buhay.

Hindi nagtagal, nabigyan ulit siya ng isa pang kalabaw dahil sa sigasig niya sa pag-aalaga.

Mula sa dalawa, naparami na niya ito sa tulong ng kanyang pamilya, teknolohiya, at wastong pag-aalaga at pamamaraan sa pagpapalahi. Ngayon ay mayroon na silang mahigit 70 kalabaw na inaalagaan na kung saan 20 rito ay buntis. Si Rolly rin ang kasalukuyang chairperson ng Bantog Samahang Nayon Multipurpose Cooperative, isa sa mga progresibong kooperatiba na inaasistehan ng DAPCC, habang si Gracia naman ang head processor ng koop.

“Salat po talaga kami sa pera noon, isa o dalawang beses lang kaming kumain. Nakikipasada lang ako at nakikisaka noon tapos PHP200 lang ang kinikita sa isang araw. Paano namin ‘yon mapagkakasya sa anim na anak? Napakaimposible na mapag-aral namin silang lahat. Hanggang sa dumating ang programa ng DA-PCC na nagbigay sa’min ng pag-asa at nag-ahon sa’min sa kahirapan,” pagbabalik tanaw nina Rolly at Gracia.

Dagdag pa niya, ang dating imposible ay naging posible dahil sa biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng negosyong salig sa kalabaw. Ngayon, dalawang anak na lang ang natitirang pinag-aaral nila na parehong kumukuha ng kursong veterinary medicine.

"Biyaya mula sa Diyos" kung ituring ni Rolly ang nasumpungang kabuhayan sa pag-aalaga ng kalabaw at mga kaakibat na tagumpay na dala nito. Kaya naman ang payo niya para kay Yvette ay magsilbing biyaya rin sa iba sa pamamagitan ng pagtulong na maibigay ang nararapat na hustisya sa mga nangangailangan.

Author

0 Response