Dairy Box, itatayo sa Bataan

 

DA-PCC sa CLSU—Sa layuning mapataas ang kita ng mga negosyanteng magkakalabaw at makapagbigay ng mga masustansyang produktong gawa sa gatas ng kalabaw, pinangunahan ng lokal na pamahalaan ng Dinalupihan, Bataan katuwang ang DA-PCC sa Central Luzon State University (DA-PCC sa CLSU) ang groundbreaking ceremonies para sa Php1.3M-dairy processing plant at outlet noong Pebrero 26.

Ang nasabing inisyatiba ay bilang bahagi ng Carabao-based Business Improvement Network (CBIN) o ALAB-Karbawan project ng DA-PCC, na pinondohan ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform sa pangunguna ni Senator Cynthia Villar.

Ang pasilidad na itatayo sa barangay San Ramon, Dinalupihan, Bataan, ay direktang maghahatid ng pakinabang sa Makabagong Agrikultura ng Dinalupihan Marketing Cooperative (MADMC), isa sa mga conduit cooperatives para sa proyektong CBIN. Magiging lugar ito para makapagproseso at makapagbenta ang mga miyembro ng kanilang mga produktong gatas hindi lamang sa Dinalupihan bagkus ay sa mga kalapit pang bayan.

Inaasahan ding mabebenepisyuhan ang iba pang mga sambahayan sa lugar dahil sa hatid nitong mga produktong mainam sa kalusugan at kabuhayan para sa mga residente ng Dinalupihan.

Sa isang pre-recorded video message, sinabi ni Sen. Villar ang kahalagahan ng pagkakaroon ng iba pang mapagkakakitaan ng mga magsasaka at iminungkahi ang gawain sa paggagatas bilang adisyunal at regular na mapagkakakitaan.

“Hangad ko na mapahusay pa natin ang ating kaalaman at teknolohiya para sa paglago ng lokal na industriya ng paggagatasan. Ang pasilidad na ito ay simula lamang sa marami pang processing centers na unti-unti nating itatayo kasama ang gobyerno at ang DA-PCC,” ani Sen. Villar.

Hinikayat ni DA-PCC Officer-in-Charge Executive Director Dr. Ronnie Domingo ang mga kalahok na ituring pa rin ang mga sarili na “mapalad” sa kabila ng pinagdadaanang krisis pangkalusugan dahil hindi natitinag ang pamahalaan sa pagbibigay ng suporta partikular na sa sektor ng agrikultura.

Ipinakilala ni DA-PCC at CLSU Center Director Dr. Peregrino Duran ang grupo nila na bumubuo sa proyektong CBIN at nagbigay ng pangkalahatang ideya ukol sa proyekto.

Ibinahagi rin niya na sa pamamagitan ng CBIN ay nakapagkatiwala na sila sa MADMC ng 40 gatasang kalabaw at nagkaloob ng mga kagamitan para sa pagpoproseso at produksyon gaya ng ice cream maker, chest freezers, upright chiller, stainless milk cans at milk pails, milking machine, forage choppers, hand tractor, motorcycles, at iba pa.  Nagsagawa rin sila ng ilang mga pagsasanay para sa mga benepisyaryo.

Para naman kay Dinalupihan Mayor Maria Angela Garcia, itinuturing niya na hudyat ang groundbreaking para sa malapit nang pagkamit sa pangarap ng bayan na maging isang modelong agropolis.

“Naging posible ang tagumpay ng aktibidad na ito dahil sa sama-samang pagsisikap ng MADMC, senado, lokal at panlalawigang pamahalaan, DA-PCC, at iba pang mga ahensiya ng gobyerno. Tunay nga na mas matamis ang tagumpay kapag pinaghirapan,” ani Mayor Garcia.

Dumalo rin sa aktibidad sina Department of Agrarian Reform-Bataan Provincial Agrarian Reform Program Officer II Engr. Emmanuel Aguinaldo, Provincial Veterinarian Dr. Alberto Venturina, MADMC Chairperson Priscilla Domingo at mga miyembro nito.

Author

0 Response