Gatas ng kalabaw nasa 24/7 vendo machine na

 

DA-PCC-NHQGP—Maaari nang makabili ng iba’t ibang mga produktong gawa sa gatas ng kalabaw ang mga kostumer ng Milka Krem anumang oras matapos mailunsad ng DA-Philippine Carabao Center (DA-PCC) ang oneSTore.ph 24/7 vending machine noong Oktubre 27.

Ang automated machine na ito ay magsisilbing instrumento para sa pagsusulong ng mga produktong gawa sa gatas ng kalabaw upang patuloy na mapaunlad ang lokal na industriya ng pagkakalabawan at paggagatasan. 

Naging posible ang pagtatayo ng vendo machine dahil sa pakikipagtulungan ng mga kaagapay na ahensya ng DA-PCC kagaya ng Department of Science and Technology-Philippine Council for Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development sa pamamagitan ng oneSTore.ph project nito at ng Central Luzon State University-Central Luzon Agriculture and Resources Research and Development Consortium.

Ipinakita ni Marivic Orge, ang manager ng planta sa Central Dairy Collecting and Processing Facility ng DA-PCC Milka Krem, ang madaling paggamit ng vendo machine at kung paanong makatutulong ito para mas madaling makabili ang mga parukyano ng masustansyang gatas ng kalabaw.

“Ito na po ang solusyon para sa mga gustong tangkilikin ang mga produkto natin pero napag-aabutan ng pagsasara ng Milka Krem store. Kahit anong oras ngayon ay pwede na silang makabili ng paborito nilang dairy products,” ani Orge.

Pinapalitan, aniya, ng mga bagong stocks ang mga produkto na nasa vendo machine tuwing ikatlong araw para maiwasan ang pagkapanis ng mga ito kaya’t makasisiguro ang mga mamimili na laging “fresh and natural” ang kanilang mga bibilhing produkto sa Milka Krem.

Mabibili na ang mga produktong pasteurized milk, chocomilk, rice milk, yogurt, pastillas, polvoron, at Milkaroons sa vendo machine.

Ang pagpapasinaya sa nasabing vendo ay dinaluhan nina DA-PCC Deputy Executive Director for Administration and Finance Dr. Caro Salces, Carabao-Based Enterprise Development Section officer-in-charge Joel Cabading, at dating DA-PCC Executive Director Dr. Libertado Cruz.

Isinapubliko ang launching ceremony sa pamamagitan ng livestreaming sa Facebook page ng DA-PCC kasabay ng  pagdiriwang ng ika-pitong National Carabao Conference.

Author

0 Response