Isang huwarang kawani ng gobyerno

 

“Public office is a public trust.”

Ito ang isa sa mga konseptong higit na pinahahalahagan na mapreserba ng pambansang konstitusyon na mailuklok sa puso ng bawa’t kawaning naglilingkod sa bayan–mga kawaning matapat na tumutupad sa kanilang tungkulin hindi bilang hamon bagkus ay bilang isang mandato.

Sa DA-PCC, maraming kawani ang tumutupad sa mandatong ito. Mga kawaning matapat at positibong nagkakaloob ng serbisyo sa bayan lalo na sa mga magsasaka sa kanayunan. Isa na nga rito si Ginoong Mario Delizo o mas kilala sa tawag na “Tata Mar”, isang dating empleyado ng Department of Environment and Natural Resources na lumipat sa PCC sa Central Luzon State University bilang training officer.

Noong 2000, si Tata Mar ay itinalagang Project Development Officer II ng PCC National Headquarters sa Science City of Muñoz, Nueva Ecija. Ayon sa mga nakakikilala sa kanya, siya ay isang simpleng tao na may takot sa Diyos at mayroong mababang kalooban.

Bilang kawani ng PCC, naatasan si Tata Mar na mapabilang sa National Impact Zone (NIZ) Team. Ang NIZ Team ay isang grupo ng kawani ng PCC na ang pangunahing layunin ay i-debelop ang lalawigan ng Nueva Ecija bilang isang modelo ng Dairy Buffalo Development Program gamit ang mga gatasang kalabaw para mapagkuhanan ng sapat na gatas at karne na makapagdadagdag ng kita para maiangat ang kabuhayan ng mga mamamayan sa kanayunan.

Sa kanyang paglilingkod, ibinigay ni Tata Mar ang kanyang buong kakayahan para makatulong na maiangat at patuloy na maisulong ang pag-unlad ng industriya ng gatasang kalabaw sa probinsiya ng Nueva Ecija. Naging ehemplo siya ng isang kawani na handang maglingkod nang mahusay at may malasakit para sa mga magsasaka.

Ayon sa kanya, ang kanyang paglilingkod sa mga magsasaka ay itinuturing din niyang isang paraan ng paglilingkod sa Diyos dahil sa Kanyang kabutihan sa buhay niya at buong sambahayan.

Sa kanyang pagiging kawani, matiyagang nagkaloob si Tata Mar ng serbisyong teknikal sa 423 kasaping magsasaka ng 12 kooperatiba sa bayan ng San Jose City, Lupao, General Natividad, Palayan City, General Tinio, Science City of Muñoz at Rizal. Ang mga ito ay may 628 kabuuang bilang ng alagang kalabaw.

Bilang isang extension worker, ginabayan niya ang mga magsasaka na magkaroon ng sapat na kaalaman sa wastong pag-aalaga ng mga gatasang kalabaw hanggang sa umunlad ang kanilang kabuhayan. Ginabayan din niya ang mga kooperatiba para maging maayos ang pagpapatakbo ng kanilang mga negosyong salig sa kalabaw. Ginawa niya ito nang may katiyagaan at malasakit simula taong 2000 hanggang sa siya ay magretiro noong December 31, 2019.

Sa pagsasagawa ng kanyang tungkulin, maraming pagsubok ang kanyang naranasan, kasama na ang tatlong beses na aksidente sa daan. Pero ayon sa kanya, sa kabila nito, hindi rin mapapasubalian ang kanyang kagalakan na maraming magsasaka ang umunlad ang buhay bunga ng kanyang malasakit at pagpupunyaging makatulong.

Kahit na retirado na ay hindi pa rin nahihinto ang kanyang serbisyo sa mga magsasaka. Patuloy pa rin siyang nagkakaloob ng tulong-teknikal sa mga alagang kalabaw ng mga ito.

Si Tata Mar ay maituturing na isa sa mga bayani ng bayan sa makabagong panahon na nagkaloob ng hindi matatawarang serbisyo sa loob ng halos dalawang dekada niyang paglilingkod.

 

Author

0 Response