Mga kabataang carapreneurs pamamahalaan ang bagong bukas na ASKI-AusAid Agri Center

 

Mga piling kabataan mula sa Alalay sa Kaunlaran Incorporated (ASKI) Skills and Knowledge Institute (SKI) ang mamamahala sa ASKI-AusAid Agri Center na binuksan noong ika-22 ng Enero sa Talavera, Nueva Ecija.

Inilaan ang nasabing istruktura para sa pagproproseso, at pagbebenta ng mga produktong may gatas. Naitayo ito sa pamamagitan ng pondo mula sa Australian Government.

Pinahiraman ng DA-PCC ng mga gatasang kalabaw ang ASKI-SKI para sa nasabing inisyatiba. Ang ahensiya ay magsisilbi ring isa sa panggagalingan ng gatas na gagamitin sa mga produkto sa agri center.

“Naisipan namin na isagawa itong proyekto upang matulungan namin ang mga estudyante na nangangailangan ng pera para makapag-aral. Nais din naming ibalik ang interes ng mga kabataan sa agrikultura, “ ani Roland Victoria, ASKI Group president at chief executive officer.

Layon, aniya, na mapalawak ang sakop ng proyekto sa pamamagitan ng paghihimok sa mga kabataan mula sa ibang mga paaaralan na sumali.

Upang mapangasiwaan ang center, ang “Samahan ng mga Kabataan Para sa Kaunlaran (SKPK)” na kinabibilangan ng mga estudyante sa high school ng ASKI Institute ay itinatag noong nakaraang taon.

Ayon kay Ley Ann Pale, presidente ng SKPK, bukod sa tulong pinansiyal, makatutulong ang center upang engganyuhin ang katulad niyang kabataan na sumuong sa negosyong salig sa agrikultura sa pamamagitan ng paggawa at pagbebenta ng mga produktong may gatas.

Inihayag naman ni Dr. Arnel Del Barrio, PCC executive director, ang kanyang pagsuporta sa nasabing proyekto.

“Ang PCC ay handang magbigay ng tulong teknikal at pagsasanay sa pagproseso ng mga produkto ng center. Kami rin ay nangangako na magbibigay ng adisyunal na gatasang kalabaw sa ASKI-SKI para maparami ang produksyon ng gatas,” ani Dr. Del Barrio.

Dagdag niya, ang proyekto ay makapag-aambag sa pagsusulong ng Republic Act 11307 o “‘Masustansiyang Pagkain Para sa Batang Pilipino Act”. Lalo’t maaaring maging isa ang ASKI-SKI sa panggagalingan ng gatas para sa mga batang nasa edad 5-12 taong gulang bilang parte ng RA 11307 na layong labanan ang malnutrisyon ng mga batang Pilipino.

Nagsidalo rin sa pagbubukas ng center sina Talavera Mayor Nerivi Santos Martinez at Department of Trade and Industry Nueva Ecija (DTI-NE) Provincial Director Brigida Pili.

“Maaaring maging bahagi ng proyekto ng DTI na Shared Service Facility (SSF) ang center kung saan nagkakaloob ng mga kagamitang pangkabuhayan,” ani Pili. Dagdag niya, aabot sa 50 kooperatiba na ang may SSF.

Ang ASKI ay isang non-stock at non-profit organization na nagbibigay ng social services at nagtatayo ng small at medium enterprise.

 

 

Author

0 Response