Bilang suporta sa National Feeding Program; Mga magsasaka hinikayat pataasin ang produksyon ng gatas

 

Ang bagong batas na magsasagawa ng isang national feeding program para sa mga kabataang Pilipino sa mga pampublikong paaralan, na kulang sa nutrisyon (undernourished), ay naglikha ng mas mataas na pangangailangan sa gatas na ipoprodyus ng bansa.

Dahil dito, magbibigay ito ng mga oportunidad para magkaroon ng ganap na kabuhayan ang mga maggagatas at mapalago ang lokal na industiya ng paggagatasan. 

Sa paksang ito uminog ang pambungad na pananalita ni PCC Executive Director Dr. Arnel del Barrio sa selebrasyon ng ika-13 Gatas ng Kalabaw Festival noong Oktubre 8 na ginanap sa Gen. Natividad kaalinsabay ng ika-100 araw sa tungkulin ng bagong halal na alkalde na si Mayor Anita Arocena.

“Sigurado na ang market, nakahanda na nga ang pondo para sa programa nguni’t kulang ang supply natin ng gatas. Tulungan niyo po kami na makolekta ang gatas na ‘yan, maproseso at maipainom sa mga batang Pilipino,” ani Dr. Del Barrio.

Matatandaang nilagdaan ni Pangulong Duterte noong Hunyo 2018 ang Republic Act 11037 o Masustansiyang Pagkain Para sa Batang Pilipino Act. Layunin nito na tugunan ang problema sa malnutrisyon ng mga kabataang edad 3 hanggang 12 sa mga day-care center, kindergarten, at elementarya.

Sa ilalim ng batas, ang gobyerno ay magbibigay ng supplemental feeding program para sa mga daycare children, na ipatutupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at local government units (LGUs); school-based feeding program para sa mga mag-aaral ng pampublikong paaralan mula kinder hanggang Grade 6, na ipatutupad naman ng Department of Education (DepEd); at milk feeding program, kung saan kabilang ang gatas sa food menu na ipapakain sa mga bata. Kasama sa programa ang pagpapainom ng 100 ml hanggang 200 ml ng gatas sa mga kabataang mababa ang nutrisyon. Ito ay isasagawa sa pakikipag-ugnayan sa PCC, National Dairy Authority (NDA), at Cooperative Development Authority (CDA).

Hiniling ni Dr. Del Barrio sa mga magsasaka na hindi lamang doblehin kundi gawing triple ang produksyon ng gatas. Sinabi rin niya ang kahalagahan ng gampanin at kontribusyon ng mga maggagatas para matugunan ang hamon na ito.

“Unti-unti, kami po sa PCC, NDA, at CDA, kasama ang mga LGUs, ay mangangampanya po sa lahat ng mga munisipyo para kumbinsihin ang mga magsasaka na pag-ibayuhin pa ang produksyon ng gatas,” wika niya.

Binanggit din ni Dr. Del Barrio na nakalinya sa adhikain ng Department of Agriculture na “Masaganang Ani at Mataas na Kita”, ang slogan ng General M. Natividad na “Angat Nativideño, Isulong Natin ang Tagumpay at Asensong Para sa Lahat”. Ang Gen. Natividad ang nagsilbing host sa taong ito ng Gatas ng Kalabaw Festival.

Ang taunang ‘‘festival”, sa pakikipagtulungan ng Department of Trade and Industry (DTI), ay naglalayong itaguyod ang gatas ng kalabaw hindi lamang para sa ikauunlad ng ekonomiya kundi maging sa ikahuhusay ng kalusugan at nutrisyon ng mga magsasakang maggagatas, kabilang na ang kani-kanilang pamilya, at ng sambayanan.

Ito ay sama-samang itinataguyod ng isang technical working group na kinabibilangan ng DTI, PCC, DAR, DA at maging ang mga panlalawigan at lokal na pamahalaan.

Naging tampok sa magkatuwang na pagdiriwang ang masiglang “tagay-pugay”, isang aktibidad ng sabay-sabay na pag-inom ng gatas ng kalabaw ng mga lumahok sa programa na kinabibilangan na rin ng mga batang mag-aaral at mga kinatawan mula sa partner private institutions at mga ahensiya ng gobyerno.

Sa kabilang banda, ginawaran ng DTI ng pagkilala ang PCC bilang “most outstanding partner agency” nito sa pagsusulong at pagtataguyod ng mga kooperatiba at industriya ng paggagatas sa Nueva Ecija.

Pagkatapos ng programa, nagpainom din ng gatas ng kalabaw sa 400 mag-aaral sa General Natividad Central School. Ang gatas ay ipinagkaloob ng Nueva Ecija Federation of Dairy Carabao Cooperatives (NEFEDCCO).

Ang pagdiriwang ay dinaluhan ng 800 kalahok na kinabibilangan ng pribadong sektor, lokal na pamahalaan, mga ahensiya ng gobyerno, estudyante, guro, magsasakang maggagatas, at iba pa.

 

Author

0 Response