PCC patuloy sa pagsusulong ng ‘gender mainstreaming’

 

Sinanay ng Philippine Carabao Center (PCC) ang mga empleyado nito sa isang gender and development (GAD) training-workshop para magsilbing mga pangunahing tagahimok ng gender mainstreaming sa ahensiya.

Sa gender mainstreaming, nakatuon ang ahensiya sa pagbibigay ng dekalidad na mga produkto at serbisyong ayon sa patas at pantay na pagkilala sa pagitan ng kababaihan at kalalakihan. Ito rin ay isang estratehiya sa paglalakip ng GAD perspective sa lahat ng programa, aktibidad, at proyekto ng ahensiya.

Ayon kay Ma. Theresa Sawit, PCC GAD Focal Point System (GFPS) Undersecretary at Senior Gender Mainstreaming Evaluation Framework (GMEF) para makita kung gaano lubos na ginaganap ng isang organisasyon ang gender mainstreaming sa mga polisiya, tao, mekanismo, programa, aktibidad at proyekto.

“Ang pagsunod sa polisiya, gayunpaman, ay nangangailangan ng karagdagang kahusayan dahil wala pa sa mga miyembro ng GFPS ng PCC at mga lider ng programa o proyekto ang na-orient na kung paano gamitin ang gender analysis tools,” ani Sawit.

Inimbitahan ng PCC si Arlene Pascual, certified GAD trainer, para sanayin ang mga kalahok sa gender concepts at ang aplikasyon nito partikular na ang gamit ng gender analysis tools tulad ng Harmonized Gender and Development Guidelines (HGDG) at iba’t ibang mga checklists para sa GAD mainstreaming sa lahat ng mga programa, proyekto, at aktibidad ng PCC.

“Ang pag-unlad ay tungkol sa pagkakaroon ng buo at kasiya-siyang buhay para sa lahat at ito ay sama-samang responsibilidad. Lahat tayo ay may ambag dito,” ani Pascual.

Binigyang-diin niya na ang mga proyektong pangkaunlaran ng PCC na isasagawa ay dapat tumutugon sa gender issues sa pamamagitan ng pagtukoy sa mga puwang o pagkakaiba sa pagitan ng kalalakihan at kababaihan at pag-unawa kung bakit nananatili ang ganitong mga problema.

Sa kabilang banda, ibinahagi naman ni PCC Executive Director Dr. Arnel Del Barrio ang pagsunod ng PCC ayon sa Magna Carta of Women (MCW) o RA 9710 at ang General Appropriations Act (GAA) sa pagbabalangkas ng taunan nitong mga plano at pondo sa GAD para sa pag-mainstream ng gender perspectives. Gayundin ay maglalaan ng hindi bababa sa 5% ng kabuuang pondo nito ang PCC sa mga gawaing may kaugnayan sa GAD.

“Mayroon na tayong mga programa, pagsasanay, at proyekto na kabilang ang mga lalaki at babaing kliyente natin kaya naman hindi naman talaga tayo nagsimula sa wala pagdating sa pagpapatupad ng mga gawain sa GAD. Ang problema lang natin ay kailangan pa nating paghusayin ang dokumentasyon para epektibo nating masuri ang mga datos na may kaugnayan sa GAD,” ani Dr. Del Barrio.

Binigyang-diin din ni Dr. Del Barrio na ang kalabaw ay isang instrumento para sa pag-unlad. Ito ay nagsisilbing instrumento para matulungang mapabuti ang buhay ng mga kababaihan at kalalakihang magsasaka.

Ang pagsasanay ay kinapalooban ng mga talakayan, workshops, at pagpaplano para sa pagtatalaga ng paggamit ng HGDG sa PCC.

Ito ay nilahukan ng mga miyembro ng GAD Focal Point System, research and development program o project leaders, at ICT at infrastructure project leaders.

 

Author

0 Response