Kesong puti na may habang 5 metro tampok sa Kesong Puti Festival sa N.E.

 

Nagsilbing lundo ng selebrasyon ng kauna-unahang Kesong Puti Festival ang seremonya sa paghihiwa ng kesong puti na may habang 5.3 metro na ginanap noong Mayo 9 sa Talavera, Nueva Ecija (N.E), kasabay ng pagdiriwang ng “Linggo ng Magsasaka” ng bayan.

Ang keso, na may timbang na 245kg, lapad na 1.11 metro at kapal na 2.54 cm, ay tinaguriang pinakamalaking produktong gatas na nagawa ng Philippine Carabao Center (PCC) sa ngayon. Gumamit ito ng 700 litrong sariwang gatas ng kalabaw, na ipinagkaloob ng planta ng PCC at mga magsasakang maggagatas sa Talavera, bilang pangunahing sangkap.

Ang kabuuang sukat nito ay mas malaki kumpara sa kesong puti na inihanda ng PCC noong mga nakaraang taon para sa Gatas ng Kalabaw Festival, na ang karaniwang sukat lang ay 1.8m x 1.12m x 4cm (LxWxH).

Pagkatapos ng seremonya sa paghihiwa, ipinamahagi ang kesong puti na may kasamang pandesal bilang umagahan ng mga kalahok.

Ang paglulunsad ng kauna-unahang Kesong Puti Festival ay naging posible sa pangunguna ni Mayor Nerivi Martinez ng bayan ng Talavera sa tulong ng PCC. Ito ay pasimula sa adhikain ng bayan na mapabilang sa “Guinness World Records” para sa titulong “Biggest Kesong Puti in the Philippines”.

Sinabi ni PCC Executive Director Dr. Arnel Del Barrio sa kanyang mensahe na itinuturing niyang simbolo ng pakikipagtulungan ang paglulunsad at paglikha ng pinakamalaking kesong puti.

“Para sa’kin, lahat tayo ay nagtulung-tulong, lalung-lalo na ang mga magsasakang-maggagatas, sa pagpoproseso at paggawa ng kesong puti na ‘yan. Ito ang pinakamalaking kesong puti hindi lamang sa Talavera bagkus ay maging sa buong probinsiya ng Nueva Ecija. Sa palagay ko, ito rin ang pinakamalaking nagawa namin sa ngayon sa buong bansa,” ani Dr. Del Barrio.

Hinikayat niya ang lahat na tumulong na paunlarin ang lokal na industriya ng paggagatasan sa pamamagitan ng pagpapaigting ng ugnayan ng mga ahensiya, magsasaka, at iba pang mga value chain players sa paggagatasan.

Binanggit din ni Dr. Del Barrio ang kahalagahan ng rice-dairy integration model kung saan ang mga magsasakang nagtatanim ng palay ay maaaring isama ang paggagatas ng kalabaw bilang komplimentaryong pagkakakitaan. Ayon sa kanya, pwedeng gawing vermicompost o organikong pataba ang dumi ng kalabaw para sa pagpapayabong ng lupa ng palayan.

Sa kabilang banda, ang dayami pagkatapos gumapas ay pwedeng kolektahin at gamitin bilang pakain sa mga kalabaw.

Ang iba pang mga aktibidad sa pagdiriwang ay ecumenical service, trade fair, at cooking contest gamit ang kesong puti bilang pangunahing sangkap.

Samantala, ang Shrimp Kare-Kare with Kesong Puti, Suso with blended Kesong Puti, at Fried Lumpiang Kalabasa with Kesong Puti and Mushroom Dip ang nagtamo ng una, pangalawa, at pangatlong karangalan para sa cooking contest na nilahukan ng mga residente ng Talavera.

Maliban kay Dr. Del Barrio, ang iba pang mga panauhin ay sina Department of Trade and Industry Provincial Director Brigida Pili, Provincial Agriculturist Serafin Santos, DAR Provincial Agrarian Reform Officer I Jocelyn Ramones, at N.E. Agricultural Program Coordinating Officer Dr. Evelyn Fernando.

Dumalo rin sa pagdiriwang ang ilang mga kawani ng PCC at DTI, opisyales ng lokal na pamahalaan, mga magsasakang maggagatas, at negosyante.

Naging tampok din ang Kesong Puti Festival sa Unang Hirit, isang palabas na itinatanghal ng GMA network tuwing umaga.

 

Author

0 Response