Ayon sa mag-asawa sa Bukidnon ‘Hindi pwedeng maliitin ang mga pakinabang na hatid ng gatasang kalabaw’

 

Aminado si Nida Abellanosa ng Don Carlos, Bukidnon, na nagkaroon siya ng pag-aalinlangan at negatibong pananaw noon sa negosyong pagkakalabawan na sinuong niya at ng kanyang asawang si Carlo.

Ayon sa kanya, minaliit niya noong una ang mga benepisyong hatid ng negosyo sa paggagatas ng kalabaw dahil wala pa siyang nakikitang nagtatagumpay noon sa ganoong gawain sa kanilang lugar.

“Nang sinabi sa’kin ng asawa ko na gusto niyang sumali sa programa sa paggagatasan, nag-alinlangan ako noong una dahil alam ko na hindi ‘yon magiging madali,” ani Nida.

Nguni’t hindi naglaon ay sumang-ayon din siya lalo na at naramdaman niyang determinado talaga ang kanyang asawa na subukan ang paggagatasan.

“Hindi na ako tumutol noong ipaayos na ng asawa ko ‘yong kulungan at tinaniman ng pakain ang ilang ektarya ng bukid namin,” wika niya.

Ang pangunahing pinagkakakitaan ng pamilya Abellanosa ay pagtatanim ng tubo. Taong 2016 nang mahikayat si Carlo na dumalo sa isang orientation ukol sa negosyong paggagatasan na isinagawa ng lokal na pamahalaan ng Don Carlos at ng Philippine Carabao Center sa Central Mindanao University (PCC@CMU).

Nagpahiram ng 10 buntis na gatasang kalabaw ang PCC@CMU sa mag-asawa. Nang manganak na ang mga ito, nagsimula na silang magtamo ng mga pakinabang mula sa kita sa paggagatas. Noon na tuluyang naglaho ang lahat ng mga agam-agam ni Nida sa nasabing gawain.

“Napansin ko rin na sa pagtatanim ng tubo maraming tauhan ang kailangan para matapos ‘yong mga gawain dito kumpara sa paggagatas ng kalabaw. Sa katunayan, hindi nga kailangan ng isang buong araw para matapos lahat ng gawain sa paggagatas sa tulong lang ng pamilya ko,” ani Nida.

Noong nasasaksihan na ng mag-asawa ang mga magagandang benepisyong hatid mula sa negosyong paggagatasan, sumang-ayon sila sa posibilidad na ang negosyong ito ay magbibigay pa ng mas maraming kita sa kanila at hindi magtatagal ay ito na rin ang magsisilbing pangunahing pagkakakitaan nila.

Pagkaraan ng ilang taon, dumoble ang bilang ng kanilang mga alagang kalabaw. Mayroon na sila ngayong 20 kalabaw at isang bulugan. Pito ang ginagatasan nila kung saan karaniwang 6-8 litrong gatas mula sa isang kalabaw ang naaani nila bawa’t araw. 

Simula nang mag-umpisa silang mangolekta at magbenta ng kanilang aning gatas noong Setyembre 2017, nakapagtala na sila ng kabuuang kita (gross income) na higit-kumulang Php376,000.

Si Carlo, dahil sa kanyang abilidad sa pamumuno, ay nahalal bilang chairman ng Muleta-Side Buffalo Dairy Association (MUSBUDA). Dahil naman sa kanyang dedikasyon at determinasyon sa gawaing pagkakalabaw, ginawaran din siya kamakailan ng PCC ng parangal bilang “Best Family Module” noong ika-26 anibersaryo ng ahensiya.

Para naman sa tandem ng mag-asawa sa gawaing ito, si Nida ang naggagatas ng mga kalabaw habang si Carlo naman ang namamahala sa iba pang mga operasyon gaya ng pagpapakain, pagpapaligo at pagsusuga ng mga kalabaw.

Bilang umuunlad na kabuhayang salig sa kalabaw, ang farm ng pamilya Abellanosa ay kinilala at itinalaga noong 2018 ng Agricultural Training Institute (ATI) na maging “Learning Site for Buffalo Production”. 

Ito ay magsisilbing lugar at oportunidad na makapagbahagi ng kaalaman para sa mga maliliit na magsasakang nagnanais na sumubok sa kabuhayang salig sa kalabaw na gaya nila.

Naging dagdag na panghihikayat naman ang magandang balita mula sa pamahalaaang-bayan ng Don Carlos at PCC@CMU.

“Magtatayo ng Dairy Box sa Don Carlos na mapagbebentahan ng produktong mula sa aning gatas,” ayon kay PCC@CMU center director Dr. Lowell Paraguas.

Plano ngayon nina Nida at Carlo na paramihin pa ang inaalagaan nilang mga kalabaw at bumili ng mga makinarya sa pag-aalaga lalo na sa pagkuha ng mga pakain. Higit sa lahat, balak din nilang magproseso ng gatas para gawing iba’t ibang produkto.

 

Ang pag-aalaga ng kalabaw ay hindi parang laro lang na pwedeng gawin ng kahit sino dahil nakikiuso sila. Sa gawaing ito, kailangan ng sipag, tiyaga, at sikap para magtagumpay.”

 

nida abellanosa

Magsasakang Maggagatas

Don Carlos, Bukidnon

Author

0 Response