Kahalagahan ng kalabaw bilang instrumento sa pag-unlad, binigyang-diin sa 5th NCC

 

Binigyang-diin ang espesyal na gampanin ng kalabaw sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng maraming pamilyang magsasaka sa pamamagitan ng mga plenary sessions sa ginanap na 5th National Carabao Conference (NCC) ng Philippine Carabao Center (PCC) noong Nobyembre 14-15 sa Central Mindanao University (CMU) Convention Center, Maramag, Bukidnon.

Ang kahalagahan nito sa buhay ng mga magsasaka ay pinatunayan ni CMU President Dr. Jesus Antonio Derije sa kanyang mensahe. Sinabi niya na ang kalabaw ay isang kapaki-pakinabang na hayop na nakatutulong hindi lamang sa gawaing bukid dahil sa taglay na lakas nito bagkus ay mainam din itong pangnegosyo dahil sa gatas, karne at iba pang produkto nito na mapagkakakitaan gaya ng balat at dumi nito. 

Ibinahagi rin niya ang nabasa niyang artikulo na isinulat ng yumaong editorial consultant ng PCC na si Dr. Anselmo Roque tungkol sa yumayabong na industriya ng paggagatas ng kalabaw. Aniya, maraming oportunidad ang ibinibigay ng kalabaw dahil maraming mga produkto ang nakasalig dito gaya ng mga produktong gatas at karne (carabeef) na mataas ang demand at presyo sa merkado dahil sa taglay nitong magandang kalidad at nutritional value.

Punong-abala sa nasabing komperensiya ang PCC@CMU sa pamumuno ni Dr. Lowell Paraguas at pakikipagtulungan ng CMU. Umikot ito sa temang “Masaganang Ani at Mataas na Kita sa Pagkakalabawan”, bilang suporta sa bagong pananaw sa agrikultura na ang Pilipinas ay magkaroon ng seguridad sa pagkain at ang mga magsasaka’t mangingisda nito ay magtamasa ng maunlad at masaganang buhay.

Layunin nito na pagsama-samahin ang mga kalahok, katiwala, at lahat ng mga may pakinabang sa industriyang salig sa kalabaw. Daluyan din ito ng mga mahahalagang impormasyon upang maibahagi at maipalaganap ang mga teknolohiya, kasanayan, mga ideya patungkol sa industriya at mga wastong pamamaraan na naisagawa na ng mga magsasakang nagtagumpay sa kani-kanilang mga pinagkakakitaang negosyong salig sa kalabaw at nang sa gayon ay makahikayat ng maraming magsasaka na sumali sa Carabao Development Program (CDP).

Nagbigay ng ulat tungkol sa CDP si PCC Executive Director Dr. Arnel del Barrio, kung paano nagsimula at lumago ang programa at kung paano ito patuloy na nakatutulong sa pagpapaangat ng buhay ng mga magsasaka.

“Ang gusto natin ay magkaroon ng kumikitang kabuhayan ang mga magsasaka para magkaroon sila ng masaganang ani at mataas na kita,” ani Dr. Del Barrio.

Para naman kay Rowena Bumanlag, Applied Communication Section Head ng PCC at overall chairperson ng 5th NCC, itinuturing niya ang CDP bilang integrated at diversified program.

“Ang programa ng PCC sa pagkakalabawan ‘is no island’ ang ibig lang sabihin ay pwedeng i-sama ang kalabaw sa kasalukuyang sistema ng pagsasaka at hindi matatawaran ang natatanging kontribusyon nito,” ani Bumanlag.

Bahagi ng komperensiya ang mga talakayan o plenary sessions sa mga paksang: Convergence for the Milk Feeding Program, Technology and Innovation Forum, Scaling up the Carabao-based Enterprise Value Chain, at Strengthening the Provincial Livestock Extension System.

Maliban sa mga plenary sessions, nagsagawa rin ng convergence meeting ng dairy cooperatives para sa pagpaplano at paggawa ng mga kaugnay na estratehiya kung paano matutugunan ang tumataas na demand para sa gatas bunsod ng national feeding program.

Nagkaroon din ng Knowledge Exhibition, technology demonstration, launching of PCC@CMU’s Bull Barn, Semen Processing Laboratory at ‘Bukidnon Dairy’ Processing at Marketing Outlet, pamamahagi ng mga gatasang kalabaw sa conduit cooperatives sa ilalim ng Accelerating Livelihood and Assets Buildup (ALAB) Karbawan project, Knowledge Café, at tagay-pugay kasama ang mga mag-aaral sa elementarya at mga mascots ng PCC na sina Kalaboy at Kalagirl.

Mahigit 600 magsasakang maggagatas na inaasistehan ng PCC, mga kabalikat, mga negosyante, mga opisyales ng lokal na pamahalaan, mga representante mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, pribadong mga organisasyon na katuwang ng PCC sa pagpapalaganap ng CDP ang lumahok sa nasabing pagtitipon.

Author

0 Response