Pagkamit ng bulugan at pagtatagumpay ng isang magkakalabaw sa Iloilo

 

Laking pasasalamat ni Robert Garbino, 49, ng Dalid, Calinog, Iloilo nang igawad sa kanya ng DA-PCC ang certificate of ownership o sertipiko ng pagmamay-ari sa bulugang kalabaw na ipinahiram ng ahensiya. Ito ay bunga ng kanyang limang taong masikap na pag-aalaga sa naturang kalabaw na umabot sa mahigit 27 ang naging anak.

Taong 2015 nang maipagkaloob sa kaniya ang bulugan na isang Bulgarian Murrah Buffalo sa ilalim ng bull loan program  (BLP) ng PCC. Layon ng naturang programa na mapataas ang lahi ng kalabaw sa pamamagitan ng natural  na pagpapalahi gamit ang bulugan.

Nagsasagawa ang PCC ng orientation at site evaluation upang matukoy kung sinu-sino ang mga kwalipikado na mapabilang sa BLP. Nagbibigay kaalaman at  hinahasa rin ng ahensiya ang kapasidad sa responsableng pag-aalaga ng bulugan ng mga napiling tagapag-alaga tulad ni Robert.

Ang BLP ay may kaukulang kontrata na nagsasaad na maililipat lamang ang pagmamay-ari ng bulugan sa pangalan ng tagapag-alaga nito kung magkakaroon ito ng  25 anak sa loob ng limang taon. 

Ayon kay Robert, hindi pa umabot ng isang taon buhat ng magsimulang mangasta ang kalabaw. Pagbabahagi niya, hindi siya nagpapabayad sa gustong magpalahi sa alagang bulugan upang makatulong  sa mga magsasaka.

Bukod sa pagbubulog, kaagapay din niya ito sa pag-aararo sa bukid at pagkakaryada ng mga mabibigat na bagay.

‘’Malaking tulong sa aming pamilya ang mabigyan ng ganitong oportunidad. Hindi mahirap mag-alaga ng kalabaw kung ito ay bibigyan mo ng kaukulang pansin,’’ ani Robert.

Nagsimula si Robert mag-alaga ng kalabaw noong 2012 at hindi nagtagal ay sumuong siya sa paggagatas.

Si Robert  ay isa sa magsasakang inaasistehan ng PCC sa West Visayas State University. Siya ay miyembro ng Calinog Farmers Agriculture Cooperative.

Aabot  sa pitong kalabaw ang bilang ng alaga ni Robert. Ang dalawa niyang mestisang kalabaw ay  nagwagi sa kumpetisyon sa kalabaw noong ika-22 anibersaryo ng PCC. Kinilala ang kanyang senior at junior cows sa crossbred category at tumanggap siya ng Php45,000 gantimpala dahil dito.

Nakakuha si Robert ng 13.7  litro ng gatas mula sa mga naturang kalabaw sa loob ng 10-12 buwan. Ang kada litro ng gatas ay ipinagbili niya sa halagang Php70.

“Kung dati, ang kita ko araw-araw ay Php350 lamang sa pagiging welder, ngayon kaya ko nang kumita ng aabot sa libong piso o higit pa mula sa paggagatas ng kalabaw,” pagbabahagi ni Robert .

Ginagamit niya ang kita sa pang araw-araw na gastusin ng kanyang pamilya at pambaon ng mga anak na nagsisipag-aral pa. Nakapagpundar na rin si Robert ng dalawang motorsiklo.

Nakikinita ni Robert na sa paglipas ng panahon ay mas lalo pang maraming biyaya ang kanyang matatanggap mula sa pag-aalaga ng kalabaw.

(May impormasyon mula sa artikulo ni Ma. Cecilia Irang)

Author

0 Response