Pagtatatag ng negosyong paggagatasan sa bayan ng Piat, Cagayan

 

Ang Piat ay isang bayan na matatagpuan sa lalawigan ng Cagayan na ang pangunahing pinagkukuhanan ng ikabubuhay ng mga mamamayan nito ay sa agrikultura.

Ang mayamang lupa ng nasabing bayan ay natataniman ng mais, tubo, palay, tabako at sari-saring gulay. Ito’y may dalawang ilog: ang Zaltan at ang Chico River na kung saan ang mga mamamayan ay nangingisda. Kadalasan, sa dalawang ilog na ito dinadala ng mga magsasaka ang kanilang mga alagang hayop gaya ng kalabaw upang painumin at paliguan.

 

Base sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), noong 2010 ang bayan ng Piat ay mayroong 1,767 na babaing kalabaw at 2,279 naman ang lalaki. At sa kasalukuyan, ayon sa nakalap na datos ng Philippine Carabao Center (PCC), mayroong 1,143 na crossbreds sa lugar kung saan 568 ang babae at 575 naman ang lalaki. Ang mga kalabaw sa lugar ay katuwang ng mga magsasaka sa gawaing bukid at sa kanilang mga maisan.

 

Matatagpuan din sa bayan ng Piat ang dinarayong Basila Minore ng Our Lady of Piat. Ito ay maituturing na “tourist destination” ng lugar. Sa katunayan, ang bayang ito ay tinaguriang “Pilgrimage Center of Cagayan Valley”

 

Sa Piat din makikita ang 150 ektaryang lupa na ipinagkaloob sa PCC ng Cagayan State University (CSU) Piat Campus upang magsilbing tahanan ng mga native swamp buffaloes at iba’t ibang lahi ng kalabaw na nagsisilbing breeding animals ng farm para sa stocks infusion.

 

Dahil sa nakitang potensiyal sa lugar, noong Setyembre 9, nabigyan ng pagkakataon ang pinuno ng ahensiya ng PCC@CSU na si Prof. Franklin Rellin na talakayin sa harap ng 18 Punong Barangay ng bayan ng Piat ang kanyang hangaring maitatag sa lugar ang negosyong paggagatasan. Hindi naman siya nabigo, sapagka’t sinang-ayunan ng Asosasyon ng mga Punong Barangay ang kanyang layunin at inaprubahan ng Punong Bayan ng Piat na si Carmelo Villacete.

 

Sa kasalukuyan, tuwing Martes at Huwebes ng linggo simula noong Setyembre 12, ang grupo ng mga taga PCC@CSU ay nagtutungo sa nasabing bayan para magsagawa ng animal inventory and profiling ng mga kalabaw.

 

Ang mga impormasyon na makakalap ay kakailanganin sa gagawing “data base” para sa lugar. Ang bawa’t kalabaw ay binibigyan ng numerong pagkakakilanlan (I.D. no.) sa data base, habang ang mga crossbreds at purebreds lamang ang nilalagyan ng ear tag number.

 

Kasabay nito, nagsasagawa rin ang grupo ng PCC ng libreng pagpupurga at pagbibigay ng bitamina sa lahat ng kalabaw na dinadala tuwing Martes at Huwebes. Mayroon ding isinasagawang Pregnancy Diagnosis (PD), Synchronization at Artificial Insemination (A.I) sa mga babaing kalabaw depende sa kanilang status.

 

Sa pamamagitan ng pag-i-imbentaryo at pangangalap ng mga importanteng datos, malalaman din kung sinu-sino sa mga magsasaka ang maaaring dumalo sa gaganaping Dairy Buffalo Management Training at Milk Handling and Processing Training. Sa pamamagitan nito, madaragdagan ang kanilang kaalaman tungkol sa negosyong paggagatasan upang mapataas ang kanilang kita kasabay ng pagbuti ng kanilang buhay. Inaasahang magiging mabenta ang mga produktong galing sa gatas ng kalabaw sa nasabing lugar dahil ito ay dinarayo ng mga turista.

 

Umaasa ang PCC na ang programang ito ay makatutulong sa mga mamamayan ng Piat, partikular sa mga magsasakang nag-aalaga ng kalabaw na maiangat ang antas ng kanilang kabuhayan at mapataas ang produksyon ng gatas. Pinapangarap ng ahensiya na balang araw ay matulad ang bayan ng Piat sa bayan ng San Agustin, Isabela, na itinuturing na umuunlad na bayan sa negosyong paggagatasan.

 

Author

0 Response