Mga piling magsasaka sa Kalinga, sumailalim sa Social Preparation Training

 

Nagsagawa ng social preparation training (SPT) at program orientation ang PCC sa Cagayan State University (PCC@CSU) noong Pebrero 4-5 sa barangay Santor, Rizal, Kalinga.

Ito ay nakaangkla sa mithiin na magkaroon ng progresibong mga negosyong gatasan mula sa kalabawan sa nasabing lugar. Isinusulong nito na matulungan ang mga mamamayan ng naturang barangay na makabuo ng isang organisasyon ng mga magsasakang maggagatas.

Sa pamamagitan ng naturang aktibidad ay inihanda ang mga nagsipagdalo sa pakikibahagi sa proyekto ng PCC sa “Unlad-kabuhayan Salig sa Kalabaw”.

Nagbigay kaalaman ito ukol sa mga programa ng PCC, kabuhayang salig sa kalabaw, partikular sa paggagatas, at mga benepisyo na maaaring makuha mula rito. Tinalakay din ang inisyatiba ng PCC sa pamamahagi ng mga gatasang kalabaw sa mga magsasaka.

Nagsagawa  ng animal profiling at pregnancy diagnosis sa Santor. Sa 80 na kalabaw, may dalawang purebred Murrah buffalo, ang isa ay  bulugan, at ang isa ay buntis. Aabot sa 45 ang native na kalabaw, 32 ang babae at 13 ang lalake. Ang crossbred naman ay may bilang na 33, kung saan 19 ang babae habang 14 ang lalake. 

Dalawampu’t walong katao ang lumahok sa nasabing aktibidad. Ito ay pinangunahan nina Edelina Rellin, training coordinator at Benedicto Blansa, Community Development Officer II ng PCC@CSU. Isinagawa ito alinsunod sa pagdulog sa ahensya ni Congressman Allen Jesse Mangaoang, Kalinga lone district representative.

Inaasahan na magiging matagumpay ang programa ng PCC sa pakikipagtulungan nito kay Cong. Mangaoang.

 

Author

0 Response