Sikad-kalabawan sa Region XII

 

DA-PCC sa USM — Sa kabila ng hamon na dulot ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), ang Department of Agriculture-Philippine Carabao Center sa University of Southern Mindanao (DA-PCC sa USM) ay patuloy na pinatatatag ang pagtuon sa mandato ng ahensiya na palaganapin ang kahalagahan ng kalabaw bilang mapagkukunan ng gatas, karne, at lakas-pantrabaho para sa ikauunlad ng mga magsasaka.

Ayon kay Benjamin John Basilio, center director ng DA-PCC sa USM, pinaiigting ngayon ang pamamahagi ng mga programa at serbisyo ng DA-PCC upang sa gayon ay makatulong sa mga magsasakang labis na naapektuhan ng pandemya.

Sa katunayan, naging bahagi ang DA-PCC sa USM sa pagtawag-pansin ng D&L Farm sa mga lokal na pamahalaan na maging bahagi ang gatas ng kalabaw, bilang kilalang “almost complete food” dahil sa taglay nitong protina at mga bitamina, sa mga pagkaing ipinamamahagi sa mga frontliners sa kani-kanilang bayan.

‘‘Nangamba kami sa naging epekto ng COVID-19 para sa amin na mga magkakalabaw, buti na lang nariyan ang partisipasyon ng DA-PCC sa pakikipag-unayan sa mga lokal na pamahalaan upang maisagawa ang inisyatibang milk feeding program para sa frontliners,’’pahayag ni Dominic Paclibar, may-ari ng D&L Farm at isa sa mga magsasaka na inaasistehan ng DA-PCC sa USM.

Bukod dito, malaki rin ang pasasalamat ng mga magsasaka ng Aleosan at Pigcawayan matapos ipagkatiwala sa kanila ang apat at dalawang mga bulugang kalabaw, ayon sa pagkakabanggit, bilang bahagi ng Bull Loan Program (BLP) ng ahensiya.

“Malaki ang pasasalamat ko sa DA-PCC dahil kahit nasa gitna tayo ng krisis ay pinagbigyan pa rin kami sa aming hiling at  alam naming makakadagdag ito sa aming kita. Bilang tugon sa ahensiya, sisiguraduhin naming mapapataas ang lahi ng kalabaw dito sa aming barangay,” ani Esauro Caballero, magsasaka at recipient ng BLP sa Aleosan, Cotabato.

Sa kabilang dako, bilang tugon sa naging limitadong galaw ng mga tao sa pagpapairal ng General Community Quarantine, nakiisa ang DA-PCC sa USM sa inisyatiba nitong “Buffalo Milk on Wheels”. Ito ay nakaangkla sa programa ng Department of Agriculture na “Kadiwa ni Ani at Kita”. 

‘‘Ang inisyatibang ito ay naging pabor sa aming mga mamimili na bibihira na lang lumabas dahil sa COVID-19. Napadali ang pagbili ng mga produktong gawa sa gatas ng kalabaw,’’ ani Danica Grace Besana, residente ng Kabacan, Cotabato.

Noong Hunyo 19, nakatanggap naman ng 17 kalabaw ang Highland Agricultural Credit Cooperative (HACC) sa ilalim ng proyektong Accelerating Livelihood and Assets Buildup (ALAB Karbawan)- Carabao-based Business Improvement Network (CBIN) ng DA-PCC.

“Ang 17 kalabaw na inihatid sa HACC ay pauna pa lamang sa 50 kalabaw na ipagkakaloob sa kanila,” ani Dir. Basilio.

Dagdag ni Dir. Basilio, “Dumaan sa masusing pagpaplano ang HACC upang mapabilang ito sa limang kooperatiba na mabibigyan ng DA-PCC sa USM ng gatasang kalabaw.

Ang CBIN ay proyektong pinangungunahan ng DA-PCC at pinondohan ng opisina ni Senator Cynthia Villar. Layon nito na isulong ang lokal na industriya ng paggagatasan sa mga piling probinsya sa bansa.

“Ang pagpapatupad ng mga programa at serbisyo ng DA-PCC ay  patuloy naming pinag-iigi bilang kami ang nagsisilbing tulay ng biyaya para sa  mga magsasaka sa region 12,” ani  Dir. Basilio.

 

Author

0 Response