Pagdiriwang sa buwan ng magsasaka, mangingisda

 

Bilang pagkilala sa mga lokal na magsasaka at mangingisda, nagsagawa ang Department of Agriculture-Philippine Carabao Center (DA-PCC) ng iba’t ibang aktibidad noong Mayo 27-29 sa San Jose City, Nueva Ecija.

“Kami ay nagbibigay-pugay sa ating mga magsasaka. Kung ang iba ang tawag sa kanila ay frontliners, at ang ilan naman ay backliners, para sa amin, sila ay mga modernong bayani,“ ani DA-PCC Executive Director Arnel Del Barrio.

Kaniyang binigyang-diin ang kanilang hindi matatawarang kontribusyon sa pagpapataas ng produksyon ng pagkain, na aniya ay tunay na lunas laban sa COVID-19 lalo’t wala pang bakuna.

Isinagawa ng DA-PCC sa tatlong araw na pagdiriwang ang mga inisyatibang nakaalinsunod sa “Ahon Lahat, Pagkaing Sapat (ALPAS) Kontra COVID-19”ng DA. Layon nito na matiyak ang seguridad sa supply ng pagkain sa panahon ng pandemya.

Inilunsad ang mga proyekto ng DA-PCC sa ilalim ng ALPAS COVID-19 kung saan iniangkla ang mga aktibidad  sa urban gardening at gulayan sa barangay, pagpapakilala ng dalawang bagong produkto ng Milka Krem (Milkybun at Milk Pops), sabay-sabay na paglulunsad ng Kadiwa Buffalo Milk on Wheels sa iba’t ibang sangay ng DA-PCC sa buong bansa, paglulunsad ng Ruminant Research Clinic sa Saranay, SJC, pagtatanim ng mga damong pakain, at pagkakaloob ng mga kalabaw sa mga miyembro ng Tayabo Agro-Entrepreneur Natures Innovators Movement (TANIM).

Isang community feeding program din ang isinagawa ng ahensiya para sa 500 bata sa Brgy. F.E Marcos, San Jose City. Nakatanggap sila ng 200-ml sachet ng gatas ng kalabaw at Milkybun, isang tinapay na may gatas ng kalabaw at mayaman sa nutrients.

Nabigyan din ang Tahanan ng Damayang Kristiyano na nangangalaga sa mga inabandonang bata at mga matatanda sa SJC ng gatas at Milkybun.

Bilang isa sa mga target areas ng DA-PCC para sa mga proyekto nito sa ALPAS COVID-19, nagkaroon ng paglalagda ng memorandum of agreement sa pagitan ng DA-PCC at lokal na pamahalaan ng San Jose.

Hinimok naman ni SJC Mayor Mario “Kokoy” Salvador ang mga magsasaka na nabiyayaan sa mga proyekto na maging matiyaga sa pagsustina ng mga ito. Kaniyang binigyang-diin na makatutulong ito upang mas lalo pang pag-igihan ng pamahalaan ang pagsasagawa ng mga proyekto at programa na makatutulong sa mga magsasaka.

Ang mga proyekto ay ang Unlad Lahi Project (ULaP), na may layong maparami ang produksyon ng gatas at karne at makapagbigay kabuhayan sa mga magsasakang nawalan ng pagkakakitaan dahil sa pandemya; Creating Opportunities through Value Innovations and Development (COVID) na makatutulong sa pagpapataas ng food productivity, availability, accessibility, at sustainability sa pamamagitan ng mga teknolohiya ng DA-PCC; Gatas, Isda, Gulay, at Karne (GIGK),  na makatutulong sa pagpapalago ng produksyon, supply ng pagkain at pakain; at Cara-Aralan na makapagmimintina sa pagbibigay impormasyon, edukasyon, at komunikasyon sa mga magsasaka, carapreneurs, at iba pang kabilang sa industriya ng pagkakalabaw.

Noong 1998, idineklara ang Mayo bilang Buwan ng Magsasaka at Mangigisda sa ilalim ng Presidential Proclamation No. 33.

 

Author

0 Response