Kalabawang sure na sure para sa Davao del Sur

 

Mas pinapaigting pa ng DA-Philippine Carabao Center sa University of Southern Mindanao (DA-PCC at USM) ang negosyong salig sa kalabaw matapos ang unang pamamahagi ng kalabaw sa ilalim ng implementasyon ng kauna-unahang Coconut-Carabao Development Program (CCDP) sa Region XI na isinagawa ngayong araw sa Kiblawan, Davao del Sur.

Ang CCDP ay isang programang ipinatutupad ng DA-PCC katuwang ang Philippine Coconut Authority Region XI (PCA XI), na naglalayong palaguin ang kabuhayan ng mga magniniyog sa Davao Region sa pamamagitan ng integrasyon ng kalabaw sa kanilang mga sakahan.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Dr. Eunice V. Cagas, kinatawan ni Congressman John Tracy Cagas, na "This program is an innovative approach to enhance productivity in carabao-based dairy farms… It shines brightly today as this initial dispersal aims to enhance local production and minimize importation." Buo rin ang suporta ng kinatawan sa hangarin nitong mapabuti ang nutrisyon at kabuhayan sa lalawigan.

Mula naman sa bayan ng Sulop, binigyang-diin ni Vice Mayor Atty. Willie Villegas, na siyang kumatawan sa LGU Sulop, ang hamon sa mga magsasaka na panatilihin ang inisyatibo at lumikha ng isang sustainable business model sa kanilang lugar.

Samantala, sinabi ni Mayor Carl Jason Rama ng Kiblawan na, “Ang mga proyektong pang-agrikultura ay may malaking potensyal na pasiglahin ang lokal na turismo.” 

Dagdag pa niya, ang dispersal na ito ay hindi lamang para sa pag-aalaga ng hayop kundi para rin sa kasapatan ng pagkain sa komunidad.

Ipinahayag naman ni PCA Region XI Regional Manager Juvy Alayon ang kanyang pasasalamat sa mga katuwang na ahensya sa matagumpay na implementasyon ng CCDP, kasabay ng hamon sa mga magsasaka na, “Kayo ang unang dapat makatikim ng unang patak ng gatas mula sa CCDP.”

Binigyang-diin naman ni DA-PCC sa USM Center Director Geoffray R. Atok ang malaking partisipasyon ng mga magkakalabawan upang maparami ang kalabaw sa probinsya. 

Nagpaabot naman ng suporta ang Provincial Veterinary Office ng Davao del Sur, na kinatawan ni Dr. Kim Fueconcillo, sa pagpapanatili ng kalusugan ng mga kalabaw sa ilalim ng programa.

Sa acceptance message ng farmer-recipient na si Henry Goles, kanyang ibinahagi ang proseso ng kanilang paghahanda.

 “Sa pamamagitan ng social preparation training, natukoy na namin ang mga dapat isugal sa negosyong ito. Challenging ito, pero malinaw kung ano ang mga dapat gawin sa pag-aalaga ng mga ito. Ngayon, tinatanggap ng grupo namin ang binhi ng CCDP dito sa Davao del Sur,” ani Goles.

Matatandaang nagsimulang umusbong ang industriya ng kalabaw sa Davao del Sur noong 2019, kung saan naging conduit-cooperative ng DA-PCC sa USM ang Inyam-Pintuan-Asbang Multi-Purpose Cooperative sa bayan ng Matanao sa ilalim ng ALAB Karbawan. Sa kasalukuyan, isa na itong aktibong kooperatibang lumalahok sa mga aktibidad sa loob ng carabao value chain.

Dagdag pa rito, nakitaan na rin ng local government unit ng Kiblawan ang potensyal ng kita mula sa kalabaw. Bilang suporta, sila ay naglaan ng PHP1.8 milyon para sa konstruksyon ng Dairy Box Kiblawan—isang pasilidad na magiging sentro ng produksyon at pagbebenta ng mga produktong gatas ng kalabaw. Naglaan din sila ng pondo para sa pagbili ng mga kalabaw at pagpapatayo ng mga housing facility para sa mga ito.

Author

0 Response