‘Bukidnon Dairy’ bilang isang lugar panturismo

 

Ang “Bukidnon Dairy”, isang pamilihan ng mga produktong gawa sa gatas ng kalabaw ng Department of Agriculture-Philippine Carabao Center sa Central Mindanao University (DA-PCC@CMU), ay inaasahang magiging akreditadong lugar panturismo sa Maramag, Bukidnon, matapos ang pagtalima nito sa accreditation standards ng regional Department of Tourism (DOT).

Ito ay alinsunod sa “Tourism Awareness and Stakeholder’s Forum on Department of Tourism’s Proper Accreditation” na ginanap sa The Margarette Business Hotel, Maramag, Bukidnon noong Marso 3.

Ang nasabing pagtitipon ay naglalayong ihanda ang mga panturismong establisyimento at negosyo ukol sa implementing rules and regulations (IRR) ng RA 9593 o The Tourism Act of 2009 at maging ang mga pamamaraan na kailangang sundin para sa pagpapalisensiya ng negosyo.

Ang “Bukidnon Dairy”, na may dating pangalan na “Buffalo’s Milk Sales Outlet”, ay kinilala bilang isa sa mga lugar sa Northern Mindanao na dinarayo ng mga turista. Gamit ang bago nitong pangalan, ito ay muling inilunsad noong Nobyembre 14, 2019 sa pagdiriwang ng 5th National Carabao Conference na pinangunahan ng DA-PCC@CMU sa tulong ng Central Mindanao University.

Mataas ang pag-asa ni DA-PCC@CMU Center Director Dr. Lowell Paraguas na makapapasa sa accreditation standards ang nasabing outlet na mas lalong makapagpapalaganap sa pagbebenta nito ng mga produktong gatas.

“Malaking bagay na makamit natin ang DOT accreditation para mas mapagbuti pa ang mga produkto at ang pagbibigay ng serbisyo sa mga kliyente natin na manggagaling pa sa iba’t ibang lugar,” ani Dr. Paraguas.

Binanggit sa forum na ang mga negosyong akreditado ng DOT bilang lugar panturismo ay uunahin sa mga DOT training programs, mabibigyan ng certification at DOT identification card para sa mga tunay na empleyado at maisasama sa bi-annual publication ng lahat ng accredited tourism establishments at frontliners sa Region X.

Ang munisipalidad ng Maramag ay binansagang “Tourism Highway of Northern Mindanao”.

Ito, ayon kay Oscar Navacilla, public information officer, ay nagbibigay pakinabang sa panlipunan at pang-ekonomiyang aspeto sa mga kalapit na probinsiya.

Sinabi naman ni Maramag Mayor Jose Joel Doromal na kailangang maghanda na ang mga posibleng maging lugar panturismo at pag-igihan pa ang pagbibigay nila ng serbisyo bilang preparasyon sa nagbabadyang pagdagsa ng mga bisita sa oras na makuha nila ang DOT accreditation.

Ayon kay Beverly Tagpongot, tourism operations officer II ng DOT-Region X, ang ma-certify ng DOT ay nangangahulugan ng pagtupad sa minimum standards para makapagpatakbo ng isang tourism facility.

Ibinahagi rin niya na ang layunin ng DOT ay makabuo ng isang industriya ng turismo na may pangkapaligiran at panlipunang responsibilidad, na maghahatid ng mas malawak na pagkakakitaan at mga trabaho.

Sa kabilang banda, sinabi ni Rico Libre, tourism operations officer II ng DOT-Region X, na ang programa sa turismo ng probinsiya ng Bukidnon ay nakakategorya sa mga sumusunod: Recreational, Cultural, Religious/Faith, Medical/Health, Adventure, at Farm.

 

Author
Author

0 Response