Matamis na tagumpay sa pangalawang pagkakataon

 

“To see is to believe.” Ganito ang naging paniniwala ni Gemma Bengil, 40, ng barangay Canahay, Surallah sa South Cotabato bago siya nagdesisyong sumuong sa negosyong paggagatasan–ang makita muna ang resulta ng isang gawain bago ito tuluyang subukan.

Hindi nagtagal, nakita niya ang daloy ng gatas, naranasan ang mga biyayang hatid nito, at ngayo’y naniniwalang ito ang magbibigay ginhawa sa kanilang buhay.

Isa si Gemma, miyembro ng Canahay Dairy Farmers Association (CADAFA), sa mga nakatanggap ng isang Italian Mediterranean buffalo mula sa DA-PCC sa University of Southern Mindanao (DA-PCC@USM) noong 2016. Nguni’t sa halip na kunin at alagaan ay isinauli niya ito.

Bagama’t hindi na bago sa kanya ang pag-aalaga ng kalabaw dahil lumaki siya sa pamilya ng magsasaka, nagdalawang isip siya na subukan dahil, aniya, pinangunahan siya noon ng takot at pag-aalinlangan na sumubok sa bagong gawain.

“Isinauli ko kasi natakot ako na baka may mangyaring masama sa kalabaw na ipinahiram sa’kin tapos wala akong pambayad,” ani Gemma.

Ilang buwan ang lumipas, nagsimula nang gumatas at magbenta ang ilang mga miyembro kabilang ang kapatid ni Gemma. Taong 2019 nang mahikayat na siyang pasukin ang paggagatas. Muli siyang umaplay sa DA-PCC@USM at mapalad namang nabigyan ng pangalawang pagkakataon na mapahiraman muli ng isang kalabaw na buntis na.

Pinag-aralan niya kung paano maggatas nang maayos. Maliban sa pagbebenta ng gatas, mas pinalawak ni Gemma ang mapagkakakitaan niya, nagsimula siyang magproseso ng mga produkto mula rito gaya ng choco milk at mga kakanin.

Sa kasalukuyan, tatlo ang inaalagaang kalabaw ni Gemma: maliban sa Italian Mediterranean buffalo, mayroon din siyang isang crossbred na kalabaw na mula sa Provincial Office at isang native na kalabaw na kanyang pag-aari. Nakakokolekta siya ng pito hanggang walong litro kada araw kung saan naglalaan siya ng isa hanggang dalawang litro sa paggawa niya ng mga produktong gatas.

Ang ibang gatas ay binibili naman sa kanya sa halagang Php75 kada litro ni Dominic Paclibar, isa rin sa mga inaasistehang magkakalabaw ng DA-PCC@USM. Aniya, kumikita siya ng mahigit Php3,000 sa isang linggo.

Ayon sa kanya, malaki ang naitulong ng kita niya sa paggagatas para matustusan hindi lamang ang kanilang araw-araw na gastusin bagkus ay maging ang pag-aaral ng kanilang dalawang anak.

“Wala akong pagsisisi na sinubukan ko ang negosyong ito dahil talaga palang may pera sa gatas,” masayang sabi ni Gemma.

Bagama’t hindi lahat nabibigyan ng pangalawang pagkakataon sa isang gawain, hindi ito kahit kailan sinayang ni Gemma. Nagpursigi siya at ngayo’y tinatamasa na ang mga biyayang hatid ng negosyo sa pagkakalabaw.

Plano ni Gemma na dagdagan pa ang mga alagang kalabaw at ipagpatuloy ang pagpoproseso ng mga produktong gawa sa gatas nito.

 

Author

0 Response