Mga piling magsasaka sumailalim sa Buffalo Production Management sa Cagayan

 

Aabot sa 16 na magsasaka mula sa Isabela at Cagayan ang dumalo sa pagsasanay sa Buffalo Production Management (BPM) na isinagawa ng Department of Agriculture-Philippine Carabao Center sa Cagayan State University (DA-PCC@CSU) sa Bauang, Piat, Cagayan noong Marso 5-6.

Ang BPM ay isa sa mga pangunahing aktibidad ng PCC na para sa mga nais na maging bahagi ng programa ng ahensiya sa pagpapahiram ng kalabaw.

Hangarin ng pagsasanay na mabigyang-kaalaman ang mga kalahok sa wastong pag-aalaga ng gatasang kalabaw, pagpapakain at tamang pagpapalahi. 

Matututunan din sa BPM ang pag-iwas at pagsugpo sa iba’t ibang sakit ng kalabaw, produksyon ng damong pakain at pag-iimbak nito, tamang pamamaraan ng pagtatala ng mga importanteng datos, at pagpapalahi.

Ilan sa mga teknolohiyang natutunan ng mga kalahok ang paggawa ng burong damo o silage, urea molasses mineral block (UMMB), urea-treated rice straw (UTRS), at pataba mula sa animal manure o dumi ng kalabaw gamit ang vermicomposting.

Ang mga nagsidalo sa BPM ay mula sa Amianian Coconut Farmer’s Association, Cagayan-Apayao Farmer’s Economic Development Association,  Kalinga Farmer’s Association of Capellan, Mabuhay Agriculture Cooperative, at isang magsasaka ng Santa Maria, Isabela.

Pinangunahan ng mga manggagawa ng DA-PCC@CSU kabilang sina Franklin Rellin, center director; Maximo Wandagan, Science Research Specialist I; Edelina Rellin, Senior Science Research Specialist; at Rovina Piñera, center veterinarian at Training Specialist III, ang isinagawang BPM.

Sa ilalim ng “Carabao Development Program” ng DA-PCC, isinusulong ang genetic improvement, carabao-based enterprise development, at research for development. Nagbibigay ang ahensiya ng libreng pagsasanay at technical assistance sa mga nag-aalaga ng kalabaw, magsasakang maggagatas, at carapreneurs.

 

Author

0 Response