Nakaaantig na kuwento ng mga kababaihan ng CADAFA, sentro sa selebrasyon ng Women’s Month ng PCC@USM

 

Sina Loyda at Zenith, mga babaeng nabago ang buhay at kapalaran nang dahil sa gatasang kalabaw.

Naging tampok ang kuwentong-buhay nina Loyda Estañol at Melgin Zenith, parehong miyembro ng Canahay Dairy Farmers Association (CADAFA) sa South Cotabato, at ng kani-kanilang pamilya sa ginanap na taunang selebrasyon ng Women’s Month ng Department of Agriculture-Philippine Carabao Center sa University of Southern Mindanao (DA-PCC@USM) noong ika-3 ng Marso sa Barangay Canahay, Timog Cotabato.

Ibinahagi ng dalawa ang kanilang karanasan bilang mga babaeng maggagatas sa nabanggit na pagtitipon.

“Dahil sa hirap ng buhay, kahit na may sariling pamilya na ako, tinitiis ko ang kahihiyan na dumulog sa aking ina para humingi ng perang pambili ng bigas. Naranasan ng aking mga anak na kumain na lamang ng kamote upang mairaos ang gutom,” pagbabalik alala ni Zenith.

Pero nang dahil sa pag-aalaga ng gatasang kalabaw, may pambili na sila ng pagkain, hindi lang sapat kundi sobra pa, para sa araw-araw.

“Bilang ilaw ng tahanan, nakatataba ng puso na makita mo ang pamilya mong unti-unting umuunlad sa tulong ng umaapaw na biyayang mula sa gatas ng kalabaw. Nakapagpundar kami ng isang sari-sari store at natutustusan na namin ang pag-aaral ng aming mga anak,” paglalahad naman ni Loyda.

Ipinaabot nina Loyda at Zenith, maging nina Gemma Bengil at Nancy Zabala na mula rin sa CADAFA, ang  labis na pasasalamat sa DA-PCC@USM at Local Government Unit (LGU) at Municipal Agriculture Office ng Surallah, South Cotabato sa nasumpungang mainam na kabuhayan dahil sa gatasang kalabaw.

Kasama sa programa ang pagpapamalas ng mga pamamaraan sa paggagatas ng CADAFA na ayon kay DA-PCC@USM community organizer Raquel Bermudez ay malaki ang naiambag sa layunin ng center sa pagpapaunlad ng mga kabuhayang salig sa kalabaw. 

Inilahad ni Rosalino Ligahon , LGU-Surallah dairy coordinator, na malaki ang ginampanan ng mga babaing miyembro ng CADAFA sa tagumpay nito ngayon.

“Kung dati ay iniisip nila na ang pagkakalabaw ay gawaing panlalaki, ngayon ay hindi nila akalain na mababago ang kanilang pananaw at ang takbo ng kanilang buhay dahil dito. Nagsimula lamang sila sa pagpapalaki ng kalabaw hanggang sa kalauna’y nakita nila na malaki ang kita kung gagatasan nila ito. Kung dati ay umaasa lamang sila sa kanilang asawa, ngayon sila na mismo ang naggagatas at nagpa-pasteurize sa nakolektang gatas,” ani Ligahon.

Saklaw ng DA-PCC@USM ang rehiyon XII. Ang nasabing center ay pinamumunuan ni center director Benjamin John Basilio. Kabilang sa center sina Carabao-Based Enterprise Development coordinator Nasrola Ibrahim at Bermudez na nakatuon sa pagbibigay suporta sa mga miyembro ng CADAFA.

Kaugnay pa rin ng Women’s Month, binigyang-diin naman ni Ludivina Estimo, DA-PCC@USM Gender and Development Focal Person, ang international theme nito na “We Make Change Work for Women”.

Aniya, ang mga naging pambihirang karangalan na nakamit ng mga kababaihan sa mga nagdaang taon ay patunay na hindi lamang gawaing pambahay ang papel ng mga kababaihan.

Ang Women’s Month ay ginaganap tuwing buwan ng Marso bilang paggunita sa International Women’s Day.

 

Author

0 Response